Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


´╗┐Ahas

"Ang kuwentong ito ay karanasan ng aking Lola Tasya noong ipinagbubuntis niya ang aking Nanay. Na sa tuwing naaalala ko, naiisip kong marami palang pangyayari noong panahon nila na mahirap paniwalaan..."

NAPALINGON ang labing-siyam na taong gulang na ai Tasya nang pumasok sa pintuan ng bahay ng mga ito ang Tiyo Poldo ng kanyang asawang si Pidio. Mula roon ay tila itinulos na kawayan pagkatapos na makita ang anak na nasa loob ng ataul, na pinagtulong-tulungan lang na gawin ng ilang kapitbahay at kaanak nila.
Galing ito sa malayong bayan sa kanilang probinsya dahil may tinanggap na trabaho bilang isang karpintero. Bukod sa mahirap pa ang transportasyon sa panahong iyon verbal pa ang paghahatid ng balita ay sa mismong libing na lang ito makakasama.
"Wala na si Adela," anang umiiyak na asawa nito.
Napatiim-bagang ito bago lumapit sa ataul. Dinama nito ang noo at dibdib ng bangkay. "Malamig na ang mga balat niya..."
Noon na siya tuluyang lumapit sa tiyuhin ng asawa, na sapo ang may kalakihan na ring tiyan, na apat na buwan na niyang ipinagbubuntis. Panganay nila ito ni Pidio kaya gayon na lang ang kanyang pag-iingat. "Tatlong araw na siyang patay, Tiyo. Hindi na po kayo nakapaglamay. Dapat na siyang mailibing bago siya mangamoy."
"Kailan pa siya nakagat ng ahas?" Tanong nito. "Saan?"
"Ikaapat na araw na po ngayon, ama," anang manugang nito. "Nakagat po siya ng ahas habang nililinis niya ang pagtatanim ng kamote. Natapakan daw po ito."
Lalong nagtagis ang bagang ng lalaki. At tingin niya'y mas lamang ang galit na nararamdaman nito sa dibdib kaysa lungkot dahil sa pagkawala ng panganay na anak.
"Bakit hindo n'yo agad dinala kay Igme?" Sabi nitong ang tinutukoy ay ang kaibigang albularyo. Marunong din kasi itong manggamot ng mga nakakagat ng aso, ahas, pusa o iba pang hayop kahit malala na o kumalat na ang lason sa katawan.
"Si Adela ang ayaw. Sa iyo lang siya may tiwala. Hindi namin siya napilit hanggang sa..." humahagulhol si Felisa. "Hindi ko akalaing ganito katindi ang kamandag. Namatay na siya. Wala kaming nagawa!"
Huminga ito ng malalim. "Kung sana'y inabutan ko pa siyang mainit ang dibdib, baka sakaling naisalba pa ang buhay niya," sabi nitong mahigpit na nakakapit sa gilid ng ataul. "Pinagsabihan ko na sila subalit hindi sila nakinig."
Nangunot ang noo ni Tasya. Sino ang 'sila' na tinutukoy nito na pinagsabihan nito? Wala namang tao na dapat pagbintangan sa pagkamatay ng kanyang pinsan.
Ayon sa asawa nito ay nag-iisa lang sa taniman ng kamote ang anak nitong babae na nasa edad sampu nang tuklawin ng ahas!
"Kumuka kayo ng tatlong buong kawayan at ilagay ninyo riyan sa harapan." Maya-maya ay utos ni Tiyo Poldo.
Nagtataka man ay walang nagawa si Berto kundi ang sumunod. Ilang sandali pa'y dumating na ang ilang kalalakihan na may dalang tatlong kawayan na bagong putol. Isinenyas ng kanyang tiyuhin na pagtabihin iyon at lagyan ng dalawang dangkal na pagitan ang bawat isa. Saka nito inutusang umakyat sa itaas ang mga naroong nakipaglamay at makikipaglibing ngayong araw na ito. Iilan lang bahayan sila sa lugar na iyon kaya kokonti lang sila.
Pagkuwa'y sumigaw ng tatlong beses sa salitang hindi niya maunawaan ang Tiyo Poldo niya. Gayon nalang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang makita niyang nagsisipagdatingan ang iba't ibang uri ng mga ahas.
Tila may isip ang mga ito na kusang pumatong sa ibabaw ng nakahanay na kawayan. Nagtabi-tabi ang mga ito roon.
"Pidio, ang daming ahas! Ano ang ginagawa ng mga iyan dito? " Nangangatal ang katawan na tanong niya sa asawa na napahawak ng mahigpit sa isang braso nito habang nakaailip sila sa bintana ng kanilang bahay. "Nakakapangilabot!"
Ewan kung ano ang nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Tila kasi lumalaki ang ulo niya at nanayo ang lahat ng kanyang mga balahibo sa katawan. Gusto rin niyang ipikit ang kanyang mga mata subalit hindi naman niya magawa dahil para bang kapag ginawa niya iyon ay Isa sa mga ahas ang lalapit sa kanya upang tuklawin siya.
"Tumahimik ka na lang diyan, Tasya," mahinang singhang sa kanya ng asawa. "Manood nalang tayo at tingnan kung anong mangyayari."
Nanahimik siya at nanood na lang na tila pinaninikipan ng dibdib.
Sa totoo lang, ngayon lang siya nakakita ng ganito karami at iba't-ibang uri ng ahas. Mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki. At buong buhay yata niya ay hindi niya malilimutan ang karanasang ito. O, baka naman nanaginio lamang siya?
Kinurot niya ang sarili. Nasaktan siya. Ibig sabihin, gising na gising siya.
"Saan nanggaling ang mga ahas na iyan, Pidio?"
"Hindi mo ba narinig, Tasya? Tinawag sila ni Tiyo Poldo? May mutya ng ahas si Tiyo kaya nagagawa niyang pasunurin ang mga ito."
Magtatanong pa sana siya sa asawa ngunit napigil iyong nang muling magsalita ang kanilang tiyuhin.
"Sino sa inyo ang kumagat sa anak ko?" Matapang na tanong ng kanyang tiyuhin sa mga ahas na para bang tao ang mga ito. "Magsabi kayo ng totoo dahil malilintikan kayong lahat sa akin!"
Lalo pang nanlaki ang mga mata ni Tasya ng itaas ng mga ahas ang kani-kanilang ulo. Napaurong siya dahil pakiramdam niya'y tatalon ang mga ito patungo sa kanya at kakagatin ang kanyang tiyan. Mula sa hanay ng mga ahas na iyon, may Isa siyang napansin na nanatiling nakalapat sa katawan ang ulo. Maihahalintulad ito sa isang tao na nakatungo dahil nahuling nakagawa ng kasalanan.
Hindi ito kalakihan. Tingin niya'y kasing laki lang ito ng hinlalaki ng kanyang paa. Nilapitan ito ng kanyang tiyuhin at dinuro ito sa pamamagitan ng patpat na hawak.
"Hindi ba't sinabi ko sa inyo na Huwag ninyong gagalawin kahit isa sa pamilya ko?" galit na singhal dito ni Tiyo Poldo. Lalo namang nagpakatungo-tungo ang ahas, bagay na Lalong nakapagpamangha sa kanya.
"Pidio, ano nga pala iyong mutya sa ahas?" Hindi niya mapigil na tanong sa asawa. "Para iyong bato na nakuha ni Tiyo Poldo sa bibig ng ahas," ang asaw niya ang sumagot. "Minsan daw kasi, noong nangangahoy siya sa bundok ay nakakita siya ng pitong ahas at may nakapagsabi sa kanya na kapag nakakita ng ganito, na bihira namang mangyari, Huwag papatayin lahat. Dapat magtira ng isa. Iyong pinakamaliit at hayaang makalayo. May darating daw uli na isa na siyang gagamot sa mga kasamahan at iyon ang binantayan ni Tiyo. Nakuha niya ang mutya pero hindi iyon naging madali. Kung paano? si Tiyo lang ang nakakaalam."
Napatango-tango siya.
"Sumama ka sa libing ni Adela." Muli'y narinig niyang utos ni Tiyo Poldo sa nagkasalang ahas. "Mababaon ka sa lupa kasama niya. Sige, magsi-alis na ang lahat."
Tila mga taong isa-isang umalis ang mga ahas maliban sa isang nanatiling nasa ibabaw ng kawayan. Umusad lang ito nang maibaba na sa bahay ang ataul ni Adela. Nawala ito sa kanilang paningin at laking gulat na lamang nila ng maabutan iyong nasa loob na ng hukay na pagnabaunan sa bangkay Nakapulupot iyon ng pabilog sa gitna at walang kagalaw-galaw. Natutop niya ang dibdib at halos mahulog na sa lupa ang nanlalaking mga mata.
Kung hindi niya nasaksihan ang bagay na iyon ay hindi talaga niya paniniwalaan. Subalit siya ay saksing buhay sa hiwagang iyon na panahon...magawa man niyang ibahagi sa magiging anak ng panganay niyang nasa kanyang sinapupunan ay hindi niya Tiyak kung paniniwalaan pa dahil sa patuloy na pagbago ng panahon at pag-unlad ng siyensiya.
"Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na ito, Pidio," maluha-luha niyang bulong sa asawa habang tinatabunan ng lupa ang ataul ng pinsan...kasama ang pinarusahang ahas na tumuklaw dito.

Wakas