Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


Ang Balon

Nagsimula lamang sina Rando, Albert at Joe sa payabangan.
"Sige 'tol! Walang urungan!" matapang na sambit ni Albert.
"Ako pa!? Matapang ini!" pagyayabang din ni Rando.
"I'm the man!" pakli naman ni Joe. "Wala akong kinatatakutan! Kahit multo o kampon pa ng kung ano 'yan!"
"Same here, 'tol! Lets put our name in history books! The Fearless! "Yan ang magiging moniker natin!" wika ni Albert.
"Ayos 'tol! Ang galing mo talaga!" sabi ni Rando saka nakipag-apiran kay Albert.
"Pa'no, split na tayo! Kita-kits na lang tayo mamayang alas-tres," ani Joe.
"Okey!" halos makapanabay na sang-ayon nina Rando at Albert.
Isang mayamang estranghero ang dumating sa bayan ng San Sebastian. Umakit agad dito ang atraksyon dahil na rin sa kabaitan. Bukod pa ang pagiging bukaspalad nito. Napakadali nitong maglabas ng pera at lagi nang nagriregalo sa mga bata at matatanda.
Naging malapit sa mayamang estranghero sina Joe, Albert, at Rando. Sa mga oras na libre sila at walang ginagawa ay karaniwang nakikipagkuwentuhan sila sa lalaki.
Minsan ay napag-usapan nila ang matagal nang paniniwala ng mga taga-San Sebastian na tuwing Biyernes Trese sa ganap na alas tres ng madaling araw ay lumalabas ang multo sa dilim at nagpapakita sa mga tao.
Hinamon sila ng mayamang esrtanghero na i-video ang paglabas ng multo sa dilim kapalit ng malaking halaga.
Hindi na nagdalawang isip ang magkakaibigan. Tinanggap nila agad ang hamon. Kung mayroon man silang nadaramang takot ay pinawi iyon ng isiping ang kapalit noon ay maraming pera.
Pare-parehong hindi na natulog ang tatlo. Si Rando ang unang nagsisi kung bakit pinanaig ang pride at hindi inaya ang mga kaibigan na magsama-sama na lang nilang hintayin ang alas tres ng madaling araw. Lampas hatinggabi pa lang ay palihim na siyang umalis ng kanilang bahay at lulan ang kanyang bike ay mabilis na tinungo ang bahay nina Joe na mga labinlimang minuto rin niyang pepedalin.
Samantala, pinag-aralang mabuti ni Albert ang pagkuha ng video. nagkasundo silang magkakabarkada na siya ang kukuha ng shot sa multo ng dilim. Naisip na niya marahil ay aminado rin kasi ang dalawang kaibigan na siya ang mas matapang sa kanilang tatlo.
"Shit, 'tol! Nanlalamig ako," amin ni Joe habang binabaybay nila ni Rando ang kahabaan ng daan patungo sa public cemetery.
"Napasubo yata tayo," amin din ni Rando.
"Napaaga tayo. Quarter to three pa lang."
"Si Albert kaya? Baka hindi dumating ang isang iyon, ah!"
"Kakatayin ko siya kapag di siya dumating. Ang yabang niya kanina."
Sabay na napalingon ang dalawa nang makarinig ng nga kaluskos. Nasa kalagitnaan na sila ng sementeryo ng sandaling iyon, sa eksaktong lugar kung saan nila pinag-usapang magkikita.
"A-ano 'yon?" sambit ni Rando.
"A-Albert?" tawag ni Joe.
Nawala ang kaluskos. Napalitan ng malakas na ihip ng hangin.
Napakapit si Rando kay Joe.
"Tang...?! 'Eto na 'ata, 'tol!" wika ni Joe.
"A-alas tres na ba?"
"Ten minutes pa!"
"Asan kaya si Albert? Ba't ang tagal niya?"
"Tadong 'yon! Baka umurong!"
"Sira ba siya? Pa-fearless-fearless pa siya tapos dwakang siya!"
Isang napakalamig na hangin ang muling nanuot sa mga kalamnan nila. Nagsitayo ang kanilang mga balahibo.
"M-malapit na...Mag-aalas tres na! sabi ni Joe.
"Bakit wala pa si Albert!" naghahalo ang takot at inis ni Rando.
"Alas tres na!" prantiko na si Joe.
3:10 am.
Biglang umalingawngaw ang alulong ng isang aso sa di-kalayuan. Sinundan iyon nang tila ipu-ipo na nagmula sa dulo ng sementeryo patungo sa kinaroroonan ng dalawa.
Sa kabiglaanan ay nagtatakbo sila. Huli na nang matuklasan nilang nasa magkaiba silang direksyon.
"Joe!" sigaw ni Rando.
Walang sagot.
"Joe," tawag uli siya, mas malakas.
Nakabibinging katahimikan ang naging sagot sa pagsigaw niya.
Nag-uulong na sa takot si Rando. Nangangalisag na ang kanyang mga balahibo at puno na ng kilabot ang buo niyang katawan. Dama niya na hindi siya nag-iisa, mula kung saan ay may nakamasid at nagmamatyag sa kanyang bawat kilos.
Sindak na nagtatakbo si Rando patungo sa entrada ng sementeryo. Hindi niya kayang makita kung ano man ang dapat niyang makita sa libingang iyon. Palibhasay madilim, hindi agad nasinagan ng dalang flashlight ang isang nakausling ugat ng halaman sa daraanan. Natapilok siya at bumagsak sa lupa.
"Araykup!?" daing niya nang maramdaman ang kirot na nagmula sa bukung-bukong paitaas.
Pero saglit lang. Hinagilap niya ang flashlight na tumilapon nang madapa. Hindi niya makita, hindi makapa. Nang maramdaman niyang tila hinigop siya ng isang pwersang hindi malabanan. Tinangay siya. Dinadala siya sa kailaliman.
Ang sumunod ay ang nakasusulasok na amoy. Nakababaligtad iyon ng sikmura. Nakapanlalaki ng ulo. Hindi kayang ipaliwanag. Hanggang hindi makayanan ang lahat at nawalan siya ng malay.
Nang magmulat ng mga mata si Rando ay nasa loob siya ng isang balon. Malagkit ang likidong kumakapit sa kanyang katawan. Muls sa liwanag na naggagaling sa itaas ng balon ay tiningnan niya ang basang-basang damit. Puno iyon ng dugo.
Dugo ang likidong nasa loob ng balon!
Sumigaw si Rando. "Joel...Joel?"
Napapitlag siya nang mula sa ilalim ng balon ay bumubulok ang malagkit na dugo at inilwa ang katawan ni Joe. Wala na itong buhay.
"H-hi-hindi?' sambit niyang halos pumutok ang mga ugat sa ulo dahil sa hilakbot.
Waring hindi pa sapat iyon, muling bumulubok ang malagkit na dugo at sa pagkakataong ito, ang nakadilat pang bangkay ni Albert ang nakita niya. Nakarehistro rin sa mga mata nito ang hindi mabibigyang pangalang sindak.
Sa sandaling iyon, isang bagay lang ang nais mangyari ni Rando. Ang mamatay na siya.
Noon niya narinig ang isang nakakahilakbot na halakhak. Tumingala siya.
Nakita niya ang anyo ng estranghero bagamat hindi malinaw ang mukha nito. May hawak na tila ilawan ang lalaki. Nakadama ng pag-asa si Rando. Naisip niyang dumating ang lalaki para saklolohan siya.
"Saklolo! Tulungan mo ako!" sigaw niya.
Noon ay kumawala ang akala niya ay ilawan. Isa pala iyong bolang apoy! Inihulog iyon ng lalaki sa loob ng balon.
Bago pa tuluyang mawala sa katinuan si Rando ay nakita niya mula sa liwanag ng bolang apoy ang kabuuan ng estranghero.
Pero wala itong mukha! Nang alisin ng lalaki ang damit ay tumambad sa kanya ang multo sa dilim.
Hinamon sila ng multo para mayroob itong makasama at upang ipalasap din sa kanila kung paano ito pinatay.

Wakas