Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


Ang halimaw

Nagkakagulo na naman ang taumbayan. Kanya-kanyang hawak ng tulos at sibat para tugisin ang nakawalang halimaw. "Kapag nakita natin ang halimaw, sibatin agad. Huwag nang tirhan ng hininga. Patayin!!! Noong isang gabi ay sinalakay ng kung anong halimaw ang manukan ni Mang Pedring, pineste ang mga manok. Itinumba rin ang alagang damulag ni Mang Damian.

At kumakalat pa ang kuwento na may mga batang natagpuan na wala na ang lamang-loob. Ipinaskel pa sa lahat ng sulok ng eskinita ang kuhang larawan ng mga batang dinukot ang lamang-loob. Nakakadiri. Panakot na anyo talaga ang halimaw na ito.

Nagkakagulo sa labas. Ang lahat ay sakbibi ng takot sa pagsulpot ng halimaw sa dilim. Sino kaya ang halimaw? Ni walang nakakaalam na sa loob ng bahay ko ay may isang halimaw na nag-iiba-iba ng anyo, minsan ay maamo, minsay ay nambabato ng kutsilyo.

"Mahal, matulog na tayo," may himig ng lambing ang tono.

Alam ko na sa kabila ng maamong anyo ay may kumakawala na namang demonyo sa katawan ng halimaw na ito.

"Hindi pa ako inaantok." Kailangan ko na ring tumanggi.

"Halika na sabi," sa pagitan ng ngipin lumalabas ang salita, gigil at parang lalabasan ng pangil.

Sunud-sunuran, nahiga ako sa tabi ng halimaw. Naramdaman ko ang mainit na dampi ng hininga nito. kasing init ng silakbo ng dugo. Hinalikan niya ako, halik ng diyablo, kiss of death. Para akong kinakapos ng hininga dahil hinihigop niya ang lakas ko. Ang halimaw ay gusto pa yatang mangagat. Napapikit ako dahil nararamdaman ko ang sakit ng pagbaon at talas ng kuko. Saglit pa ay para itong nilulukuban ng masamang espiritu na nangingisay-ngisay.

Nakatulog ang halimaw na may ngiti sa labi.

Hindi ako makatulog nang gabing iyon. Dinig ko pa ang panakbuhan ng mga tao sa labas. May hinahabol. "Habulin nyo!" Doon nagsuot ang halimaw!" Bulung-bulungan, ang halimaw daw ay nagpapalit ng anyo, minsay ay tao, minsan ay baboy.

Kinabukasan, may hinahanap na naman ang halimaw ng buhay ko. Lighter. Sigarilyo. Asthray. Bote ng alak. Salamin sa mata.

Bakit ba hindi pa lumitaw ang pangatlong mata nito sa noo para hindi laging naghahanap ng kung anu-ano.

"Pati banaman bulok at gutay-gutay na karne hinahanap mo pa? Itinapon ko na sa basura."

Bakit ba pati gulo hinahanap nito. "Huwag luluko-luko sa akin ang taong iyan kundi baka samain sa akin iyan." Kapag lasing nga naman nahahamon ng away. "Wala namang ginagawa sa iyo 'yung tao?"

"Anong wala, eh, ang samang tumingin!"

"Hindi naman sa iyo nakatingin. Nakita mo nang duling...!"

Sinaniban na naman ito ng espiritu ng alak kung kaya naglilitanya ng mga lengguwaheng hindi ko maintindihan. "Siguro kalaguyo mo iyon kaya ipinagtatanggol mo pa." Kasunod niyon ay pagbabasag ng mga gamit na nagliliparan kagaya sa pelikula ng Exorcist.

"Huwag no akong lolokohin kung ayaw mong manghiram ng mukha sa aso." Takot ba ang halimaw na ito sa sariling multo?

Gagala na naman ang halimaw. Sino na naman kaya ang susunod na biktima? Sa astig ng porma ng halimaw na nakabota, nakatakip ng sunglassess ang mata at nangingintab ang buhok at noo sa ipinahid na pamada. "Ayos ba sa porma?" Anga-gara ng bihis nito. Ang ngiti ay natatakpan ng kinuluyang bigote. Wala na ang bangis sa anyo. Ang nandoon ay paghanga sa sariling anyo. Saan na naman ka papunta?

Tinatanong pa ba iyon? Hindi na ako nasanay. "Sa tabi-tabi lang." Ang tabi-tabi ay lugar kung saan nanginginain ang mga gutom sa laman. Hindi man gutom, dayukdok na matatawag, masiba at walang kabusugan. Nandito sa lugar na ito ang mga willing victim.

Gumigiling. Umiindayog ang katawan na parang pirming hila ang buntot. Mga galang kaluluwa sa dilim at ang kahubdan ang siyang pang-akit na aliw.

"Hi, Honey!" "Hi, I have no money!" Hagalpakan ng tawa. "Puwede ka bang i-take out?" "Sure, why not?" Muli ang tawa. Parang nangungulam na tawa. Naglublob sa putik ang mga halimaw.

Kinabukasan...tirik na ang araw ay mga dampi ng usok ang humaplos sa aking buhok. Para akong manok na binubugahan ng usok.

"Anong oras ako umuwi kagabi?" Ako dapat ang nagtanong kung bakit umaga na ito umuwi. "Napasabit!" alibi nito.

Ano pa ba ang bago? Sanay na siyang napapasabit ito.

"Mahal, gusto mo ng kape?" Gusto nito kaya ako ang nagtimpla. Inabala ko ang sarili sa paglalaba. Kinuskos ko maigi ang bakas ng pula sa kuwelyo ng kanayang damit. Ang bakas ng ebidensiya. Laba. Luto. Plantsa.

"Mahal, huwag ka nang kumilos diyan," saway sa akin ng halimaw ng buhay ko. Puno ng pag-aalala sa kanyang malamlam na mata. May problema ba? Nakakatakot bumait ang alam kong hindi naman mabait.

"Gusto mo bang kumuha tayo ng makakasama mo dito sa bahay para hindi naman maabuso ang katawan mo sa mga gawaing bahay?"

Concerned?

Ganito siguro ang taong makasalanan, naghuhugas ng kamay.

"Ano, kuha tayo? Para may makausap ka naman. Hindi pirming sarili mo ang kinakausap mo." Magandang ideya. Kunin ko kaya si Bebang, iyong pamangkin ko, anak ng kapatid kong babae. Masipag na bata iyon, mapapakinabangan. "Ayoko ng kama-kamag-anak. Magulo iyan. Mawawalan tayo ng privacy," tanggi agad nito. Hindi ko pa man nasasabi, ang husay bumasa ng isip.

"Mayroon akong alam. Ako na lang ang kukuha."

May bago na kaming kasambahay. Isang babaing parang tinalupan nang buhay ang inuwi nito sa bahay. Ang ikli ng suot. laging naka-shorts. Isang babaing hilatain, parang paniki na laging nakalambitin ang hita sa sofa, para ring bampirang tulog sa uamga, gising sa gabi. Nocturnal. Parang kuwagong pirming dilat ang mata.

Hindi na umaalis ng bahay sa gabi ang mahal kong halimaw. Hindi na ito gumagala gaya nang nakagawian na. Nakatiklop na lagi sa bahay.

"Ayaw mo ba niyan. lagi tayong magkasama."

Pasipul-pol pa ito. Sipol na parang laging nakakaloko.

Gabi. Masarap daw ang ihahain ng bago naming kasambahay. Nakita ko na hindi pa man ay asong naglalaway na ang ulol na halimaw. Nadulas ang kutsara sa kamay nito. at pagyuko ng babae ay halos luwa na ang kaluluwa, luwa rin ang mata ng gutom na halimaw.

Sa harap ko ay nagpalitan sila ng sulyap na puno ng pagnanasa.

Sa iba ko itinuon ang pansin. Sa mga nagkakaingay na boses sa labas. Patuloy parin daw ang pananalasa ng halimaw. Walang pinipiling lugar kung manalasa. Kahit sino, binibiktima. Galit na ang taumbayan. Galit na galit. Napopoot sa galit.

"Oras na makita n'yo, itarak agad ang tulos! Patayin! Huwag nang tirhan pa ng hininga! Masyado nang perhuwisyo ang halimaw na iyan. Unahan na natin bago pa magkalat ng lagim."

Gusto kong matulog, pero hindi ako makatulog. May naririnig akong mga kaluskos. Sa dilim. Bumangon ako at abut-abot ang kaba.

May nararamdaman akong hindi maganda. Nasaan na ang halimaw?

Ang halimaw ay walang pinipiling lugar. Kahit saan sumpungin ng pagkahalimaw. Ang hayop kahit saan nakagagawa ng kabulastugan.

Oo, masahol pa sa hayop ang halimaw na ito. Maging ang sariling bahay ay ginagawang parte ng kababuyan. Nagdala ng babaing bampira na may matatalim na pangil, matutulis na kuko.

Nangangapa ako sa dilim, May hinahagilap sa dilim. Ang dilim ang pinakanakakatakot na sandali dahil takot ako sa dilim.

Dinig ko ang halakhak. Nakakatulig ang halakhak ng halimaw habang naglulublob sa putik. Nakakabingi.

Sa labas, nadidinig ko naman ang mga nagmamadaling yabag. Takbuhan. May tinutugis na halimaw. "Bilis! Habulin natin! Tumakbo yata sa kabilang bahay! Mukhang nagpalit ng anyo! Tingnan nyo baka naging tao ang baboy! O baboy ang tao! Bilis! Habulin ninyo!"

Ang sari-saring tinig na iyon sa loob, at sa labas. Nakakarindi. Kumakatkat sa aking katinuan. Nakakabaliw. Nakakatako ang dilim, pero mas nakakatakot ang makakita sa liwanag kapag nasanay na ang mga mata sa dilim. Pagbukas ko ng ilaw, dinig na dinig sa labas ang pinakamalakas kong sigaw.

"Mga baboy! Mga halimaw! Halimaw! Baboyyy!!!
Sa galit ko, hinataw ko ang halimaw. Hindi ko namalayan na may iba na ring nakikihataw. Hataw rito. Hataw roon. "Sige, hatawin nyo! Huwag ninyong tirhan ng hininga."

Disidido talaga ang taumbayan na patayin ang halimaw. Isa lang ang halimaw na target nila pero dalawa ang nahuli sa bitag. Ni hindi na nila binigyan pa ng pagkakataong magpaliwanag.

"Kung saan-saan pa tayo naghanap nandito lang pala ang mga Halimaw. Buti nga sa kanila. Buti nga sa kanila."

WAKAS