Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


ANG SALARIN

WALA siyang pinipiling oras. O pangingimi man lang o paggalang sa anumang okasyong ipinagdiriwang. Sa gitna ng masayang kainan ng pamilya, sermon ang naging pagbati ni Lola Anita sa apong si Cris.
"Bakit ngayon ka lang?" galit at magkasalubong ang kilay na tanong ng matanda sa apong si Cris na kararating lamang.
"Buti nga at pumunta pa ako rito," pabulong na sagot ni Cris na narinig naman ni Lola Anita na may katalasan pa rin ang pandinig sa edad na pitumpu't anim.
Wala ka talagang modo ano!" Lalo itong nagalit.
"Lola. . . Tama na ho. Birthday ninyo ngayon, remember?" sansala ng isa pang apo, si Ariel, ang paborito nitong apo.
Huminahon ang agwela. "Naku, Cris. Muntik mo nang sirain ang kaarawan ko. Mabuti na lang narito si Ariel kungdi ay. . ." at naglitanya na si Lola Anita tungkol sa paboritong apo na laging ikinukumpara kay Cris.
Hindi naman masisisi si Lola Anita kung bakit mainit ang dugo kay Cris at puro papuri ang sinasabi tungkol kay Ariel. Dangan kasi, maliit pa'y may kapilyuhan na si Cris. Lumaki itong basagulero. Mahina sa klase. Mabarkada. Mabisyo. Lahat ng negatibong pag-uugali ay pinakyaw na raw nito ayon kay Lola Anita.
Samantalang si Ariel, sabi nga ni Lola Anita. . . "Walang ibinibigay na sakit sa ulo sa kanyang mga magulang. Malambing. Matalino sa klase. . ."
Hindi nga ito masisisi kung ituring niyang isang huwarang apo na dapat daw pamarisan ni Cris.
Nang magkasarilinan ang magpinsan, si Lola Anita pa rin ang paksa ng dalawa.
"Ako na lang lagi ang nakikita ni Lola. E kaya nga ako pumunta rito ay para mabati siya. Tapos ang isasalubong sa akin, pangaral. Parang napakawalang kwenta kong tao," Puno ng hinanakit ang tinig ni Cris.
"Bakit nga ba ayaw mong ayusin ang buhay mo? Magpasikat ka man lang kahit konti kay Lola," payo ni Ariel.
"Ini-enjoy ko lang ang aking kabataan. Hindi tulad mo na sobrang seryoso sa buhay. Maaga kang tatanda niyan!" nangiti na si Cris sabiro sa pinsan.
"Kala mo lang. Magaling lang akong magdala ng kalokohan," pabiro ring tugon ni Ariel.

TOTOO ang biro ni Ariel sa pinsan. Kung kalokohan ngang maituturing ang pagkakaroon ng nobya. Hindi naman siguro kalokohan ang umibig. Hindi rin maituturing na kasalanan pero papaano nga ba sa kaso ni Ariel at ng nobya niya na ginagawa na ang dapat ay para lang sa mag-asawa.
"Kailan mo ba ako ipapakilala sa mga parents mo? Sa Lola mo?" paglalambing ni Leila. Magkatabi sila sa kama ni Ariel sa loob ng isang motel.
"Ta-timing pa ako, love. Alam mo na namang kahit lalaki ako ay napaka-strict pa rin nila sa akin," paliwanag ni Ariel.
"Kailan pa!" himutok ng babae. "Kapag lumobo na ang tiyan ko?" biro ng dalaga.
"H-huwag kang magbibiro ng ganyan." Nataranta si Ariel. Napabalikwas ng bangon sa kama. "Magbihis ka na. Baka hinahanap na ako sa amin."
"Maaga pa naman a." protesta ni Leila. Pero tumalima na rin sa utos ng nobyo.
Bakit nga ba hindi naiisip ni Ariel ang bagay na iyon. Hindi siya tuloy kaagad makatulog sa kaiisip sa posibilidad na maaring mabuntis nga ang nobya. Laking gulo no'n kung sakali.
"Napatalino ko pa naman daw. E pagdating doon, bobo!" kastigo ni Ariel sa sarili. "Kailangan naming mag-ingat. Mahirap na. . ." Saka palang siya dinalaw ng antok ng may maiisip na paraan sa kalokohan niya.

NAKATIRA si Lola Anita sa kanilang ancestral house, Ang tanging kasama nito ay isang katulong at ang alagang pusa. Ang dalawang anak na parents nina Cris at Ariel ay may sari-sariling bahay at dumadalaw na lang sa matanda. Bukod sa buwanang pensiyon bilang dating school supervisor, nakakatanggap din siya ng share sa family business. Maluwag siya sa pera na hindi naman niya ipinagdadamot sa mga apo.
Tulad na lang nang muli niyang ipatawag ang dalawang apo sa bahay. Kahit hindi humihingi ay nagbibigay siya. Dumating ang dalawa at kahit naambunan pa rin ng sermon si Cris ay nabigyan din siya ng pera na sabi ni Lola ay pandagdag sa kanilang allowance.
"Gamitin ninyo sa tama ang pera. Dapat at matuto kayong magpahalaga sa paghihirap ng iba para kitain ito," payo ng matanda.
Tulad ng nakagawian, kalong ni Lola Anita ang alagang pusa habang kausap ang dalawang apo. Tahimik lang ang hayop na parang tulad nina Cris at Ariel ay seryosong nakikinig sa kanilang lola.
Ang mga payo ay paalala ng matanda ay wari namang tumimo sa puso at konsensiya ni Cris.
"Tama si Lola. Kailangan ko na talagang ayusin ang buhay ko," ang determinadong sabi ni Cris kay Ariel nang paalis na sila sa bahay si Lola Anita.
"Nagising ka rin, pinsan. It's good for you," nakangiting pagsang-ayon ni Ariel. Tinapik pa sa balikat ang pinsan.

KUNG si Cris ay handa nang talikuran ang magulong buhay, si Ariel ay patungo naman doon. Nangyari ang kinatatakutan niya na aaring mangyari sa nobya.
"B-buntis ako, Ariel." pagtatapat ni Leila.
"P-paanong nangyari yon? Nag-iingat naman tayo!" Tulirong tanong ni Ariel.
"Huli na, Ariel. Hindi ko rin agad nalaman na may laman na pala ang tiyan ko," paliwanag ng babae. Luhaan na ito. "Ano'ng gagawin natin, Ariel?"
"H-hindi ko alam. Pag-isipan muna natin ano ang dapat." Maiiyak na rin si Ariel sa bigat ng pinasok na problema.
Ni-rule out nila ang aborsiyon. Pero kaya ni Ariel na magtapat agad sa parents niya. Kukuha siya ng padrino. Katwiran ni Ariel paborito siya ni Lola Anita. Maiintindihan nito ang sitwasyon niya. Uunawain. Papatawarin at eventually tutulungang malampasan ang mabigat na problema niya.
Pero nagkamali si Ariel.
"Ingrato!" Pumaling sa mukha ni Ariel ang lakas ng sampal ni Lola Anita. "Sa lahat ng mga apo ko... ikaw pa,Ariel?" sumbat nito. Kahit lalaki ka... kahihiyan pa rin sa pamilya ang dulot no'n."
Galit na galit si Lola Anita sa ipinagtapat ni Ariel. Ngngangalit ang mga litid sa bagang nito habang pigil na sumambulat ng ngitngit
Napapiksi ang alagang pusa ng matanda na nakaupo sa mesa. Nagulat sa lakas ng boses ng amo. Patuloy pa rin sa pagmumura ang lola.
"Niloko mo ako. Akala ko pa nama'y napakatino mo. Iyon naman pala ay mas masahol ka pa kay Cris!" Idinuro pa ni Lola Anita ang hawak na tungkod sa mukha ng apo.
"Wala pala kayong kuwenta. Di ko kayo maaasahan," galit na ring mangol ni Ariel na narinig ng matanda. Lalo itong nagalit. Umambang papaluin ng tungkod ang apo.
"Bastos ka! Walang galang! Ump!" Itinaas ng matanda ang pamalo.
Mabilis ang mga pangyayari. Imbes na sasangahin ni Ariel ng tungkod na dadapo sa kanya, naitulak niya ang matanda. Nawalan ito ng balanse at natumba.
Humampas ang ulo ni Lola sa katabing mesa. Pumutok iyon at kaagad itong nawalan ng ulirat.
Gimbal si Ariel sa di-sinasadyang nagawa. Ang alaga namang pusa ng matanda ay kaagad tumalon sa tabi ng amo. Umungol. Wari'y sinisiyasat ang kalagayan nito. Nang akmang lalapit si Ariel ay galit na inangilan ng pusa ang binata. Handang ipagtanggol ang amo sa inaakala nitong nanakit sa amo.
Nagmamadaling lumabas ng bahay si Ariel. Nang pagkakataong iyon ay wala ang kasambahay ng matanda. Walang nakakita sa nagawa niya. Tumakas si Ariel sa ikalawang problema na nilikha niya.
Malayo na si Ariel nang si Cris naman ang dumating sa bahay. Ang pakay nito ay ang makipag-ayos sa kanyang lola at mangakong magpapanibagong-buhay.
Ang wala ng buhay na si Lola Anita ang nadatnan ng binata.
Nilapitan niya ang duguang matanda. Handa itong damayan. Ito ang eksenang nadatnan ng kasambahay na galing sa pamamalengke. Ang duguan at patay ng matanda katabi si Cris na tuliro at nangangamba sa kalagayan ng matanda.
Nagawa pa nilang isugod sa pinakamalapit na ospital si Lola Anita pero dead on arrival na ito.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya. Walang nakitang ebidensiya sa crime scene maliban sa ilang pirasong buhok. walang pagnanakaw na naganap kung kaya si Cris na siyang nakita ng katulong sa tabi ng bangkay ang napintong madiin sa krimen.
"Hindi kayo magkasundo ng lola mo. Galit siya sa'yo at maaaring galit ka rin sa kanya. Nagkasagutan kayo kung kaya nagawa mo ang krimen." Ito ang anggulong tinutumbok ni Sarhento Torres, ang lead investigator ng kaso.
Nasa presinto sila noon at kinukunan ng salaysay si Cris.
"Nagkakamali kayo. Totoong hindi kami magkasundo ni lola. Pero hindi ko magagawaang bagay na iyon sa kanya." Todo tanggi si Cris. Bagamat totoo ang sinasabi ay walang makapagpatunay na wala nga siyang sala. Sa halip ay nakulong parin siya dahil binigyan ng bigat ang testimonya ng katulong na nakakita kay Cris sa tabi ng bangkay.
Si Ariel naman ay nanatiling tahimik. Buo na ang pasya niyang iligtas ang sarili sa pananagutan sa batas kahit na ang pinsang si Cris ang magdusa.
"Patawarin mo ako,Cris. Patawarin mo ako,lola. . ." lumuluhang sambit ni Ariel sa kanyang pag-iisa.
Ibinurol si Lola Anita sa bahay niya. Masakit man sa mga magulang ni Cris ay handa nilang tanggapin kung talagang ang anak ang mapapatunayang nakapatay sa sariling lola. Sa gitna ng paglalamay, pinanatili nila ang katahimikan at wala ni isang nagbukas ng usapan tungkol sa kaso.
Sa unang gabi ng lamay ay naroon si Sarhento Torres. Nakamasid ito sa pamilya. Bahagi pa rin iyon ng imbestigasyon sa kaso. Sa tabi ng kabaong ng matanda ay kapansin-pansin na nakaupo sa may paanan ang alaga nitong pusa at matiyagang nakabantay sa amo. Wari'y kinikilala ang mga taong lumalapit sa kabaong.
Dumating sa burol si Ariel. Palapit pa lang siya sa kabaong ni Lola Anita ay nakita na siya ng pusa.Umungol ito. Sumingasing. Galit na galit ang hayop. Hindi ito pinansin ni Ariel. Nagpatuloy siya sa paglapit. Nang nasa harapan na siya ng kabaong, dinamba siya ng pusa. Inabot siya ng kalmot sa braso.
"Aray! Tsun!" pagtataboy niya sa hayop.
Nagpasyang lumayo at pumasok sa kabahayan si Ariel at nang magamot ang kalmot. Ang pusa naman ay umalis na rin sa tabi ng kabaong at nagpunta sa may kusina. Ang lahat ng pangyayaring ito ay hindi nakaligtas sa mapanuring mata ng imbestigador.
Tumayo si Sarhento Torres at sinundan ang pusa sa may kusina. Doon pa lang ay may panibago na siyang lead sa kaso. Gusto lang niyang makatiyak gamit ang makabagong paraan ng siyensiya.
Inilibing si Lola Anita.
Dalawang linggo pagkaraang mailibing ang matanda nang dumating si Sarhento Torres sa bahay nina Ariel. Sa harap ng mga magulang ng binata, baon ang ebidensiya ay siniwalat ng imbestigador ang kanyang natuklasan.
"May nakitang buhok sa crime scene na ipina-DNA test namin. Napatunayan sa test na kay Ariel ang mga hibla ng buhok na iyon," panimula ng pulis.
"Nakasisigurado ba kayo? Pinapalabas n'yo bang si Ariel ang may gawa ng krimen?" pagpuprotesta ng ama ni Ariel. "Gaano katiyak ang DNA test na sinasabi ninyo?"
Asiwa na si Ariel. Alumpihit na hindi mawari. Nagsisimula nang gumiti ang mga pawis sa noo niya.
"Maniwala man kayo o hindi, pero salamat sa pusang alaga ni Lala Anita. Nandoon kayo ng kalmutin ng galit niyang pusa ang anak n'yo. Sinundan ko ang pusa at sa tulong ng kasambahay ni Lola Anita ay nakakuha ako ng blood sample sa kuko ng hayop," paliwanag ng sarhento.
Pagpapatuloy niya. Ipina-DNA ko rin ang dugo na siyang nag-match sa buhok." Binalingan ng sarhento ang binata at tinanong. "Nakapagtataka, pero bakit galit sa'yo ang alagang pusa ng lola mo, Ariel? Hindi ka ba naawa sa pinsan mo na nakakulong ngayon kahit wala siyang kasalanan?"
Sukol na si Ariel. Wala siyang nagawa kundi ang umamin.
"H-hinsi o sinasadya. Patawarin ninyo ako," umiiyak na pagtatapat ng binata.
Siyensiya man o kababalaghan ang dahilan ng pagkakatuklas ng tunay na salarin, ang mahalaga sa bandang huli ay nanaig pa rin ang hustisya at katarungan.

Wakas