Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


´╗┐APARADOR

"Pwede ka nang umakyat sa itaas," anang matabang babae ay Donna nang lapitan sila nito ng kanyang nobyong si Vic habang nakaupo sa isang mahabang bangko.
"Susunod na ako ro'n. May kukuhanin lang ako."
Nang marinig niya ang sinabi nito ay napatingala siya sa hagdanang may pitong baitang. Napahingpit ang pagkakahawak niya sa braso ni Vic.
"Halika na," narinig niyang sabi nito. "Umakyat na tayo sa itaas."
"S'ya lang ang aakyat," mabilis na sabi ng babae.
"Maiiwan ka na rito sa ibaba. Ako lang at ang pasyente ang puwedeng pumasok sa clinic."
Nanginig ang kanyang buong katawan. Nang tingalain niya ang babaing nasa harapan nila ay namuo ang luha sa sulok ng kanyang mga mata. "b-baka ho hindi ko kayanin. Baka ho puwedeng alalayan niya ako sa itaas habang..."
"Kailangang malakas ang loob mo! Kung hindi mo kaya, huwag na lang natin itong ituloy. Mahirap na at baka kung mapaano ka pa!"
"Sige na," maagap na sabi ni Vic. "Umakyat ka na. Kaya mo iyan."
Bumuntong hininga siya. Pinalis ang mga luhang nangilid sa kanyang mga mata. Aminado siya sa sariling takot na takot siya sa gagawing iyon at pilit lang niyang pinalalakas ang loob para pagbigyan ang kagustuhan ng kasintahan. Mahal na mahal niya ito at gagawin niya ang lahat para huwag nitong iwanan.
Habang paakyat siya sa hagdanan ay agad na nanindig ang kanyang mga balahibo. Tila nangangapal ang mukha niya at may malaming na hanging nanunuot sa kanyang balat.
Ano ba itong nararamdaman ko?
Tuloy-tuloy siyang pumasok sa bukas na pintuan ng clinic. Maliit lang ang loob niyon dahil attic lang ito ng may kalumaan na rin ang bahay na iyon. Agad siyang sinalubong ng malansa at masangsang na amoy kaya nasapo niya ang ilong. Bagay na tuluyang nagpabago ng kanyang pasya. Ipipihit na lang niya an katawan para lumabas sa clinic na iyon nang mapatda siya. nakarinig kasi siya ng iyak ng isang sanggol.
"Diyos ko!" anas niyang nasapo ang tiyan. Biglang naagaw ang kanyang atensiyon ng aparador na nasa kanang bahagi ng kuwartong iyon. Gumawa kasi ng ingay ang gumagalaw-galaw na pinto niyon. Para bang may taong gustong magbukas mula sa loob. Napaurong siya dahil lalo pang lumakas ang iyak ng sanggol. Binalot na siya ng matinding takot kaya minabuti niyang lumabas na lamang ngunit hindi pa niya naihahakbang ang mga paa ay kusa nang sumara ang pinto.
Napatili siya bunga ng pagkagulat at sindak! na lalo pang tumindi nang bumukas ang aparador at nakita niya ang sanggol sa loob niyon. Nanlilisik ang namumula nitong luhaang mga mata habang nakatingin sa kanya. Naliligo ito sa sariwang dugo at galit na galit. Mistula itong tiyanak na may matatalim na pangil na handang sumunggab sa kanya upang lapain ang kanayng leeg. Nanginginig ang mga kamay at hindi magkandatutong hinawakan niya ang doorknob ng pinto. Nagsisigaw siya kahit wala siyang tigil sa pagpihit niyon. At nang napalingon ulit sa aparador ay nanlaki ang kanyang mga mata. Nakita niyang bumaba na mula roon ang sanggol. Kaya paulit-ulit niyang tinawag si Vic upang humingi ng saklolo.
Lalo siyang nagnais na makalabas doon dahil sa bawat paglingon niya ay nakikita niyang papalapit na ito nang papalapit sa kanya. "Buksan n'yo ang pinto! Maawa kayo sa akin!"
Biglang bumukas ang pintuan. Tumambad sa kanyang harapan ang matabang babae na bakas ang galit sa mukha. "Ano ba'ng ginagawa mo? Bakit ka nagsisigaw d'yan? Huwag kang mag-iskandalo rito!"
Tinabig niya ito at humagulgol ng iyak na nagtatakbo pababa sa hagdanan. Nang salubungin siya ni Vic ay tinulak niya ito at tuloy-tuloy na siyang lumabas sa bahay na iyon ng abortionist.
"Bubuhayin ko ang anak ko. Wala na akong pakialam kung iwanan mo man ako, Vic. Kung talagang mahal mo ako ay mas pipiliin mong panagutan ang anak natin kaysa tapusin ang kurso at tanggapin ulit ng parents mo!" sumbat niya rito bago ito talikuran at iwanan.
Narinig niya ang pagtawag nito subalit binalewala niya. Mas nilakihan pa niya ang mga hakbang dahil ang tanging gusto niya ay makalayo sa lugar na iyon.
"Lalakasan ko ang loob kong ipagtapat sa parents ko ang lahat," bulong niya habang nag-aabang ng masasakyan sa gilid ng estrangherong lugar na iyon. "Hindi ko kailangang ikahiya ang batang ito at hindi sagabal para ipagpatuloy ko ang aking pag-aaral. Diyos ko, patawad po. At tulungan Mo po akong maunawaan ito ng mga magulang ko!
Pagkatapos magkuwento ni Donna ay agad akong nakadama ng awa sa mga walang-malay na sanggol na hindi na nagkaroon ng pagkakataong masilayan ang liwanag sa mundo-gaya ng sanggol na nakita niya sa loob ng aparador na marahl ay hnidi pa rin natatahimik ang kaluluwa magpahanggang ngayon!

Wakas