Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


´╗┐ASWANG

Laganap na ang balita tungkol sa aswang. Ang sabi sa mga tabloid ay ilang buntis na raw ang na patay nito sa isang bayan sa Metro Manila. Lalong nangatakot ang mga tao dahil noong una ay sa karatig na probinsiya lang ng lungsod napapabalita ang mga insidente tungkol sa mga babaing buntis na inaswang daw.
Pinagtawanan lang ni Krispulo ang balita.
"Ano ba kayo? Hindi totoo ang aswang. Gawa-gawa lang 'yan ng mga diyaryo para kumita sila," ang sabi pa ni Krispulo.
"Totoo ang aswang," pakli ng barberong gumugupit sa buhok ni Krispulo. "At mag-iingat ka ng pagsasalita laban sa kanila. Hindi ka nakasisiguro kung aswang o hindi ang kausap mo." Natawa ang lalaki.
"Manong naman... pati ba naman kayo? Eh kung totoo iyang aswang, tiyak na sa edad ninyong iyan ay nakakita na kayo kahit isa. Nakakita na ba kayo?" tanong pa niya sa matandang barbero.
"Maiba ako, hindi ba at buntis ang asawa mo?" sabad ng isang lalaking nagpapagupit din at nakaupo malapit kay Krispulo.
"Maglilimang buwan na ho. Malapit na akong magka-junior," may pagmamalaki sa kanyang tinig.
"Malalaman mo pala kung may aswang kanyang buntis ang asawa mo..." ang makahulugang sabi ng lalaki.
"Eh, hindi nga ho ako naniniwala sa mga ganyan. Panakot lang iyan ng mga matatanda. Kaso, moderno na ang panahon. Plastic na nga ho ang pambayad ngayon. Hindi na pera," at ipinakita ni Krispulo ang wallet na may lamang tatlong credit card at bank card.
"Siya, siya... ang sa akin ay paalala. Mabuti na ang nag-iingat," ang sabi naman ng barbero.
Ang napag-usapan sa barberya ay ikinuwento ni Krispulo sa asawang si Carmela. "Hanggang ngayon ay mapamahiin pa ang mga tao. Kaya hindi umunlad itong bansa natin. Paurong ang takbo ng utak ng mga Pilipino. Mahilig maniwala sa mga pamahiin," anang lalaki habang kasabay na kumakain ang babae.
Hindi niya napansin na natigilan ang asawa. Mababakas sa mga mata nito ang umuusbong na takot.
Nagulat pa si Krispulo nang biglang malaglag ang hawak na tinidor ni Carmela. Nang tingnan naman niya ito ay nanginginig ang mga kamay.
"Bakit?" tanong niya.
Tumingin sa kanya ang asawa. Halos mangilid ang mga luha sa gilid ng mga mata nito. "Huwag mong sabihing natatakot ka sa aswang?!"
"K-kasi... ang tita ko... naaswang siya nang nasa probinsiya pa kami. Kaya nga lumuwas dito sa Maynila ang pamilya namin. Para makalayo kami sa mga aswang."
"Pati ikaw, naniniwala sa kalokohang iyan?"
"Inaswang ang tita ko. Mas matanda iyon sa inay. Buntis din siya noon."
Napailing si Krispulo at hinarap ang pagkain.
"Kumain ka. Kailangan ng baby natin ng maraming sustansiya," pabalewala niyang sabi.
Nang gabing iyon, dama ng lalaki na hindi makatulog ang asawa. Pero hindi na lang niya pinansin para hindi na nila muli pang pag-usapan ang tungkol sa aswang na kinatatakutan nito.
Tuwing umaga at nakagawian na ni Krispulo ang manood ng telebisyon habang nagkakape.
Natigil siya sa paghigop ng mainit na kape nang mabasa sa news advisory ang balita tungkol sa aswang. May biniktima na naman daw iyon at ngayon ay malapit sa lugar na tinitirhan nilang mag-asawa.
Mabilis niyang hininaan ang volume ng telebisyon para hindi marinig ni Carmela kapag ibinalita ang tungkol doon.
Ayon sa field reporter, natagpuang bangkay ang buntis na in a take ng aswang. Halos wala na itong dugo.
Ngayon ay pinagkakatakutan daw ang aswang at maging ang mga mamamayan sa karatig na mga lugar ay nagpapanik na raw lalo ang mga buntis.
Ipinagkibit ng balikat ni Krispulo ang balita. Para sa kanya ay may mga masasamang elemento na ginagamit ang katatakutan sa aswang para makagawa ng kasamaan.
Hinagkan ni Krispulo si Carmela bago umalis.
"Kapag nakuha ko ang project na ito ay malaking pera ang kikitain natin. Kahit ang panganganak mo sa ospital at ang pagpapabinyag natin ay masasagot na..." masayang wika ni Krispulo.
"Sana naman,"nakangiting wika ni Carmela.
"Suwerte raw ang buntis, hindi ba? Kaya tiyak Na susuwertihin ako dahil buntis ang maganda kong asawa."
Nag-flying kiss pa ang dalawa bago naghiwalay.
Malakas ang loob ni Krispulo na maisasara ang pagbebenta ng used car sa kaibigan ng isa niyang kumpare. Anang kumpare niya ay matagal nang naghahanap ng mabibiling kotse ang pamilya at tiyempo na type ng mga ito ang katatapos niyang iparekondisyong sasakyan. Gaya nang inaasahan, nagkasundo sila at bago naghiwalay ng araw na iyon ay nagkabayaran. Tuwang-tuwa si Krispulo. Matapos bigyan ng komisyon ang kumpare ay niyaya pa niya ito para uminom sila ng tigtatlong bote ng beer.
Selebrasyon aniya at pasasalamat na rin sa biyayang dumating.
"Eh, ang balak ko ay sa bahay na tayo uminom," anang kumpare niya. "Birthday ngayon ng inaanak mo."
Nakahiyaan ni Krispulo na hindi pagbigyan ang kumpare. Sumama siya rito. Ang inaasahan tuloy niyang makakauwi nang maaga ay inabot ng hapon.
At naging gabi pa.
"Pakisabi kay Mareng Carmela na pasensiya na at minsan lang naman kasi kung magkita tayo. Tiyak na matatagalan na bago ito maulit," anang kumpare niya.
Bandang alas diyes lang sana ay nasa kanila na si Krispulo. Ang problema ay nagkaroon ng banggaan at natrapik siya nang gusto. Alas one na ay nasa kalsada pa siya. Nagtaka siya nang marating ang apartment nila ni Carmela. Wala shot isang ilaw na bukas. Imposible lamang naputulan sila ng kuryente. Hindi sila nahuhuli sa pagbabayad. Kumatok siya. Marahang mga katok.
Nang makaraan ng ilang sandali
at wala pa ring sagot mula sa loob ay tinawag na niya ang pangalan ni Carmela. Nang maisip na baka hindi siya naririnig at dahil nasa kuwarto ang asawa ay tinawagan na niya ito sa cellular phone.
Wala ring sagot. Kinabahan na si Krispulo. Hindi malalim matulog si Carmela. Ang bilis nga nitong magising kahit may marinig lang kaluskos.
Lumabas ng pintuan ang kalapit-apartment nila.
"Pare, bakit?" tanong nito.
Sinabi niyang kanina pa siya kumakatok at tumatawag pero walang sumasagot. Sinabi rin niyang nagtataka siya dahil patay ang lahat ng ilaw sa apartment nila.
Tumulong na ang kapitbahay niya para mabuksan niya ang pinto. Hindi kasi niya ugaling magdala ng susi dahil nasa bahay lang naman Lage si Carmela.
Agad binuksan ni Krispulo ang ilaw sa salas nang mabuksan ang pinto. Luminga-linga sa paligid.
Maayos naman ang lahat.
Walang nagalaw.
Mabilis niyang tinungo ang kuwarto nilang mag-asawa. Hinawakan ang seradura. Bumukas iyon. Hindi nakasusi sa loob.
Kinapa agad niya ang switch ng ilaw.
Tumambad sa kanya ang hindi malilimutang eksena.
Si Carmela, patihayang nakabulagta. Dilat ang mga mata. Maputla ang labi, ang pisngi, ang buong katawan. Pero higit doon, nakalabas ang dati ay mapintog na tiyan ng asawa. Pipis na ito ngayon. May sugat sa bandang pusod na tila may ipinasok na bagay.
Inaswang ang asawa niya!
Parang ayaw rumehistro sa isip niya ang sinasabi ng kanyang utak. Hindi totoo iyon. Imposible.
Ngunit paano niya ipaliliwanag ang pangyayaring ito.
Umaalon ang dibdib ni Krispulo sa magkakahalong emosyon. Kawalang paniwala. Galit. Poot. Hilakbot.
Nang may mamataan siya...
Sa gilid ng kuwarto ay may isang malaki at tila payong na nakatiklop. Wala ito dati doon. Alam niya dahil kabisado niya ang laman ng apat na sulok ng silid.
May bumundol na kaba sa dibdib ni Krispulo.
Nilapitan niya ang bagay na iyon na tila malaking payong na kakulay ng ibong maya. Nagulat siya ng bigla iyong magpalit ng anyo. Bumuka iyon at naging pakpak. Nang humarap sa kanya ay nakita niya ang nakatatakot na anyo ng isang kakaibang nilalang. Malalim at pula ang mga mata. Kulubot ang mukha at mga balat. May mahabang dila na nakalawit at may bahid pa ng dugo. May mga pangil ang magkabilang bahagi ng ngipin.
"A-aswang...!" sa wakas ay numulas sa mga labi ni Krispulo.
At bago pa siya nakagawa ng paraan upang maipaghiganti ang sinapit ng asawa at hindi pa isinilang na anak ay inatake na siya ng aswang.
Ngayon, maniwala man siya o hindi, kinabukasan ay laman na rin siya ng mga balita.

Wakas