Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


´╗┐Babaeng Nakaputi

Kung minsan, kusang dumadating ang kinakailangan kong impormasyon hindi ko man ito hanapin.
Tulad na lang ng mga ghost stories na isinusulat ko.Sa casual na kwentuhan namin ng isang kumare ko ay sumulpot ang kuwentong ito.
Si Maribel na kumare ko ay himalang sumulpot isang araw sa bahay namin pagkatapos ng tatlong taong hindi namin pagkikita.
Sa Pulilan nakatira si Maribel. Ang bahay nila ay nasa likuran ng Wonderland Resort na minsan na ring naming narating at napaliguan ng aking pamilya.
"So, iyon nga. . . nang bitiwan namin iyang posisyon naisip namin na magtayo ng tindahan. Karinderya noong una. kaso ang hirap pala. Sabi ko sa asawa kong magaling... hindi kami bubuhayin ng trabahong 'yon kundi papatayin kami. Mantakin mong madaling araw kaming gumigising na mag-asawa. Mamimili sa palengke, pagdating magluluto tapos pag may kumain pagsisilbihan at pagkatapos huhugasan ang pagkainan. Pagdating sa gabi...plakda kaming dalawa ni Rolan!"
"Totoo 'yang sinabi mo. Once ay naisip ko ding magbukas ng karinderya, pero hindi ko itinuloy. Bukod sa mahirap humanap ng puwesto...iyon nga mahirap na trabaho iyon."
"Kaya ang ginawa ko...iniba ko. Iyong puwesto ginawa kong sari-sari store. Awa ng Diyos may three years na iyong tumatakbo. Pero mas maraming laman itong tindahan mo kaysa sa tindahan ko."
"mabuti naisip mong i-convert. Kung hindi..."
"Hindi talaga ako tatagal sa gano'n. Aba'y wala halos akong mahawakang trabaho no'n sa bahay, e. Ngayon may katulong na akong tumatao do'n."
Ayon kay Maribel, noong karinderya pa ang tindahan niya, doon na rin sila kumakaing mag-anak. Simula agahan, tanghalian at hapunan.
Ang puwesto ng tindahan ni Maribel ay kaharap mismo ng Wonderland Resort. Magandang puwesto kung tutuusin dahil matao.
Kaso, nang magbukas si maribel ng tindahan ay wrong timing. Panahong nagsara na ang Wonderlan Resort.
Ang mga motorista at ilang kapitbahay na nagagawi lang roon ang buyer ni Maribel. Kaya hindi rin siya gaanong mabili. Idagdag pa ang oras na kailangan na nilang magsarado ng tindahan.
Past six o seven sila kung magsara sa gabi. Dahil masyado ng madilim sa lugar na iyon. Ang dahilan, walang ilaw man lang ang harap ng Wonderland Resort. Napakahaba pa naman ang sakop ng resort na nababakuran ng mataas na iyon.
kaya ayaw at sa gusto, kailangan nilang isara ang tindahan pagsapit ng takipsilim. Dagdag pa ni Maribel, delikado rin daw. Minsan na silang nawalan ng cellphone sa tindahang iyon. Kutob nila, isang motorista ang tumangay nito.
"Bakit naman hindi palagyan ng ilaw kahit dalawa lang sa harap ng resort?" usisa ko pa kay Maribel.
"Ewan ko ba. Siguro katwiran ng may-ari sarado na nga iilawan pa. Kaya kapag ginagabi kami ng uwi nag-aaninag talaga kami sa paglalakad."
"Prone kayo sa hold up n'yan. Puwede ring tambayan ng mga drug addict 'yong lugar na 'yon."
"Sinabi mo. Hindi lang 'yon...mukhang ghost infested na rin 'yung lugar."
"What? Aba! Interesado ako d'yan, mards! Kuwento mo...dali na!"
Ayon kay Maribel, one time ay nagkaroon ng experience ang katulong niya isang araw na kumakain sila ng lunch.
Nagkatuwaan pa silang mag-anak, dahil panay ang pagkawala ng jokes ng magaling niyang asawa. Likas kasing palabiro si Rolan.
Natatawa ang lahat sa mga jokes ni Rolan maliban sa katulong na si Nida. Iba ang timpla nito at si Maribel ang unang nakapuno nito.
"Hoy Nida! Ba't para kang natuklaw ng ahas d'yan? Nanigas na ba'ng panga mo sa katatawa?"
"A-Ate... k-kasi..."
"Kasii ano? Ano bang nangyayari sa'yo? Namumutia ka oy!"
Ang tingin ni Nida ay nasa isang particular na direksiyon. At tila hindi maalis doon ang titig nito. Halos manlaki ang mga mata ni Nida.
"Magsalita ka nga oy!" ani Rolan. "Nabulunan ka ba?"
"A-Ate, m-may b-babae...n-nakatingin sa 'tin...h-hayun sa gate...n-nakaputi...n-nakalutang sa..."
"Ha?
Halos sabay' sabay nilang nilingon ang sinasabi ni Nida. Ang gate ng Wonderland Resort ang tinutukoy nito.
"Wala naman, a? Sus! Nagpapalipas ka kasi ng gutom, e. Ngayon nalamnan 'yang tiyan mo hayan at kung anu-ano tuloy ang nakikita mo."
"H-Hindi ako nagbibiro, A-Ate. K-Kitang-kita ko...nakatingin siya rito sa atin."
Wala naman, e. Sige na nga tapusin n'yo na ang pagkain nang makapagsara na tayo. Ikaw naman, Nida, huwag kung saan-saan ka tumingin ng hindi ka nakakakita ng kung anu-ano."
Hindi na umimik pa si Nida. Ngunit napuna ni Maribel, takot na takot parin ang itsura nito, habang katulong niyang nagliligpit ng pinagkainan nila.
Sadya niyang pinaghintay ang asawa at mga anak niya at hindi pinaunang umuwi sa bahay nila. Sabay-sabay silang umuwi matapos nilang maisara ang tindahan.
Napuna ni maribel, halos nakadikit na sa kanya si Nida nang pauwi sila. At naglakad ito ng nakayuko.
Pagdating sa bahay ay agad nagbukas ng tv si Rolan. Si Maribel ay nagkuwenta ng pinagbilhan nila sa maghapon.
Nang magpunta sa banyo si Nida upang maligo, tumabi ng upo kay Maribel ang panganay na anak na si Sally. At pagkuwa'y bumulong ito kay Maribel.
"Mommy, nakita ko din..." halos ianas ni Sally sa tenga ng ina.
"Ang alin?"
"Y-Yon po."
"Anong 'yon?"
"Yong...n-nakita ni Ate Nida...a harap ng gate ng resort."
Saglit na napatitig sa anak si Maribel.
"Nakita mo? ano'ng nakita mo?"
"B-Babae po...nakasuot ng mahabang damit na kulay white tapos...hindi siya nakatapak sa lupa. N-Nakatingin nga siya sa atin kanina, M-Mommy. H-Hindi lang ako nakaimik kanina at...nakikitawa rin ako pero...takot na takot na din ako kanina, Mommy."
"Kung gano'n totoo nga. Mat ilan na rin akong naringgan ng ganyan, e. May lumalabas daw d'yan sa resort na 'yan."
"Hoy!" ani Rolan. "Ano naman ang pinagbubulungan ninyong may-ina ha? May secret kayo 'no?"
"Wala. May tinatanong lang ang anak mo. Sally, 'wag mo na lang ikuwento sa kanila. Lalo ka Jeana...baka matakot pa ang kapatid mo. Atin na lang 'yon ha."
Tumango si Sally. Nang gabing iyon, natulog sina Sally at Nida na nakakulubong ng kumot, gaano man kaalinsangan ang gabi.
May nagsasabi na ang babaeng nakaputi ang nagsisilbing bantay sa inabandonang resort. Ang totoo, matagal ng kinatatakutan lalo na pagsapit ng gabi ang resort na ioyn.
Maraming kuwento ang pagtuloy na nagpapasalin-salin hanggang sa ngayon tungkol sa mga nakikita sa resort lalo na tuwing lalatag na ang dilim.

Wakas