Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


Bangkay sa Online

Friend, habang binabasa mo ang mensaheng ito ay isa na akong malamig na bangkay. Pinasok ng tatlong adik ang kuwarto ko at walang awa akong tinadtad ng saksak. Sa kabila ng pagmamakaawa ko ay hindi parin ako nilubayan. Binaboy ako. Ginawang ashtray at pinaso ng sigarilyo ang maseselang bahagi ng aking katawan. Hindi na sila naawa. Sigaw ako nang sigaw pero walang nakarinig. Tulungan mo ako. Huwag kang umalis. Huwag...huwag...please...

Kinilabutan si George Tuscan sa nabasa niya. Pagbukas niya ng Friendster sa online ay ang mensaheng ito agad ang bumulaga sa kanya. Nagmamakaawa ang bawat letra. Humihingi ng tulong.

Lalaki siyang tao pero kinabog ang kanyang dibdib. Ni hindi na niya nagawang mag-log out pa at agad niyang isinara ang kompyuter sa mabilis na paraan.

Hindi makatulog nang gabing iyon si George. Balisa siya at nanlalamig. Sobrang kilabot ang naramdaman niya sa mensaheng nabasa kanina. Ang mensahe ay basta nalang remehistro sa screen. Ni hindi nga niya matukoy kung sino ang sender.

Kung totoong may nangyaring krimen, sino ang babaing iyon sa Friendster? Isang biktima ba iyon ng karumal-dumal na krimen? O isang manloloko na gusto lang siyang igudtaym? Masamang biro ito.

Halos walang itinulog si George. Nangangalumata pa siya kinabukasang humarap sa tropa. "Pare, bakit para kang puyat na unggoy? Sino na naman ba ang kaungguyan mo kagabi?" At siyempre pa, tawanan ang tropa.

"Bad trip nga, Pare! Hindi ako pinatulog nang nabasa ko kagabi. Believe it or not pero totoo." Ibinida ni George ang nakakakilabot na mensahe.

Nagkatinginan ang tatlong katropa, makahulugan ang mga tingin na para bang mga salarin na may itinatagong krimen.

"Pare, bakit ganyan kayo kung makatingin? May problema ba?"

Tanggi agad ang lalaking ginawa na yatang tambutso ang bibig sa hithit-buga sa sigarilyo. "Aba, wala... baka ikaw ang may problema."

Tinapik-tapik ni Dagul si George sa likod. Sa laki ng kamao ni Dagul ay napaubo ang binatilyo. "Pare, nagiging kabog ka na yata ngayon? Sa lahat ng ayaw ng tropa ay may lalampa-lampa."

Halos masapo ni George ang dibdib. "Ako matatakot, no way!" At para ipakitang matapang siya ay tumagay si George ng isang shot ng alak, diretso, bottoms up. Iyon lang at napahalakhak ang tropa.

Hindi nakatiis ay may isang naglitanya, "Friend, habang binabasa mo ang mensaheng ito ay isa na akong malamig na bangkay -"

Napalo ni George ang mesa. "Putcha, Pare... parehong-pareho nang nabasa ko ang intro. Huwag nyong sabihing ginugudtaym nyo ako."

"Baka ito?" Kay Jojo nakaturo ang mga daliri ng tropa niya. Alam kasi nilang bihasa si Jojo sa mga kalokohan sa online. Hindi nga ba't kung saan-saang site ito naka-log in at nag-iiba-iba ng pangalan.

"Hindi ako," sobra sa tanggi ang ginawa nito.

Walang tiyaga si Jojo sa Friendster. Mabagal daw. Hindi kagaya sa mga online chat na pinapasok. Isang click lang daw para raw siyang nanonood ng X-rated film gabi-gabi. Nakangisi pa ito. Tumayo, at gumire. "Lahat na yata ng klase ng gubat ay napasok ko." Kung ano man ang gubat na iyon, tiyak ng mga ito na hindi iyon ordinaryong gubat. Sa ngisi lang ni Jojo ay kitang-kita ang malisya sa mga mata.

Si Dagul naman ay bopol sa internet. Mas gusto pa nitong mag-ukit ng letra sa lapida kaysa magtitipa sa harap ng kompyuter. Pambibili na lang daw nito ng yosi ang pera kaysa magbabad sa internet cafe.

"Baka si Joshua!" Itinuro ng grupo ang isang katropa na laging tulala. Bad trip lagi si Joshua. Iniwan yata ng syota.

Turuan. Sa huli, wala ring umamin. "Pare, sa internet maraming gimikero. Huwag ka masyadong magpapaniwala. Hindi lahat ng kausap mo totoo." Si Joshua ang maysabi nito na para bang may masamang karanasan sa pakikipag-usap sa net.

"Basta ako, pirming nasa mood," ngisi ni Jojo, ngisi na parang laging nakakakita ng kung ano.

Nagkahiwalay ang magkakabarkada, pero si George ay may naglalaro na sa utak. "Mga lokong iyon, nadale ako." Pakiramdam niya ay pinagmukha siyang tanga ng mga katropa. Ang balak niya ay gumanti. "Ang lakas talaga ng kutob ko na si Jojo ang may gawa niyon. Ang lakas manakot ng loko." Napangisi si George. "Sa gagawin ko sa iyo, hindi ka lang basta matatakot, manginginig ka pa sa takot. Lintik lang ang walang ganti."

Isang baklang batu-bato ang kinontak ni George. "Gusto mo nang ka-chat?" alok niya sa bakla na ang mukha ay parang ipinilas sa boksingerong nalamog ang mukha.

Ni hindi siya nagdalawang salita. "Ay, type!" piyok ng bakla na kung tawagin ay Madam O. Ni hindi interesado sa ibabayad niya. Baka nga siya pa ang bayaran sa ibinigay niyang ka-chat.

Ibinigay niya ang username ni Jojo at kung saan site ito nakakonek. "Pogi iyan." Kulang na lang ay ibenta niya ang kaibigan.

"Mas pogi pa sa iyo?" naglalandi ang bakla.

"Oo naman. Basta magpanggap kang babae, ha? Iyong seksi. Iyong kaibig-ibig. Basta, huwag kang pabubuko. Hayaan mong ma in love sa iyo."

Kumulut ang nguso ng bakla. "Ako pa. Sanay ako diyan," pakyut na sabi, sabay kurot sa kanya.

Kung hindi nga lang kailangan ang serbisyo nito baka naupakan niya na sa kalalapirot sa kanya. Nabuo ang deal. Magpapanggap na kaakit-akit na babae ang bakla, makikipag-online chat kay Jojo, presto, naloko si gago. Makakaganti na rin siya sa tropang tililing. Akala lang nila, sila lang ang marunong magudtaym. Wais to. Hindi nyo ako puwedeng maisahan, Si George pa!

Panatag na ang loob ni George nang muling humarap sa kompyuter. Pampagana. Naglaro pa siya ng onlige game na House of the Dead. Panay ang click niya sa mouse para patumbahin isa-isa ang mga bumabangong zombie, na ang iba pa nga ay bigla na lang sumusulpot at sadyang nananakot. Bakit nga kaya siya nahihilig sa mga larong ito na nakakakilabot ang dating. Sa pagbangon ng mga patay na nabubuhay ay panay atake niya para mapatumba.

Minamani lang ni George ang paglipol sa mga nilalang na sa bangungot lang niya puwedeng makasama. Habang nakakasapol siya at may napatutumba ay lalo naman siyang nauuhaw sa pagnanasa na patumbahin ang lahat ng hahara-hara sa daraanan niya. Isang laro lang ito pero ang tendensiya niya ay pumatay nang pumatay-pumatay ng patay?

Nang magsawa, pinasok naman ni George ang site kung saan ay marami siyang makaka-chat. Ngayon niya lang gagawin ito, pampagana sabi nga ni Jojo.

Nakahilera ng mga online chat na animo ay mga paninda na naghihintay mabenta. Isang mestisahing babae na may abuhing mata sa larawan ang sinubukan niyang batiin sa box.

"R u there?"

Walang sagot. Sinubukan niya uling tumipa "ASL"... tinatanong niya ang age, sex, at location nito.

Sa wakas sumagot din ang ka-chat. "Im 21, female, down under."

Napangisi si George, kung down under ang lokasyon ay malamang nakadale siya ng isang ka-chat na Australyana marahil.

Ginanahan si George sa pagtipa. Na para bang sa pagkakataon ito ay gusto niyang malaman pati kasuluk-sulukan sa pagkatao ng babaing ka-chat. Ang ganda ba naman ng picture nito sa profile. Kabigha-bighani. Sinumang lalaki ang makaulayaw niyon ay tiyak namang mapapa-Aww sa tuwa.

"Are you married?" banat agad na tanong, para makasigurong walang sabit.

Mas matagal pa ang pause kaysa sa sagot.

Ano ba naman ang pakialam pa niya kesehodang may asawa o wala ang babae? Basta ang sa Kanya, ang maka-chat ang babaing ito ay sapat na. What more can he asked for?

Walang sagot.

Nanghinayang si George nang mag-log out ang babae. Bigla na lang itong naglaho sa ere.

Hindi na naman pinatulog ng gabi si George. Iniisip niya ang mahiwagang babae na ka-chat. Ang babaing pumukaw sa interes niya bilang isang lalaki. Ito na yata ang babaing pangarap niya. Ang babaing magiging kanya. "Akin ka, Babae... akin ka."

Nakatulugan niya na ang babaing iyon ang laman ng isip.

Kantiyaw na naman ang inabot ni George sa tropa kinabukasang nagpang-abot sila sa labas. "Bakit ba para ka na namang puyat na unggoy? Pare, Ginagabi-gabi mo na yata ang pagpupuyat sa harap ng kompyuter," puna ni Dagul. Tatapikin na naman sana nito ang liko ni George pero sinalag na ng binatilyo ang mabigat nitong kamay.

"Bro, baka sumuka na ako ng dugo sa bigat ng kamay mo, parang asero." Sinipat niya ang kamay ng katropa na bukod sa malaki na nangangapal pa. "Bakit kasi hindi ka na lang maging boksingero." Kung bakit kasi pag-uukit sa lapida ang kinahiligang trabaho nito.

Si Joshua ay tahimik lang sa isang tabi, kinukutkot ang cellphone, gayong wala namang ka-text. Broken-hearted.

Pangisi-ngisi naman si Jojo na para bang isang pervert na ang daming nasisilip. "Mukhang maligaya lagi ang kumpare natin, ha?" puna niya. Balak naman niyang asarin o pakiramdaman.

Bumigay si Jojo, "Iyong ka-chat ko kagabi, sobrang hot," ang yabang.

Tukso naman ang isa, "Buti, hindi ka nagliyab?"

Ngisi, "Muntik ko na ngang sunugin nang buhay!" Hagalpak ng tawa.

"Bakit naman?" painosenteng tanong pa raw.

"Aba, ang galing magpainit sa chat. Talaga namang nakakanginig ng laman. Kaya lang..."

"Kaya lang ay ano?" panundot na tanong.

"Kaya lang, ayaw magpakita sa harap ng cam."

"Baka walang cam." Kung may kamera nga naman ang kompyuter, madaling makita ang hitsura ng kausap.

"Baka camera shy." Mahiyain daw. Pero talaga raw tinamaan siya sa iang ito. Ang lakas daw talaga ng tama niya.

Muli niyang sinulyapan si Joshua na panay ang text pero wala namang ka-text. Tuluyan na yatang natulala ang kaibigan simula nang iwan sa ere ng textmate na makatapos makadale ng load sa kaibigan ay na-delete na ang pangalan.

Pare, ang lakas talaga ng tama ko sa babaing iyon! Baka masira ang ulo ko pag bigla na lang siyang nawala sa buhay ko!"

Tinanong niya kung ano ang pangalan.

"Madam O ang ibinigay."

Muntik na siyang masamid sa sariling laway. Buti kamo hindi siya napahagalpak ng tawa. Kundi, baka nahalikan pa niya ang kinasabwat na bakla. Madam O ang bansag sa baklang iyon.

"Bakit parang nakakaloko ang tawa mo?" nakapuna rin si Jojo.

Nanlalaki ang butas ng kanyang ilong. "Hindi, a! Akala mo lang iyon." Pero hindi na niya napigilan, napahagalpak na ng tawa nang tuluyan. "Sana kahit kilikili, ipinakita sa iyo sa harap ng cam, para nagkaalaman kung sino sa inyo ang mas flawless ang kilikili." ang tawa niya, nakakainsultong tawa.

Buti nalang nakalayo na siya, kundi baka mabuko pa ang kabulastugang kanyang ginawa. Ang galing talagang magpainit ng mahaderang bakla. Ang talented na bakla na umastang tunay na babae. Ang baklang nanggudtaym sa pilyong kaibigan na lagi siyang iniisahan. Maaasahan talaga.

Ang saya-saya niya. Nakaisa rin siya.

Kahit naman paano, may pakinabang din sa kanya ang kapilyuhan ni Jojo. Eto nga napasok niya ang website na dito lang niya narinig. At natuto rin siyang gumimik.

Imbes na picture niya ang inilagay, kuha ni Piolo Pascual. Para siyang pinuputakti ng mga foreigner. Artistahin ang dating.

Natuto na rin siyang makipagbolahan. Dito niya natutuhan ang ASL o age, sex, location. Ang lol o laugh out loud.

Ang view my cam. Naks, ha? Baka matulad din siya kay Jojo, napupuyat gabi-gabi sa pagsilip ng iba't ibang klase ng gubat. May itim. May blonde. May kulot. May unat. May kalbo na parang manok na tinalupan ng balahibo.

Napansin ni George. Parang echo pa sa pandinig niya ang mga kuwento noon ni Jojo. Ang mga nakakakilig na kuwento.

Isa ang napagtripan niyang kausapin sa chat, babaing halos wala nang itinago sa kuhang larawan na talaga naman pinasilip na ang lahat ng pisngi ng langit.

Agresibo ang babae. "Hi!" pa lang tinipa niya pero halos ibenta na ang sarili. Bumubuhos ang impormasyon sa kanya.

Im sweet 16.
Babae.
Ph.
Flawless.
Seksi
Malambing.
Malakas ang dating.
I'm urs if the price is right.

Pinaulanan pa siya ng nagtutulis sa ngusong mga emoticon, simbolo ng kiss.

Himas ni George ang manipis na bigote. Naisip niya na high tech na pala ngayon ang mga nagbebenta ng aliw. Marunong na ring tumipa sa keyboard.

Ano pa kaya ang higit na kayang gawin sa kanya? Titipa-tipahin din siya?

Bilang patikim ay hinimas-himas ng babae ang dibdib sa harap ng webcam. Sadyang pinag-iinit siya. Kinakatkat ang katinuan niya.

Napabuga sa hangin si George.

Nag-iinit na sana siya pero parang binuhusan ng malamig na tubig nang bilang magdilim ang camera. Pinasasabik lang siya. Kasunod, hininihingi ng babae ang numero ng credit card niya.

Wala siyang maibigay.

Bank account nalang.

Wala rin daw.

Kuripot, iyon lang at hindi na interesado ang babae sa kanya.

Nagbakasakali si George sa ibang site na walang sinisingil na bayad.

Konting bolahan lang ang kailangan. Chat-chat-an lang ang katapat.

Tumitipa uli si Jojo.

Pambungad niyang bati, "Hi!"

Isang romanian ang natiyempuhan niyang online. Sa profile nito ay nasa late 30's ang edad. Puwede pa. mas may edad, mas hot.

Ang pambungad niyang "Hi!" ang matindi. Pag sinagot ng "Hi!" the message is very clear. Umaatikabong chat na sa net.

Sagutan sa chat:

How are you?

Fine. How about you?

As fine as you.

May pinalipad pa siyang smiley.

Nice picture, huh!

Thanks.

Can I see you on cam?

Ito ang matindi. Para silang nagde-date at nagkayayaan pa na magkita sa Yahoo Messenger. Ang tindi niya. Kapag nasa YM kasi sila, mas malaki ang tsansa na makita niya ang kausap sa webcam.

Pero mas matindi ang nakita niya. Ang babaing may matang kulay tsokolate na nagsabing treinta ang edad ay halos kasing tanda na ang lola niya.

Buti nakakatipa pa.

Wala siyang balak mag-caregiver sa ibang bansa.

Ang galing niyang gumawa ng excuse. Thanks, but I have visitors. See you soon. Bye. Take care. Siya pa ang nagsara ng bintana ng camera.

Wow!

Naalala niya si Jojo.

Paano kung tulad ni Jojo ay mag-aksaya rin siya ng oras sa chat bago ang madadale lang pala ay isang baklang nagpapanggap na babae? O isang matanda na nagkukunwaring tinedyer. O isang batang prosti na walang alam kundi give me money.

Ang online chat ay puno ng pagkukunwari.

Pero nakakaadik.

Nakakabuga ng init.

Muli ay naalala ni George ang mahiwagang babae na naka-chat niya noong isang gabi. Bakit ba parang kinasasabikan niya na maka-chat ang babaing iyon? May kung anong magneto na humihila sa kanya para hintayin ang pagdating niyon sa kalaliman ng gabi.

Masyado siyang naiintriga sa babaing iyon. Malalim. Puno ng suspense.

Iyon pa naman ang gusto niya sa isang babae, may mystery. Iyong para bang laging may itinatago. Na para bang isang lihim na habang unti-unti niyang tinutuklas ay lalong nagkakaroon ng thrill.

Epekto yata ito ng pagiging mahiligin niya sa online games.

Muli niyang pinuntahan ang site. Parang isang manliligaw na nag-aabang sa babaing kanyang napupusuan.

Wala ang babae sa online.

Nagkulong si George sa kuwarto ng ilang araw. May hinihintay. Nangingitim na ang gilid ng mata niya sa paghihintay.

Ayaw magpatulog ang gabi...ang mga gabi.

Pasilip-silip siya sa site kung saan nanduon ang misteryosong babae. Wala pa rin. Maghihintay siya kahit kainin siya ng dilim.

Sa YM, may umapir na pangalan, hinidi niya kilala pero humihingi ng permiso sa kanya na tanggapin niya.

Bumilis ang tahip ng kanyang dibdib. Sa muli niyang pagsulyap ang babaing misteryoso na nagtatago sa pangalang Diana Young ang nakita niya. Ito na ang ba ang babaing hinihintay niya?

Ano ba ang hatak ng taong ito at kagya't niyang tinanggap.

Nag-uusap na sila. Ang bati sa kanya, "High?"

"Low," palokong sagot niya. Nakikiramdam.

Katahimikan.

Ganito rin ang klaseng katahimikang naramdaman niya sa mahiwagang babae na hinihintay niya.

Kinutuban siya. "Do I know you?"

Yes.

Sobrang excitement ang naramdaman niya. Yes pa lang ang sagot sa kanya pero may kung anong bagay na ang parang gustong kumawala sa loob ng kanyang katawan.

How are you? I missed you.

Yes. I'm missing.

Paulit-ulit niyang tinanong kung saan nagpunta ang babae, bakit biglang nawala at halos ay gabi-gabi niyang hinihintay ito.

Where have you been?

So far, so far away.

Kahit saan pa napadpad ang babae ang mahalaga, nandito na sa kanya, lumapit...nakakausap niya.

How's life?

Lifeless.

Pa-mysterious effect?

Really?

Yes.
May lungkot na sagot ng babae. Hinala niya nakaaway nito ang asawa o boyfriend, at balak nang makipaghiwalay.

Kung gayon, puwede na sila.

You take my breath away, you know.

Hmmm.

Siya na mismo ang gustong mapalapit sa babaing may abuhing mata.

I'm dying to see you.

You die for me.

Oo ang sagot niya. Bakit ba ang lakas talaga ang hatak ng babaing ito sa kanya. Ni hindi niya alam ang tunay na pangalan, ang lahing pinagmulan. basta alam lang niya ay ang nakarehistro nitong larawan.

Na totoong nagpaibig sa kanya.

At niyayaya pa siya.

Come with me.

Yes, Honey.

Niyayaya na ba siyang magpakasal ng babae?

Come...

I Want to be with you.

Katahimikan. Ang tanging maririnig ay sikdo ng kanyang dibdib at tiktak ng orasan.

Sa nalalabi niyang katinuan at parang hinihigop na katawan ay nakuha niyang mag-request sa babae.

Can I view your cam?

Sure.

Pagbukas ng Camera ay sampung ulit na kilabot ang gumapang sa kanyang katawan, dahil ang bumulaga sa kanya ay bangkay ng babaing nakangisi, kumakaway.

At tinitipa ang letra na nagsusumigaw sa lagim.

Friend, habang binabasa mo ang mensaheng ito ay isa na akong malamig na bangkay. Pinasok ng tatlong adik ang kuwarto ko at walang awa akong tinadtad ng saksak. Sa kabila ng pagmamakaawa ko ay hindi parin ako nilubayan. Binaboy ako. Ginawang ashtray at pinaso ng sigarilyo ang maseselang bahagi ng aking katawan. Hindi na sila naawa. Sigaw ako nang sigaw pero walang nakarinig. Tulungan mo ako. Huwag kang umalis. Huwag...huwag...please...

WAKAS