Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


´╗┐Beautiful Lady!

IKALAWANG gabi ni Marlon sa bahay ng kaibigang si Arnel. At katulad ng nagdaang gabi, hindi agad siya makatulog. Ganito naman talaga siya kapag bagong dating sa ibang lugar. Subalit paglipas pa ng ilang araw ay normal na uli ang kanyang pakiramdam - mabilis na uli siyang nakakatulog lalo na kung pagod.
Summer vacation kaya naisipan niyang sumama sa probinsya ng mga ito. Naengganyo kasi siya sa mga kuwento nito na marami raw beaches at ilog dito. Sa isang katulad niya na laking Maynila, tila paraiso ang mga ganitong lugar. Isa pa'y nangako ito na ipakikilala siya sa pinsan nitong dalaga na balikbayan.
Sa picture niya nakita ang pinsan nito at inamin niya rito na attracted siya. Nagkataon naman na nagbabakasyon din daw ito kaya bukas sila pupunta sa bahay ng mga ito na nasa kabilang barangay.
Ipinikit niya ang mga mata ngunit ilang sandali palang ang nakakalipas ay muli na naman siyang napadilat. Paano'y narinig na naman niya ang maganda at malamig na tinig na iyon ng isang babaing umaawit, na hindi niya maunawaan kung ano ang gamit na lengguwahe. Na sa tuwina ay may kabuntot na napakabangong amoy - parang hinog na langka.
Bahagya niyang itinaas ang ulo at pinakinggan pang mabuti ang tinig. Talagang napakaganda. Hindi paman niya nakakaharap ang may-ari niyon, nasisiguro niyang maganda rin ito.
Sinulyapan niya ang kanyang wristwatch. Napabuntonghininga siya, alas-dose na ng hating-gabi. Kagabi ay ganitong oros din niya narinig ang tinig na iyon. Bigla ay bumangon ang natural niyang kuryosidad. Nagka-interes siyang malaman o makita kung sino ang babaing ito. Bakit hating-gabi siya kumakanta?
Tiningnan niya ang katabing si Arnel, na mahimbing na mahimbing. Naghihilik pa ito at halatang napagod sa pamimingwit nila sa ilog kanina.
Bumangon siya at umupo sa gilid ng katre na yari sa kawayan. Naghintay muna siya ng ilang sandali. Nang hindi pa rin nawawala ang tinig na iyon ay sumilip siya sa bintana, na hinahayaan lang nilang bukas upang makapasok ang sariwa at malamig na simoy ng hangin sa gabi.
"Wow!" anas niya nang makita ang umaawit. Isang babaing nakaputi. Inililipad ng hangin ang mahabang buhok. Nakatagilid ito sa kanya subalit kahit ang kanang bahagi lang ng mukha nito ang nakikita niya ay naghuhumiyaw ang kagandahan nito. "Makikipagkilala ako sa kanya!"
Dali-dali siyang lumabas ng bahay. Mabilis siyang nakarating sa labas ng bakuran nina Arnel subalit nakita niyang papalayo na ang babae sa lugar na kinatatayuan nito kanina.
"Miss, sandali!" sigaw niya. "Huwag ka munang umalis!"
Tumigil ito. Eksakto sa tapat ng malaking bato na nasa tabi ng isang puno ng langka. Agad siyang lumapit dito. Hindi muna ito humarap sa kanya.
"Maaari ba kitang makilala?" tanong niya rito kahit nakatalikod ito sa kanya.
Dahan-dahan itong humarap sa kanya. Napakaamo ng mukha nito. Napakaganda. Lalo pa nang ngumiti ito. Nanlamig ang buo niyang katawan ng titigan niya ito. Nang magsasalita na siya ay biglang tumahol ang aso ni Arnel na si Polgoso. Napalingon siya. Habang nasa loob ito ng bakuran ay nakaharap sa babaing kausap niya at galit na galit.
Sinaway niya ang aso. Agad naman itong nagbahag ng buntot at pumasok sa sog house. Bumuntonhininga siya saka muling ibinalik ang tingin sa kausap. Ganoon nalang ang pagtataka niya nang hindi na niya ito makita, ng wala na ang babae. Napapalunok siya habang nagpapalinga-linga. Ngunit ni anino nito ay hindi na niya nakita pa.
"Saan naman kaya pumunta iyon? Ang bilis naman niyang nawala," bulong niyang napakamot sa ulo.
Hindi sinasadyang napatingin siya sa malaking bato. Muli ay nangilabot siya. Wari'y lumalaki ang ulo niya. Ano pa't nanayong lahat ang balahibo niya. Bigla ring sinaklot ng takot ang kanyang dibdib kaya napatakbo siya pabalik sa loob ng bahay.
***
"HINDI tao ang nakita mo kagabi, Marlon. Engkantada 'yon," sabi ni Arnel.
Nangunot ang noo niya. Hindi na niya naituloy ang pagkukuwento rito tungkol sa babaing nakita niya. Nang sandaling iyon ay nakaupo na sila sa harap ng hapag-kainan habang hinahainan sila ng pagkain ng ina nitong si Aling Linda.
"Anong engkantada?" tanong niya.
"Isa sa mga nilalang sa kabilang daigdig," si Aling Linda ang sumagot sa kanya. "Kung alam mo iyong salitang engkanto... iyon na iyon."
"E-engkanto?" Napalunok siya. Pinanlamigan ng pakiramdam."Hindi pala normal ang babaing iyon kaya pala..." pumisig siya. Laking pasasalamat niya at walang masamang nangyari sa kanya kagabi.
Natawa ang kaibigan niya. "Hundi ko nga pala nabanggit sa iyo na maraming nangyayaring kababalaghan dito sa amin. Actually, iyong tungkol sa babaing nagpakita sa 'yo. Lumalabas siya tuwing kabilugan ng buwan..."
"B-bilog ang buwan kagabi," aniyang garalgal ang tinig. "Nakita ko ang engkantada." Ibinaba ni Aling Linda sa mesa ang mangkok ng umuusok na nilagang baka.
"Nakita mo ba iyong malaking bato riyan sa tabi ng kamyas, Marlon?"
Agad siyang tumango.
"Sabi ng nanay ko," si Arnel ang nagpatuloy sa sasabihin ng ina nito. "Nadatnan na raw nila rito iyan. At iyang puno ng langka na hindi naman tumataas. Bumubunga naman iyan pero hindi lumalaki dahil nabubulok agad. Pero may oras na Bigla na lang kumakalat ang mabangong amoy ng bunga nito."
"Marami ang nagsasabi na nariyan na daw ang bahay ng mga engkantada," muli ay seryosong sabi ni Aling Linda. "Lumalabas sila sa kabilugan para maghanap ng lalaking kanilang napupusuan para isama sa kanilang daigdig."
"Pare, nakursunadahan ka niya kaya nagpapakita siya sa iyo. Mabuti na lamang at pinagmamalasakitan ka ni Polgosi."
"Salamat sa aso ninyo," bulalas niya. "Naku,bibigyan ko ng malaking buto si Polgoso mamaya. Nay, akin na lang itong buto ng baka, ha. Kukunin ko lang ang laman at ilalaan ko na sa mabait ninyong aso."
Tumawa si Arnel. "pasalamat ka talaga, Pare. Kung hindi namalayan ni Polgoso ang pakikipag-usap mo sa magandang babae kagabi... wala ka na sana ngayon."
"Pati kami ay malilintikan sa mga magulang mo," anang ina nito. "Kapag daw kasi naisama ka na ng engkantada sa daigdig nila ay hindi ka na makakauwi. O, kung magagawa mo man... matutulad ka ni Antonio na naging baliw."
"Baliw? Bakit ho?" Takang-taka niyang tanong.
"Ilang taong nawala si Antonio. Usap-usapang naisama raw ito ng engkantada. Lagay na ang loob ng mga magulng nito subalit isang araw ay Bigla na lang itong bumalik. Iyon nga lang... wala na sa katinuan. "
"Ang paniniwala ng lahat ng mga tagarito sa amin ay binura ng mga engkantada ang kanyang alaala."
"Grabe!" Pabuntunghininga niyang sabi. "Hinding-hindi ko malilimutan ang karanasan kong ito rito sa inyo, Arnel. Hindi ko malilimutan ang lugar na ito."
"Napakahilig mo kasi sa magagandang. Ayan, nakakita ka tuloy ng Beautiful lady na tagarito sa amin." Humahalakhak na kantiyaw ng kanyang kaibigan. "Actually, tagariyan lang sa may malaking bato sa gilid ng puno ng kamyas."

Wakas