Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


Diosa

Solong anak si Jet. Ulila nang lubos. Mula nang mamatay ang mga magulang ay pinili niyang umuwi na lang sa bukid at doon mamuhay nang nag-iisa.

"Hindi ka ba nalulungkot dito, Jet?" tanong ng pinsan niyang si Fred nang minsang dayuhin siya nito ng inom sa kanyang kubo.

Bumuntung-hininga si Jet "Talagang malungkot ang nag-iisa, Fred."

"Mag-asawa ka na kasi. Nasa edad ka na naman."

"Magtitiis na lang akong mag-isa," pailing niyang tugon.

Buhat nang pagtaksilan si Jet ng kanyang first love ay nawalan na siya ng gana sa pag-ibig. Naging woman hater siya at naipangako sa sariling hindi na muling iibig pa. Ayaw na niyang maranasan ang muli
pang magtiwala at masaktan.

"Sakit ng ulo lang ang mga babae," aniya pa sa pinsan." Pag-iigihin ko na lang ang mga taniman."

Wala sa hinagap ni Jet na masisira ang pangako niyang iyon.

Isang araw ay pumunta siya ng gubat. Nangangahoy siya sa kasukalan nang marinig na may tinatahulan ang aso niya Tinunton niya
ang kinaroroonan ng alaga.

"Tiger! Tsuuuuuu!" tawag, niya sa aso.

Nagulat si Jet nang makita ang tinatahulan ng aso. Isa iyong napakagandang babae. Kung paanong napunta ito sa gubat ay isang malaking tanong. Ang nakapagtataka pa ay hubo't hubad ito nang matagpuan niyang nakahandusay sa damuhan.

Pinulsuhan niya ang babae. "Buhaypa ‘to. Nawalan lang ng malay."

Napansin niyang may putok ito sa likod ng ulo at mababaw na taga sa likod. Tinalo ng hangarin niyang matulungan ang babae ang pagtataka kung paano at saan nito nakuha ang mga sugat na iyon. Pinangko niyaito.

"Kailangang magamot agad siya. Maraming dugo na ang nawala sa kanya," sabi niya. "At ang taas din ng lagnat..."

Dinala niya ito sa kubo at pinagpala; "Mayamaya lang ay mawawala na ang sinat niya," anas niya habang panay ang punas dito ng malamig na tubig.

Walang tulog si Jet nang gabing iyon. Magdamag na binantayan ang kalagayan ng babae. Gandang-ganda siya sa napakaganda at napakaamong mukha ng dalaga. Hindi niya makontrol ang sarili na pagmasdan ito.

Ipinagluto ni Jet ng mainit na sopas ang babae. Gising na ito nang balikan niya.

"Kumain ka para lumakas ka," nakangiti niyang sabi.

Gutom na gutom ang babae. Nasisiyahang pinagmasdan ito ni Jet habang kumakain.

"Ako nga pala si Jet. Ikaw ano ang pangalan mo?" nakangiti parin niyang pakilala sa sarili.

Natigilan ang babae. Rumehistro sa mukha ang pagkalito. "H-hindi ko alam," ang pagkuwa'y sabi. "Wala akong natatandaan."

Sinarili na lang ni Jet ang hinala na nagka-amnesia ito.

Napakaganda ng babae, kaya ang naisipang ipangalan dito ni Jet ay Diosa. Tila diyosa kasi ang kagandahan nito. Makinis ang maputing kutis. Mahaba ang kulay gabing buhok na bukod sa pinong mga hibla ay tuwid na tuwid. Maganda ang kabuuan ng mukha nito mula sa mapungay na mga mata, matangos na ilong at mapupulang mga labi.

Ang katawan naman nito ay papangarapin ng sinumang lalaki.

"Nag-iisip ka na naman, Diosa," aniya sa dalaga nang makitang nakaupo sa malaking bato at malamlam ang mga matang nakatanaw sa papalubog na araw.

"B-baka sakaling maalala ko kung sino ako ..' kung ano ang pagkatao ko," hirap ang loob na sagot nito.

Mali, pero ang gusto ni Jet ay huwag nang magbalik ang alaala ng magandang babae. Ayaw niyang maala nito ang tunay na katauhan para makasiguro siyang hindi na ito mawawala sa kanyang piling. Sa simula palang kasi'y naramdaman na niyang umiibig siya rito.At ngayon ay malaking problema niya kung paano ipaalam dito ang pag-ibig na muling tumibok sa puso.

Gabi. Kabilugan ng buwan. Umalulong ang mga asong bundok sa ibabaw ng burol. Sabay-sabay. Tila nagbabadya ang mga ito ng nagaganap na lagim. Nag-iwan iyon ng kilabot sa mga tagabukid. Unang pagkakataon nangyari iyon.

Kinabukasan ay ginulantang sila ng pagkakagulo sa bahay ng isang mag-asawa na hindi kalayuan sa bukid ni Jet.

"Simo, bakit maraming tao kina Danrio?" tanong ni Jet sa may-ari ng katabing taniman.

"Ang asawa niya, patay! Wakwak ang tiyan at na wala ang ipinag bubuntis na sanggol. Aswang daw ang may kagagawan," may alarma sa tinig ng lalaki.

"Aswang?"

"Sino pa gagawa nu'n kungdi asawang, di ba?"

Naikuwento iyon ni Jet kay' Diosa. Halata agad ang pag—aalala sa mga mata ng babae.

"Huwag kang matakot, Diosa," aniya. "Hindi naman tutoo ang mga aswang-aswang na ‘yan, e. Hindi ako naniniwala."

Saka pa lang parang napanatag ang babae.

"TOTOO ang aswang, Jet," ani Fred sa kanya nang makainuman ang pinsan isang araw.

Insan, sa kuwento lang may aswang," natatawang—naiiling na sagot niya.

"Tutoo ang aswang," giit ni Fred. "Katunaya'y may muntik na namang mabiktimang buntis kagabi. ‘Buti na lang at naagapan nu'ng asawa. Nasugatan nga raw niya sa braso ang aswang."

Naging palaisipan iyon kay Jet. Kung nasugatan ang aswang, ibig sabihin ay totoo nga ito. Mali pala siya dahil ayaw niyang maniwala.Hanggang pag-uwi ay dala niya ang isiping iyon.

"Nand'yan kana pala," ani Diosa kay Jet pagpasok niya ng kubo. "Gusto mo na bang maghapunan? Ipaghahain kita."

"Sige."

May napansin si Jet habang naghahain si Diosa. "N-napaano ‘yang braso mo? Bakit may taling. panyo?"

Nataranta ang babae. "W-wala ‘to. K-kuwan nadulas lang ako tumama itong braso ko sa matulis na kahoy."

Dama ni Jet na hindi nagsasabi ng tutoo si Diosa. Duda siya na may ipinaglilihim si Diosa sa kanya.

Kinaumagahan ay pinuntahan niya ang lalaking di umano'y nakataga sa braso ng aswang. "Sa kanang braso ko nasugatah ang aswang, Jet," anito. "Bakit mo naitanong?"

"Ha? e, wala!"

Nagulo ang isip ni Jet. Nasa kanang braso rin ang sugat ni Diosa.

At lalong nagulo ang isip niya nang maraming nagpatunay na tutoo ang aswang.

"Kitang-kita' ko ang aswang," anang matandang babae sa kanya.

"Babe pa nga, e."

"Kung gayon ay totoo'ng hinala ko... si Diosa nga ang aswang," wala sa sariling anas niya habang mabigat ang mga paang naglalakad.

Nalabnot niya ang buhok. Napapikit nang mariing-mariin. Bakit si Diosa pa? Si Diosa na nagbukas muli ng sarado niyang puso.

Natagpuan niya ang sarili sa bahay nina Fred.

"Tamang-tama ang pasyal mo, pinsan," masayang salubong nito sa kanya. "May tinolang Tagalog na manok ako rito. Tamang—tama sa hinyebra."

Nag-inuman ang dalawa. "Bakit malalim ‘ata ang iniisip mo, Jet?"

A puna ni Fred na pagkuwa'y ngumisi. "Alam ko na in love ka na sa ampon mo, ‘no?"

Umiling lang si Jet.

Marami siyang nainom. Pag-uwi niya sa kubo ay nadatnan niyang natutulog satumba-tumba si Diosa. Nakatulog sapag hihintay sa kanya.

Nilapitan niya ang babae. Tinitigan ang maamong mukha nito.

Namuo ang luha sa kanyang mga mata. "Diosa mahal ko." Nagising ito. Kaagad niyang pinalis ang luha.

"Jet! Kanina ka pa ba?" Mabilis na tumayo. "Ipinagluto kita ng masarap na tanghalian."

Mabilis na naghain ang babae. "Hindi pa rin ako kumakain, e. Hinintay kita talaga para magkasabay tayo."

Nakamasid lang si Jet sa ginagawa ni Diosa.
Napansin siya nito. "M-may problema ba?" Dumungaw sa bintana si Jet. Matagal bago nakapagsalita." M-makabubuting umalis kana rito Diosa." Tigagal ang babae."J-Jet?"

Ang sinasabi ng bibig ni Jet ay hindi ang nilalaman ng kanyang puso. "Diosa, tinanggap lang naman kita rito noon dahil kailangan mo ng tulong ko. Pero ngayong kaya mo na ang sarili mo..."

Nabasa ng luha ang mga mata ni Diosa. "May nagawa ba akong kasalanan sa ‘yo, Jet."

"W-wala Kaya lang ay natsitsismis natayo. Alam mo naman siguro na masamang hitsura na magkasama tayo sa iisang bubong. Babae ka Lalaki ako. Isapa'y hindi mo makilala ang sarili mo kung mananatili kanalang dito."

Tumungo si Diosa. Pumatak ang luha. "N-nauunawaan kita, Jet." Parang dinudurog ang puso ni Jet habang tinatanaw ang papalayong si Diosa. Hindi maputol-putol ang pagdaloy ng Luha niya. "Mahal kita,"

bulong niya. "Hindi ko kayang saksihan ang kamatayan mo sakaling malaman ng mga tagarito na ikaw ang aswang."

Nang gumabi, naaktuhan ng ronda ang babaing aswang habang nasabubong ng isang kubo. Sinibat nila ito.

Kinaumagahan, pinanlakhan ng mata si Jet sa dumating na balita. "Napatay na ang aswang, Jet," ani Fred.

"Ano?!"

"Hindi kilala kung sino ang aswang pero ang mahalaga ay napatay na siya. Matatahimik na ang komunidad natin," dugtong pa ni Fred. Natigilan si Jet.

Lalo pa siyang nanlumo nang isang araw ay pumasyal sa kanya ang isang matandang kababaryo. "Umalis na pala si Diosa," anito.
"Hindi na ako nakahingi ng paumanhin sa kanya."

"B-bakit ho,Aling Marta?"

"P-pinagtangkaan kasi siyang halayin ng anak ko, e. Nasugatan pa nga siya sa braso sa panlalaban."

Sising-alipin si Jet. Hinusgahan kaagad niya ang babaing lihim na minamahal. Pero hahanapin niya si Diosa. Hindi siya titigil. Hihingi siya ng patawad sa dalaga at ipadarama niya rito ang wagas niyang pagmamahal.

Wakas