Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


Filomena

ILANG araw na lang at 50th wedding anniversary na nina Ben at Filomena. Masasabing wala na silang mahihiling pa sa buhay. Mayaman sila sa lahat ng bagay — sa pagmamahal, sa pera, sa anak, sa apo. Lahat sa buhay nila ay nasa magandang kalagayan.

"Napadalhan mo na bang lahat ng imbitasyon ang mga kamag-anak natin at mga kaibigan, sweetheart?" tanong ni Ben kay Filomena habang inaasistihan siya nito sa paghuhubad ng suot na amerikana.

"Yes, sweetheart," matamis ang ngiting tugon ni Filomena.

Pakakasal silang muli sa simbahan. At halatang hindi mapagkatulog si Filomena dahil doon.

"Excited na ako, sweetheart. Ganitung—ganito ang feeling ko noong una tayong ikakasal," anito kay Ben. Noon ay magkatabi sila sa kama.

"Pareho lang tayo, sweetheart," sabi ni Ben, na ibinilanggo sa mga bisig ang asawa saka hinagkan.

Masaya ang pagsasama ng dalawa. Ang kahanga-hanga, higit pa sa kanilang buhay ang pagmamahal nila sa isa't isa.

FIFTIEH wedding anniversary nina Ben at Filomena. Ang mga abay ay ang kanilang mga anak. Kasama rin sa entourage ang mga manugang nila. Ang dalawang apo naman ang flower girl at ring bearer.

"Ang saya-saya ko," ani Filomena kay Ben habang nasa harap sila ng altar at hinihintay ang pagsisimula ng wedding ceremonies.

"Pareho lang tayo, sweetheart."

Napatawa si Filomena. "Lagi na lang pareho lang, sweetheart ang sinasabi mo."

"Siyempre! Minsan na tayong pinag-isa, diba? Ang nararamdaman mo'y nararamdaman ko rin. Ngayo'y bibigkisin na naman tayo kaya't baka sa isip pa lang ay magkaintindihan na tayo."

Tumikhim ang pari para kunin ang atensiyon ng dalawa na tila sila lang ang tao sa simbahang iyon.

Nagsimula ang seremonyas. Nakapaloob sa misa ang muling pag-iisang dibdib. Humaplos sa damdamin ng mga saksi sa kasal na iyon ang sinabi ng pari sa huling bahagi ng seremonya.

"Kamatayan lang ang makapaghihiwalay sa inyong dalawa," anang pari habang binabasbasan sina Ben at Filomena.

Inulit ni Filomena ang sinabi ng alagad ng Diyos.

"Kamatayan lang ang makapag hihiwalay sa iyo sa akin," anas.

Matapos ang kasal ay isang masaganang tanghalian ang kasunod. Sa isang kilalang hotel ang handaan. Halos kasintaas ng mag-asawa ang cake na iniregalo ng mga anak.

"Saan ang honeymoon?" biro ng isa nilang kaibigan.

"Sa Baguio," masayang sagot ni Ben.

"At naku, Tito, ayaw pumayag ni papa kungdi siya pa rin ang mag-drive paakyat ng Baguio. Gagawan daw nila ng re-enactment ang first wedding nila," ani Julius, panganay ng mag-asawa.

Hindi nga pumayag si Ben na ipagmaneho sila ng kanilang driver. Aniya ay malakas pa siya at bakit nga hindi ay praktisado ang katawan niya sa araw-araw na pagda-drive patungo sa opisina at sa bahay nila na nasa suburb ng Maynila. Alaga rin niya ang katawan sa ehersisyo kaya malakas talaga ang kanyang resistensiya. Pero hindi siya nakatanggi nang pasamahan sila ng mga anak sa isa sa driver ng mga ito. Hindi man ito ang nagmamaneho ng kanilang kotse ay nakasunod naman ang dala nitong sasakyan habang paakyat sila sa City of Pines.

"Sa Baguio rin tayo nag-honeymoon noon, di ba?" ani Ben habang minamaneho ang kotse.

"Puwede ko bang makalimutan iyon."

"Parang kailan lang, ano?"

"Oo nga."

"Ngayon ay mahina na ang tuhod natin."

"Aba, baka ikaw lang. Ako'y nakapagmamaneho pa."

Naputol ang masayang pag-uusap ng dalawa nang biglang tumawid sa kanilang daraanan ang isang pamilyang Igorot. Kinabig ni Ben ang manibela. At nangyari ang hindi inaasahan. Nahulog sa bangin ang kotse.

Nasawi sa malagim na aksidente si Filomena.

H1NDI matanggap ni Ben ang nangyari. Ilang buwan na ang lumipas ay hindi pa rin siya maka-recover sa pangyayari. Pumapasok man siya sa family corporation ay wala sa trabaho ang kanyang isip.

"Filomena, mahal ko," anas ni Ben habang nakaupo sa swivel chair at sapo ng dalawang kamay ang ulo. Naiiyak siya.

Umalingawngaw sa isip niya ang tinuran ng pari noong 50th wedding anniversary nila ni Filomena.

Kamatayan lang ang makapaghihiwalay sa inyong dalawa.

Parang wala sa sariling kinuha ni Ben ang lisensiyadong baril sa drawer. Gamit sana niya iyon pang-self-defense pero ngayon ay iba na ang paggagamitan niya. Itinutok niya ito sa sentido. Susundan niya sakabilang buhay si Filomena.

Noon biglang pumasok ang sekretarya niya. "Nakupo! Sir! Huwag!" anitong maagap na inagaw ang baril kay Ben.

Napaglubag ng dalagang sekretarya ang damdamin ni Ben. Nagulat ang biyudo sa sinabi nito.

"Awang-awa na ako sa inyo, sir. M-masagwa ito para sa isang babaing tulad ko pero handa kong tugunan ang pangungulila nyo kay mam. M-mahal ko kayo. Noong una pa man. . ."

Nasa maamong mukha ng dalaga ang sinseridad. "Ditas ..."

Doon nabuo ang relasyon ng dalawa. Napaghilom ni Ditas ang sugatang puso ni Ben, pero tutol ang mga anak niya sa sekretarya.

"Bata pa ang sekretarya mo, papa. Malamang na kayamanan mo lang ang habol niya sa yo," anang anak na panganay kay Ben nang minsang dalawin siya.

"Huwag kang manghusga, Julius," kunot—noong sabi ni Ben. "Kung hindi dahil sa kanya, patay na ako ngayon."

"Nang dahil sa babaing iyon, nakalimutan n'yo na agad si mama," singit ng anak na babae.

"Nang dahil kay Ditas, natatuhan kong tanggapin ang masakit na katotohanan... pero hindi ang kalimutan ang inyong mama," pagtatama ni Ben.

Hindi inaasaha ang pagdating ni Ditas. "Walang bahid na pagkukunwari ang pakikitungoko sa inyong papa. Siya ang minahal ko at hindi ang kanyang kayamanan. Handa kong patunayan ‘yon at pwede n'yo akong subukan."

Nang mapag-isa sa kanyang silid si Ben ay hinawakan niya at tinitigan ang naka-frame na litrato ni Ditas." Pinatulan kita, Ditas, dahil ang intensiyon ko'y para malimutan ang masakit na pangyayari sa buhay ko. Pero dahil sa pag-ibig mo, natutuhan kitang mahalin."

Muling ipinatong ni Ben ang picture frame sa dating kinalalagyan. Pero mayamaya'y bigla na lamang iyong bumagsak sa sahig. Basag ang salamin. Kinilabutan si Ben. Paanong bumagsak iyon? Hindi lang ba ang mga anak niya ang tutol kay Ditas? Tutol din ba si Filomena?

Binalewala ni Ben ang pangyayaring iyon. Hanggang sa sumapit ang kaarawan ni Ditas. Naisipan na lang niya na ipagpagawa ito ng portrait painting sa isang mahusay na pintor bilang birthday gift.

"Ano ang masasabi n'yo sa painting, Mr. Bermudes?" anang painter...

"Perfect!" bulalas ni Ben. Ang amo ng mukha ni Ditas sa painting naito. Tiyak na magugustuhan niya ito." Ipinabalot nang maganda ni Ben ang painting at may pagmamalaking ibinigay kay Ditas. Ngunit nasindak ang dalaga nang makita ang painting dahil may sungay at pangil ito.

Matutulog na lang si Ben ay hindi pa rin mawala sa kanyang isip kung bakit nagkaroon ng sungay at pangil ang regalo n'yang portrait painting kay Ditas. Nasa ganoon siyang pag-iisip nang biglang makadama ng kakaibang lamig na dampi ng hangin. Kasunod niyon ay nakaamoy siya ng pabango ni Filomena.

"F-Filomena, ikaw ba ‘yan? Tutol ka ba kay Ditas? Napakabait ni Ditas. Tulad mo'y magiging isa rin siyang mabuting may bahay?"

Bigla'y nanigas si Ben. Tumitik ang mga mata. Sumanib sa kanya ang kaluluwa ni Filomena. Parang robot siyang lumabas ng silid. Dire-diretso sa kotse. Pinaharurot iyon. Patungo sa inuupahang apartment ni Ditas.

Ilang saglit pa at narating ang destinasyon. Huminto ang sasakyan hindi kalayuan sa inuupahang apartment ni Ditas.

Hindi nakakandado ang pinto ni Ditas, dire-diretsong pumasok ang wala sa sariling si Ben. May kausap na guwapong lalaki si Ditas.

Humiwalay ang kaluluwa ni Filomena kay Ben. Nagtataka man kung bakit siya naroroon ay pinili ni Ben na lihim na pakinggan ang usapan nina Ditas at ng kasamang lalaki.

"Pag nakasal na kami in Ben, unti-unti ko siyang lalasunin para masolo natin ang kayamanan niya," nakangising sabi ni Ditas sa lalaki.

Tumawa ang lalaki. "Bilib na talaga ako sa acting mo, Ditas. Akala ni Ben ay totoong mahal mo siya."

"Dax, kung hindi tumutol ang mga magulang ko artista ako ngayon"

"At tiyak na premyadong aktres," dugtong ng lalaki.

Nagngingitngit si Ben. Bulok na panloob pala ang ikinukubli ng mala-anghel na panlabas ni Ditas.

"Hayup ka, Ditas!" hindi napigil ang sarili ay sambit ni Ben.

Gulat na gulat si Ditas. "B-Ben, let me explain."

"Wala kanang dapat pang ipaliwanag" at nagmamadaling lumabas si Ben.

Kinabukasan, maaga pay nasa harapna ng puntod ni Filomena si Ben. "Salamat, sweetheart. Kahit magkaiba na tayo ng daigdig ay nasa likod pa rin kita sa oras ng pangangailangan."

Mayamaya'y naamoy ni Ben ang pabango ni Filomena, kasunod niyon ay naramdaman niyang nakayakap sa likuran niya ang kaluluwa nito. Punung-puno ng pagmamahal.

Napangiti si Ben. Pumatak ang luha. "Wala na akong iba pang mamahalin kundi ikaw kahit sa alaala na lamang."

Wakas