Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


´╗┐GATAS NG BAKALAW

Dagok sa negosyo ni Awong ang pagkakadiskubre na may halong melamine ang gatas kaya halos lahat ng produkto niya sa merkado ay binatak. Delikado ang melamine. Maraming bata ang nagkasakit sa nato gawa ng pulbos na kemikal na ito na inihalo sa gatas.
Nalugi nang husto ang negosyo ni Awong at nanganganib pa siyang panagutin sa batas. Wala na nga siyang pera ay makukulong pa siya. Mas pinili ni Awong na mamundok na lang kaysa managot sa batas.
Nagtago siya. Malayo sa sinumang makakakilala sa kanya.
Sa paglalagi sa gubat ay tanging ang mga ligaw na hayop sa gubat ang nakakahalubilo ni Awong. May mababangis. May makamandag. Halos maiyak na siya sa takot.
Sa isang banda mas nakakatakot ang galit ng mga taong handa siyang dumugin at durugin nang pino oras na mapatunayang siya ang utak sa mapaminsalang melamine.
Isang araw iyon nang makakita si Awong nang kakaibang hayop sa gubat. May sungay ito na kagaya sa kambing, mukha ng kalabaw at dinobleng katawan ng Baka. Maamo ang hayop at halos luhuran siya na gaya sa isang diyos.
"Huwag kang matakot. Ako ang sagot sa lahat ng problema mo ngayon." nagsasalita ang hayop.
Natural lang na matakot si Awong pero desperado na talaga siya sa kalagayan at anumang paraan ay kakagatin niya maisalba lang ang nanganganib na buhay.
"Sabihin mo sa akin, paano mo ako matutulungan?"
Kung may makakita sa kanya ay iisipin na nababaliw na siya dahil kinakausap niya ang hayop.
Napailing ang hayop. "Ang hina talaga ng kukote mo. Saan ba nanggagaling ang gatas?"
Sagot agad ni Awong. "Sa baka....sa kambing....sa kalabaw!"
Umikot-ikot ang hayop na parang modelong rumarampa. Nagliwanag ang mata ni Awong. Taglay nito ang katauhan o kahayupan ng tatlong uri ng hayop na nagbibigay ng sariwang gatas. Makatas ang dibdib ng bagong saltang hayop na ito. Sagana sa gatas. Parang bukal na habang ginagatasan ay hindi nauubusan ng gatas. Kada piga ni Awong sa dibdib ng hayop ay puro salapi ang nakikita niya. Ang hayop na ito ang magbabangon sa nasira niyang pangalan.
"Simula sa araw na ito, ako na ang amo mo. Gagatasan kita. Aalagaan kita pero payayamanin mo uli ako. At dahil taglay mo ang anyo ng tatlong hayop, mula ngayon ay tatawagin kitang Bakalaw. Tama. Bakalaw. Pinagsamang baka, kambing at kalabaw!"
Tumaas ang kilay ng hayop. "Gagatasan mo ako, oo.....pero ang kapalit ang matindi, ihanda mo ang sarili mo. Lahat ng bagay ay may kabayaran!"
"Whatever! Teka, bakit nga ba hindi ka nauubusan ng gatas. Katumbas ka ng anim na libong baka, anim na raang kambing at anim na kalabaw."
Halos bariles na ang naibibigay na gatas nito nasa araw.
Kung ganito nang ganito, puwede na naman siyang magtayo ng pabrika ng gatas. Nabuhayan ng loob, muling tinipon ni Awong ang mga traydor niyang tauhan. "May natuklasan aking mina ng gatas. Ikaw, Mr. Kaw, kahit inginuso mo akong utak ng melamine, sige kukunin ko uli ang serbisyo mo sa quality control ng bago kong laboratoryo."
Muling binuhay ni Awong ang bumagsak na negosyo. Binago niya ang brand name dahil wala na ang tiwala ng tao sa dati niyang produkto. Sa ibang pangalan na rin nirehistro. Ang takot sa mapaminsalang kemikal na melamine ang naging daan naman para tangkilikin ang bago niyang pormula. Kumuha siya ng pinakamagaling na advertising agency para pasikatin ang bago niyang gatas mula sa Bakalaw.
Ang gatas ng Bakalaw diumano ang sagot sa mga batang maysakit.
Ito ay pampasigla.
Ito ay pampahaba ng buhay.
Pampagana.
Isang ina ang nagpatunay na biglang na biglang laki ang anak niya nang makainom ng gatas ng Bakalaw. Kumalat ang tungkol dito. Ang ibang ina ay sumubok din na magpainom ng gatas ng Bakalaw sa mga sakitin nilang sanggol.
"Pambihira! Mula nang uminom ang anak ko ng gatas ng Bakalaw, ni hindi na siya tinatablan ng sakit."
Marami ngang ina ang tumangkilik sa bagong gatas na ito. Tinawag pa nga nilang milagrosong gatas at nakakagaling iba't ibang uri ng karamdaman.
Halos sambahin ni Awong ang Bakalaw at halos damitan ito ng makintab na pelus gaya sa santo.
"Alisin mo iyan, ang init! Hindi ako sanay na may damit. Napapaso ako!"
Lumuhod si Awong sa Bakalaw. "Hulog ka talaga sa akin ng langit!"
Umatungal ang Bakalaw. "Itikom mo ang bibig mo. Masama ang tabas ng bibig mo." Hinampas ito ni Awong. "Ito ba ang gusto mo, ang saktan ka?"
Ni hindi nasaktan ang Bakalaw nang hampasin ni Awong ng dos por dos. "Sige pa....lakasan mo ang hambalos...ang kati!"
Inihagis ni Awong ang pamalo. Kahit masokista ang bakalaw hindi niya ito kanyang saktan dahil ito ang nagbibigay sa kanya ngayon ng limpak-limpak na salapi.
Kada piga sa dibdib ng gatas ng hayop mas sumasagana ito. P
ara bang hindi mauubusan ng gatas ang dibdib nito.
"Ano kaya kung paramihin kita," ang balak ni Awong ay dagdagan ang lahi ng bakalaw. Umasik ang hayop. "Ang siba mo talaga! Sa akin lang hindi ka na magkandaugaga, magdadagdag ka pa. Kulang pa ba ang supply ko ng gatas sa iyo?"
Kumambiyo si Awong. "Joke-joke lang mas takot siya sa galit ng bakalaw.
Nakita na niya kung paano magalit ang bakalaw. Ang lakas nito ay kayang magpagalaw ng lupa. Ang init ng ulo nito ay kayang lumikha ng kulog at kidlat.
"Cool ka lang! Kung ayaw mo ng dyowa, eh di huwag!"
Tuso itong si Awong. Kaya nga siya yumaman noon dahil sa katusuhan.
Nag-alaga siya ng pinaka-machong baka, malambing na kambing at makisig na kalabaw para lang akitin ng mga ito ang bakalaw. Pamparami rin ng lahi.
Puro salapi ang nakikita ni Awong sa tuwing naglalandi ang bakalaw.
Wala na ngang nagrereklamo sa Bakalaw Milk ni Awong. Puro papuri. Ang bilis bumilis ng sanggol. Ang lakas makalusog. Pampasigla. Pampalakas.
Pakuya-kuyakoy na lang si Awong habang nagbibilang ng pera. Tutok siya sa mga balita para pulsuhan ang boses ng madla sa bagong pag-asa, ang gatas na nagbibigay-sigla at buhay sa mga bata ngayon. May sumalising balita habang nakatutok siya sa breaking news. Isang dambuhalang sanggol diumano ang gumagala sa parke at bawat matapakan nito ay napipisa na parang kamatis.
Natawa si awong. "Ano na naman kayang gimik ito? Mukhang may gagawing pelikula na naman ang istasyon kaya ang likot ng imahinasyon."
Isinara niya ang telebisyon dahil nag-aagaw-antok na siya.
Nakakapagod din ang magbilang ng pera.
Kinabukasang magising, ang unang tiningnan ni Awong ay ang laman ng vault ng pera. Kasunod ay tinanaw niya ang bakalaw na nanginginain habang kusa na itong nagpipiga ng gatas gamit ang makinaryang nakakabit sa mabulas na katawan. Saka lang niya tiningnan ang sarili sa harap ng salamin.
"Don Awong, simula pa lamang ito ng muli mong pagbangon!"
Para siyang haring pinagsisilbihan ng mga alalay. May tagamasahe pa sa kanya habang umiinom nang maiinit na kape. "Abot mo nga ang remote control ng telebisyon."
Gusto niyang makitang muli ang mga komersiyal ng kanyang produktong gatas na talaga namang ang lakas ng hatak sa merkado. Pampasigla. Pampalaki. Pampagana. Pampalakas ng isip.
Ang modelo sa gatas na produkto niya ang nakita niya. Sobra naman yata ang laki. Nakita niya sa telebisyon nang ipokus ang kamera sa dambuhalang bata. Ito ang bata na naging modelo ng komersiyal ng gatas ng Bakalaw.
Kinabahan si Awong.
Ang gatas ng bakalaw ay pampalaki, pampasigla.
Pero hindi niya inakala na lalaki nang ganito kalaki kapag nakainom ng gatas ng bakalaw.
Pinaglalaruan ba siya ng imahinasyon niya?
Nakita niya na nagsisigawan ang mga tao habang naglulukso sa parke ang higanteng sanggol.
Bawat matapakan nito, pisak.
Bawat masipa, nagkikisay.
Pinalibutan na ito ng mga patrol car. Hindi naman nila magawang barilin dahil sa kabila ng pagiging higante ay sanggol pa rin ito na maituturing.
Panay ang dating ng mga reporter at mga camera man. Halos lahat ng channel sa telebisyon ay nakatutok sa batang naging dambuhala sa laki. Mabalasik ang mukha. Nananakit. May sumpong. Kada padyak nito ay may tumitilapong tao.
Sigawan. Hiyawan. Kagulo na ang mga tao.
Nakaagapay na rin ang mga bumbero dahil lumilikha ng sunog ang sanggol na ito kapag itinutumba ang poste ng kuryente.
"Pambihira ang lakas niya!" Sindak, napalabas ng bahay si Awong.
Gusto niyang siya mismo ang makasaksi sa kahindik-hindik na pangyayari.
Nakita nga niya kung paano magwala ang higanteng sanggol. Lahat nang mahawakan, ibinabato.
Parang manyika kung balian nito ng leeg ang hawak na tao.
Ang mga kotse, tinatanggalan nito ng gulong saka inihahagis sa karamihan ng tao. Parang basahan kung tapakan ang mga nakaharang.
Dinig na dinig ni Awong ang iyakan, daingan ng nasaktan , dasal.
Ito ay isang eksena na sa pelikula lang nakikita pero nangyayari na nga.
Halos magpalahaw nang iyak ang ina ng sanggol. "Anak ko.... lumiit ka na sana, bumalik ka na sa normal."
Mas gugustuhin pa ngayon ng ina na makitang payat at sakitin ang sanggol kaysa biglang laki at nananakit ng kapwa.
"Bakit nagkaganyan iyan?" Lahat halos nagtataka, hindi makapaniwala.
Iisa ang tinuturong dahilan. "Gawa ng gatas ng Bakalaw!"
Napaatras si Awong. Sabit na naman siya pag nagkataon.
Tinakpan niya ang mukha habang papalayo. Pag mamalasin nga naman, ahente ba siya ng produktong may lason? Bakit kung kailan nakabangon na siya saka naman siya uli malulugmok?
Ano ang magiging kapalaran ng mga sanggol at batang nakainom ng gatas na higit pa sa lason?
Nasa daan pa lang ay nakakita siya ng ibang eksena. Nakita niya ang mga bata sa isang mini mart na halos limasin ang laman na paninda sa loob. Kita niya dahil tagos sa salamin. Ang iba ay doon na humahataw ng kain. Parang mga dayukdok ba gustong isilid lahat sa bituka ang mga pagkain. Lalo siyang namangha nang makita ang isang bata na panay ang hitit-buhay sa sigarilyo at may hawak pang bote ng alak.
Suot pa nila ang mga T-shirt na ipinamigay niya sa promotion noon, na ang nakasulat: Mga Batang Bakalaw Kami!
Ibig sabihin, ang mga batang nakainom ng gatas ng Bakalaw ay nagiging sobra pa sa bilis ang paglaki, nagiging matakaw, barumbado at rebelde?
Isa na naman ba itong dagok sa kanyang negosyo?
Halos manlumo si Awong lalo pa't nakikita niya kung gaano kasalbahe ang mga batang nakainom ng gatas ng hayop. Parang mga praning. Adik. Hurumentado. Sura ang ulo.
Isang bata ang sumita sa kanya. "Hoy, nasaan na ang lisensiya mo?"
Nagtaka pa siya. "Bakit, pulis ka ba?" tanong niya sa bata na umaastang siga. Tinutukan siya ng baril. "Holdaper ako. Ilabas mo lahat ng pera mo!"
Wala siyang nagawa nang kunin ng batang holdaper ang kanyang pitaka at cellfone. Nakangisi pa ito sa kanyang reaksiyon.
Napaluha si Awong. Ito ba ang naging bunga ng katakawan niya sa pera?
Ngayon niya naisip, saan ba talaga galing ang bakalaw? Ang hayop na walang pangalan pero binigyan niya ng pangalan, at pagkakataong makapaminsala ng buhay.
Muli niyang binalikan ang lugar kung saan niya iniwan ang hayop na sugo ng kung sinong masama. At ganoong na lamang ang pagkasindak niya, kasindami na ng limang ektaryang lupa ang dami ng bakalaw, ang bilis dumami ng hayop na halimaw.
At sa mata ng mga hayop na ito ay nakita niya ang lagim...
Ang pagkalat ng lagim!

Wakas