Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


Ibong Itim

Limang taon nang magkasintahan sina Joey at Regine. At sa wakas, naitakda na rin ang araw ng kanilang pag-iisang dibdib.

"Wala nang makapipigil sa pagiging Mrs. Joey Franco mo, loves!" matamis ang ngiting sabi ni Joey kay Regine habang kumakain sila sa isang restaurant.

Pilya ang pagkakangiti ni Regine. "Talaga lang, ha? one month pa before our wedding. Marami pang makikitang magagandang babae yang mga mata mo."

"Hanggang tingin na lang ako sa kanila, no? naka-program na tong puso ko na ikaw lang ang mamahalin habambuhay."

"Sarap namang pakinggan."

"At saka, ikaw... papayag ka bang maagaw pa ako sa yo ng iba?"

"Hindi!" walang gatol na tugon ni Regine.

Guwapo si Joey, maganda si Regine. Pareho silang may pinag-aralan at may matatag na hanapbuhay. Napakasuwerte na nga nila sa isat isa kung iisipin.

"Anong oras ang alis mo bukas, loves?" tanong ni Regine kay Joey habang naglalakad-lakad sila sa paboritong park.

"Five in the morning, sisibat na ako!"

"Bakit hindi mo nalang tawagan o sulatan yong mga relatives mo sa probinsiya?"

"Liblib ang lugar nila. Baka naikasal na tayo saka pa lang darating ang sulat. O baka pag minamalas-malas pa hindi na nila matanggap. Wala rin kasing cellphone ang mga iyon. Kailangan talaga ay personal ko silang imbitahan para siguradong makarating. Dapat ay naroon sila sa araw ng kasal natin. Importante sila sa akin. Napakalaki ng naitulong nila sa akin lalo na nung nag-aaral pa ako."

Ang gulat ng dalawa... isang lalaking taong grasa ang bigla na lamang humarang sa kanilang daraanan!

"Babalutin ng dilim ang inyong pag-ibig!" anitong nanlalaki ang mga mata. "Kikidlat ng dugo at lulunurin ang inyong mga pangako! Luluha ng tinik ang mga anghel ng pag-ibig at duduruin ang marurupok ninyong mga puso!"

Kilabot na nagkatinginan sina Joey at Regine.

Hindi nila alam kung ano ang mararamdaman.

Dinuro ng taong grasa si Joey. "Kumapit kang mabuti sa katig ng pag-ibig! Kung hindi ay malulunod ang puso mo sa dagat ng mga luha!"

Paika-ika ngunit mabilis nang tumalikod ang taong grasa. Puno ng takot ang mga mata ni Regine. "Loves..." "Ssssh! Hes just a crazy man."

"Pinsan!" tuwang sigaw ni Joey sa nagsisibak ng kahoy na si Lando. Kadarating pa lang niya sa probinsiya at hindi magkandadala sa mga bitbit na pasalubong.

Saglit na kinilala pa siya ni Lando. "Aba?! Joey! Lintek na... ang pogi mo lalo ngayon ah!" masayang bati nito sabay tawa nang malakas.

Mahigpit na nagyakap ang magpinsang matagal na panahon na ring hindi nagkita.

"Kumusta ka na, insan?!" tanong ni Joey.

"Eto, binata pa rin hanggang ngayon! Ikaw... kumusta ka na?!" Humantong sa hapag-kainan ang kumustahan.

"Malapit na akong ikasal," balita ni Joey. " Kaya nga ako naparito ay para imbitahan kayo. At hindi ako papayag na wala kayo roon."

"Maaari ba namang hindi kami dumalo roon," ani Tiyo Gardo. "Oo nga, pinsan," segunda ni Lando.

"Buti ka pa, Joey... ikakasal na," ani tiya Marta. "Sabik na kaming magkaapo pero ito atang si Lando eh wala nang balak mag-asawa." Mayamayay nag-iinuman na sa balkonahe ang magpinsan. "Mga one week ako rito, insan. Masarap dito eh. Presko," sabi ni Joey.

"Oo bah! Samantalahin mo na ang nalalabi mong mga araw na binata kapa. Kukumpayan kita ng masusustansiyang gulay, insan. Kakailanganin mo ang lakas pagkatapos ng kasal mo," biro ni Lando.

Kinabukasan ng umaga ay pinasyalan nina Joey at Lando ang ilog na paborito nilang paglanguyan noong mga bata pa sila.

"Tanda mo pa ba noong muntik ka nang malunod sa ilog na ito, insan? tanong ni Lando.

"Oo, Buti nalang at nasagip mo ako. Pero ngayon malabo na akong malunod. Expert nako sa swimming!" Dumayb sa tubig si Joey.

Matagal siyang naglangoy sa ilalim ng tubig. Paglutang niya ay may nahagip ang paningin ni Joey.

Isa iyong babaing napakaganda. Maamo ang mukha. Alon-alon at mahaba ang buhok. Bakas sa manipis nitong suot ang napakagandang hubog ng katawan ng babae. Naliligo din ito sa ilog hindi kalayuan sa bahaging kinaroroonan nina Joey at Lando.

Itinuro ito ni Joey kay Lando. "Sino ang babaing iyon, insa?" May pangingilag sa mga mata ni Lando. "Naku! Si Alyana yan, insa!"

Hinagod ng tingin ni Joey ang babae. "Napakaganda niya insan." "Pero walang magtangkang manligaw dyan, insan!"

"Bakit naman?"

"Mangkukulam ang ina niya! At bali-balita engkanto ang ama!" Palibhasa ay laking lungsod, tinawanan lang ni Joey ang sinabi ng pinsan.

Nakita sila ni Anyana.

Kinilabutan si Lando. "Tayo na, insan! Mahirap makursunadahan nyan!"

Sumunod si Joey kay Lando. Tinapunan niya ng tingin ang dalaga. "Hindi ito ang magiging una at huli nating pagkikita, Alyana," aniya sa sarili.

Parang nabatobalani kay Alyana si Joey. Gumawa siya ng paraan upang muli niyang makita ang dalaga. Nagpanggap siyang mangangaso at nagtungo sa kubo ng mga ito.

"Tao po! Tao pooo!" tawag niya.

Muntik na siyang mapasigaw nang dumungaw sa bintana ang isang matandang mukhang bruha. Napakatalim ng mukha. May ibong itim ito sa balikat at may hinihimas-himas na pusang itim din ang kulay.

"Ano ang kailangan mo?" ang tanong.

"K-kuwan ho... makikiinom lang ho. Mangangaso ho ako at naubusan ng baong tubig."

Tumawag ang matandang mukhang bruha. "Alyana..." Lumabas ng silid si Alyana. "Bakit po, inay?"

"Bigyan mo ng tubig ang estranghero."

Kumuha ng tubig sa banga si Alyana. Titig na titig si Joey sa dalaga habang papalapit ito sa kanya. Tingin niya ay lalo itong gumanda.

"Heto ang tubig."

Inabot ni Joey ang baso ng tubig. "Salamat."

"Walang anuman."

Nginitian niya ang dalaga. Gumanti ito ng ngiti. Parang saglit ay nasarili nila ang mundo.

Nagulat sila nang biglang tumikhim ang ina ni Alyana. Umupo ito sa tumba-tumbang nasa bungad ng pinto. "Pumasok ka na sa silid, Alyana. At ikaw, lalaki... inumin mo na ang tubig at pagkatapos ay maaari ka nang umalis."

Ininom ni Joey ang tubig sa baso. "Salamat sa inyo... aalis na po ako."

Tumalikod na si Joey. Inihatid siya ng matalim na tingin ng matandang mukhang bruha.

"E, di naniniwala ka nang mangkukulam ang ina ni Alyana?" tanong ni Lando kay Joey. Nasa balkonahe sila ng mga sandaling iyon.

"Nakakatakot lang talaga ang mukha, insan. Hindi naman tutoo ang mangkukulam, eh. Kathang isip lang."

"Binabalaan kita, insan... kung ayaw mong may masamang mangyari sayo, huwag mo nang pag-interesan si Alyana. Mabuti sana kung tototohanin mo."

Pero hindi nakinig si Joey. Para talagang isang opyo ang dalaga na hindi niya kayang iwasan.

"Magandang umaga, Alyana," bati ni Joey rito nang matimyempuhang naglalaba sa ilog.

"Ikaw pala."

"Ang dami mo namang nilalabhan. Gusto mo, tulungan kita?"

"Naku, huwag! Gawaing babae ito. At saka hindi naman kita kilala."

"Ako si Joey."

Bahagya pa siyang lumapit upang makikipagkamay sa dalaga pero nadulas siya sa lumot ng isang bato. "Hups!"

Hulog sa tubig si Joe!

Tinawanan siya ni Alyana.

Natawa na rin si Joey na inihaba ang kamay para abutin ni Alyana. "Tulungan mo naman akong umahon dito. Ang lamig ng tubig!" Inabot ni Alyana ang kamay ni Joey.

Hindi inaasahan ni Alyana ang ginawa ni Joey. Bigla niyang hinila ang kamay ng dalaga! Hulog din ito sa tubig!

Nagkatawanan na lamang ang dalawa. Iyon ang naging simula ng maganda nilang pagtitinginan.

Nang sumunod na mga araw ay nagkikita sa ilog ang dalawa hanggang mapalapit nang husto ang loob ng dalaga kay Joey.

"Mahal kita, Alyana..." anas ni Joey na pisil-pisil ang isang palad ng babae.

"Joey... mahal din kita," ang wari ay tila nahihiyang sambit nito.

Nagkatitigan sila. Nanghahalina ang mapupulang labi ni Alyana. Hindi tumutol ang dalaga nang ilapat ni Joey ang kanyang mga labi sa mga labi nito, bagkus ay tumugon ito sa mga halik niya.

Hindi kalayuan... may isang palakang nagmamasid kina Joey at Alyana.

"Hindi ko gusto ang pakikipagmabutihan mo sa estrangherong yon, Alyana," pagbungad pa lang ng dalaga sa pinto ay sabi ng kanyang ina. Nakaupo ito sa tumba-tumba habang hinahaplos-haplos ang palakang nasa braso.

Napatungo si Alyana. "N-ngayon lang ako umibig nang ganito, ina..."

"Sanay hindi ka nagkamali, Alyana..."

Ang balak na isang linggong bakasyon ni Joey ay naging dalawang linggo dahil kay Alyana. Walang araw na hindi sila magkasama simula nang magkaroon ng unawaan.

"Mahal mo ba talaga ako, Joey?" tanong ni Alyana habang nakahilig sa balikat ni Joey. Nakaupo sila sa burol. Pinapanood ang paglubog ng araw.

"Oo naman."

Naghinang ang kanilang mga labi.

Kumulimlim ang langit. Nagsimulang pumatak ang ulan.

"Mababasa tayo," ani Joey.

Hinila siya ni Alyana. "Halika!"

Lumakas na ang buhos ng ulan. Takbo ang dalawa. Sa isang yungib dinala ni Alyana si Joey. Sinindihan ng dalaga ang sulo sa loob ng yungib.

"Ang yungib na ito ang pangalawang tahanan namin ni ina. Maganda, di ba?" may pagmamalaking sabi.

"Mas maganda ka," ani Joey habang nakatitig sa magandang hubog na katawan ni Alyana... kagandahang lalong naging mapang-akit sa pagkakabasa ng ulan. Naninikit ang manipis nitong kasuotan sa bawat umbok at kurbadang tila nililok ng pinakamagaling na eskultor sa balat ng lupa.

Sumilay ang ngiti sa mapupula at masa-masang mga labi ng dalaga. "Ano kamo?"

Lumapit si Joey. "Ang sabi ko... mas maganda ka." Hinaplos niya ang marosas na mga pisngi ng dalaga. Napakakinis, malasutla...

Wala nang mga katagang namutawi sa kanilang mga labi. Mga mata nalang nila ang nag-usap... na sinang-ayunan ng kanilang mga damdamin.

Muling naglapat ang kanilang mga labi. Mas maalab!

Mahigpit ang yakap nila sa isat isang tila walang makapaghihiwalay. Sa labas ng yungib, masinsin ang patak ng ulan. Napakalamig! Kabaligtaran ng naglalagablab na mga damdamin nina Joey at Alyana.

"A-ako pala ang una," nakukonsensiyang sabi ni Joey.

"Oo, Joey. At kailangang panagutan mo ang namagitan sa atin, dahil kung hindi... aanihin mo ang bangis ni ina!"

Parang may mumunting kutsilyong tumarak sa loob ng dibdib ni Joey. Hindi dahil sa takot sa ina ni Alyana, kundi sa katotohanang hindi naman niya kayang panagutan ang dalaga.

Nagsinungaling siya. "P-pakakasalan kita, Alyana..."

Pag-uwi ni Joey ay sinalubong kaagad ni Lando. "San ka na naman ba galing at dinilim ka? Naiwan mo ang cellphone. May nag text yata kanina."

Binasa ni Joey ang message sa cellphone. Pinauuwi na siya ni Regine dahil may mga kailangan pa silang asikasuhin sa kasal nila.

Kinabukasan, maaga pay nasa tagpuang ilog na si Alyana. Nagpaganda nang husto ang dalaga para sa lalaking pinakamamahal. Matamis ang ngiti sa mga labi. Nagniningning ang mga mata. Wari bang kung bibiyakin ang puso ng dalaga ay hindi dugo ang aagos kundi purong pag-ibig.

Pero hindi si Joey ang dumating.

"L-Lando! N-nasaan si Joey?"

Malungkot na umiling si Lando.

"Nasaan si Joey?" namumuo ang luha sa mga matang ulit ng babae. May iniabot na sulat si Lando kay Alyana.

Binasa ng dalaga ang sulat ni Joey. Sulat ng pagtatapat... ng paghingi ng tawad... ng pamamaalam.

Bumalong ang luha sa mga mata ng dalagang api. "Joeeeey!" malakas niyang pagtangis.

Napaluha si Lando. Awang-awa siya sa dalaga. Sa dalagang ito na may nahihimbing na puso... na walng anu-anoy ginising ng haplos ng pag-ibig... na biglay kukuyumusin at dudurugin lang pala.

Malayo na si Joey ng mga sandaling iyon. Nginangatngat ng konsensiya.

"May puwang ka rin dito sa puso ko, Alyana... pero mas mahalaga sa akin si Regine. Patawarin mo ako," aniya sa sarili habang sakay ng bus pauwi.

Nakarating sa kaalaman ng ina ni Alyana ang masakit na sinapit ng anak kay Joey.

"Niloko niya ako, ina... niloko niya ako!" umiiyak na sabi ni Alyana habang mahigpit na nakayakap sa ina.

Matalim na matalim ang mga mata ng ina. Punung-puno ng galit! "Sabi ko naman sayo, huwag kang basta magtitiwala sa estrangherong yun..."

Gabi. Lumabas ng kubo ang ina ni Alyana. Hawak ang itim na ibon! "Magbabayad ka, lalaki," nagngangalit ang mga ngiping bulong.

Pinakawalan ang itim na ibon! "Magbabayd kaaaa!" ang sigaw. Lumipad nang mabilis ang ibon. Naghahari ang pagaspas ng mga pakpak sa katahimikan ng gabi.

"Ilan ba ang gusto mong maging anak natin?" tanong ni Regine habang malambing na nakahilig sa balikat ni Joey. Nang gabing iyon ay nasa swing house sila sa harap ng bahay nina Regine.

"Dalawa. Isang lalaki, isang babae," tugon ni Joey. "Teka, kung dalawa pa kaya, Isang bakla at isang tomboy para kumpleto," biro pa niya.

"Pwede rin!" nakangiting sakay ni Regine sa pagbibiro ng nobyo. Sa di kalayuan, nakadapo sa kawad ng kuryente ang ibong itim ng ina ni Alyana!

Lumipad ito nang mabilis. Parang isinibat!

Tinuka sa pisngi si Regine. "Aray!" sigaw ng dalaga.

Tuloy-tuloy na lumipad palayo ang ibong itim.

Napaluha sa hapdi si Regine. "Nagdurugo, loves..."

"Gagong ibon yon, ah! Halika sa loob! Gagamutin natin!" Sa loob ng bahay, dali-daling ginamot ni Joey ang sugat sa pisngi ng nobya. "Maliit lang naman pala. Mabuti na lang hindi ka sa mata tinuka."

"Kung sa mata ba ako natuka at nabulag ako, pakakasalan mo pa ako?"

Tigas ng iling si Joey. "Ay, hindi na!"

Parang batang nagmaktol si Regine.

"Joke lang!"

Masayang naghiwalay ang dalawa nang gabing iyon. Pero kinabukasan, tumawag sa cellphone ni Joey si Regine...

"Hindi na matutuloy ang kasal natin, Joey."

Napangisi si Joey. "Agang-aga, binibiro mo ako."

Tumaas ang boses sa kabilang linya. May kahalo nang iyak. "Hindi ako nagbibiro! Hindi na matutuloy ang ating kasal! hindi na!"

Pinamulahan ng mukha si Joey. "Regine? Are you out of your mind?" Anong dahilan at hindi matutuloy ang ating kasal?"

"D-dahil sa tuka ng ibon, loves..."

Natampal ni Joey ang noo. "God! Tuka lang ng ibon yan! Kayang itago ng make-up! Tuloy ang kasal, loves. Hintayin mo ako dyan. Mag-uusap tayo ng personal."

Halos lumipad si Joey patungo sa bahay ng nobya. Pagdating niya roon ay naabutan niyang nakaupo sa gilid ng kanyang kama ang umiiyak na si Regine. Nakatalikod sa kanya.

"Humarap ka sakin, loves... ngayon tayo mag-usap." Umiling lang si Regine.

"Loves... tuka lang ng ibon yan! Sige na... harapin mo na ako."

"Matatakot ka lang, Joey! Umalis ka na! Ayoko na! Umuurong na ako sa kasal natin!"

"For God sake! Walang makakapagpabago ng pagtingin ko sayo, Regine!"

Biglang humarap si Regine sa kanya. Napaatras siya! Gimbal na gimbal!

Ang buong mukha ni Regine... naaagnas!

"Ngayon, Joey... handa mo pa rin ba akong pakasalan?"

May naalala si Joey na nagbigay ng konklusyon kung bakit nangyari iyon sa mukha ng nobya. "A-ang ibong tumuka sa pisngi ni Regine... ibon yon ng ina ni Alyana!" usal niya sa sarili.

Takbong palabas si Joey!

Napahagulhol na lang si Regine. Oo ngat itinutulak na nitong palayo si Joey, pero mas masakit palang makita ang kusang pagtaliko ng minamahal.

Hindi tinalikuran ni Joey si Regine. Umalis siya upang magtungo kina Alyana. Halos hindi niya namalayan na nasa labas na pala siya ng pintuan ng mga ito.

"Nakikiusap ako... patawarin nyo na ako," samo ni Joey sa ina ni Alyana.

"Hindi lalaki! Magdusa ka!"

Binalingan niya si Alyana. "Alyana... parang awa mo na!"

Naging bingi ang mag-ina sa pakiusap ni Joey. Pinagsaraduhan siya ng pinto ng mga ito. Napaluhod n lang siya at napahagulhol.

Umuwing bigo si Joey, pero buo ang loob na nagpasya, "Tuloy ang kasal natin, loves," aniya kay Regine habang hawak sa magkabilang balikat.

"Oh, Joey..."

Araw ng kasal. Walang kamalay-malay ang marami sa nakalulunos na mukha ni Regine na ikinukubli ng makapal na asahar.

"You may now kiss the bride," anang pari.

Itinaas ni Joey ang asahar. Nangilabot ang lahat nang masaksihan ang mukha ni Regine na nooy lalong gumrabe ang pagkaagnas! Inuuod na ito!

Walang pangingiming hinagkan ni Joey ang naaagnas na mga labi ng babaing pinakamamahal.

Sukat doon ay...

"Nagbalik sa dati ang mukha mo, loves! Maganda ka na ulit!" bulalas ni Joey.

"Ha?" hinaplos ni Regine ang mukha. "Oo nga! Diyos ko! Salamat po! Maraming-maraming salamat po!"

Luhaan ngunit masayang nagyakap ang dalawa. Mahigpit. Punung-puno ng pag-ibig.

Ibat-iba ang reaksiyon ng mga tao. May pumapalakpak sa tuwa, may umiiyak...

Sa may pintuan ng simbahan, may pusong nagdurugo...

"Wala nang pag-asa ang pag-asam kong magbabalik ka sa piling ko, Joey... tinalo ng pag-iibigan nyo ang kulam ni ina," bulong ni Alyana habang luhaang nakatanaw kay Joey.

Humakbang palayo si Alyana. "Pero maligaya na rin ako dahil maligaya ka... mahal ko."