Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


Kondenado

Nagising si Zeny sa mararahang kalabit ng anim na taong gulang na anak na si Jimboy.

"Mommy... Mommy...!"
"Ungggh. Ano ba? Ba't nanggigising ka?" Ang totoo'y katutulog lang niya. Nang sulayapan niya ang alarm clock sa side table, pasado alas-dose pa lamang ng hatinggabi.

"Mommy, and'yan na sila. Darating na sila, Mommy."

"Ha? Sinong sila?"

"Yakapin mo ako, Mommy. Huwag mo akong ibibigay sa kanila. yakain mo ako!"

Ramdam ni Zeny na nanginginig sa takot ang kanyang anak. Hindi ito umaarte lang. Nan-lalamig ang buo nitong katawan.

kinumutan ni Zeny ang anak saka niyakap. "O, huwag ka nang matakot. Yakap ka na ng Mommy. O, yakap na kita.

Sumiksik sa dibdib ng ina si Jimboy.

Nagtaka si Zeny kung bakit umaakto nang ganoon ang kanyang anak. Magdadalawang linggo na niyang napapansin ang kakaibang kilos ni Jimboy na para bang lagi itong balisa pagsapit ng gabi. Parang may kinatatakutan. O, naninibago lang siguro ito dahil hindi sanay si Jimboy na malayo sa daddy nito.

"Mommy... huwag mo akong bibitiwan. Higpitan mo pa'ng yakap mo sa akin!"

"Relax. Ano ba'ng nangyayari sa iyo."

"Hayan na sila, Mommy. Darating na sila."

Tumayo ang mga balahibo ni Zeny. At bihirang mangyari iyon sa kanya. Nurse by profession, tatlong taon din siyang nakapagtrabaho sa ospital at hindi siya matatakutin sa mga multu-multu.

Iba noong gabing iyon.

Ginapangan ng kilabot ang buo niyang katawan at pakiramdam niya'y nasa gitna sila ng panganib ng kanyang anak.

Sa labas, lumakas ang ihip ng hangin. Lumusot ang hangin sa siwang ng bintana at pinaspas ang kurtina. Pagkuwa'y may mahihina pero sabay-sabay na mga katok sa bintanang salamin.

"Hayan na sila, Mommy..." ani Jimboy. "Nariyan na sila!"
Lalong humigpit ang yakap ni Jimboy sa ina.

Hindi malaman ni Zeny ang gagawin. Anong kababalaghan ang nasasaksihan nilang ito?

Mabilis na naabot ni Zeny ng isang kamay ang maliit na New Testament na nasa ulunan ng kama, sabay pikit nang maha-wakan iyon nang mahigpit.

"Diyos ko po. Lord Jesus, tulungan N'yo po kami. Huwag N'yo po kaming pabayaan. In Jesus name. Amen."

Naging payapa ang hangin. Dahan-dahang pumirmi ang tela ng kurtina na kanina'y nagmistulang layag ng bangka. Nawala ang tila sabay-sabay na katok sa bintana at pinto.

Saka napaiyak si Zeny. "Diyos ko, salamat po. Maraming-maraming salamat po."

Nasa Dubai ang asawa ni Zeny. Isa itong physical therapist at nagtatrabaho sa isang ospital doon.

Kalilipat lang ng mag-anak sa bagong bahay na iyon, na nasa isang bagong na develop ding subdibisyon. Isa sila sa mga unang-unang kliyenteng naka-avail ng mababang equity at amortisasyon na pang-engganyo ng developer.

Magtatatlong buwan pa lamang sila sa bahay na iyon nang dumating ang magandang balita. Makakaalis na ang mister niya patungong Dubai. Higit pa sa triple ang magiging sahod kumpara sa suweldo nito sa dating pinapasukan.

"Mukhang suwerte talaga sa atin ang bahay na ito sweetheart. Sa wakas, unti-unti naring natutupad ang mga pangarap natin," tila lutang sa ulap na wika ng mister niya.

Masaya si Zeny pero sakmal din ng takot ang isang bahagi ng puso. Kinabukasan na ang alis ng kanyang mister.

"Magiging good boy ka ro'n, ha?" bilin niya rito.

"Aba, siyempre naman. Para sa inyo ni Jimboy kaya magtitiis akong mapalayo sa iyo."

"Baka matukso ka sa iba?"

"Ah, 'yan ang hindi mangyayari. Wala na akong makikitang katulad mo... na super bait."

Hinayaan lang ni Zeny na naroon ang palad ng asawa. "Hindi ka kaya matuksong gumawa ng kalokohan gaya ng maraming OFW?"

"Ibahin mo ako."
"Siyempre, naiintindihan ko naman na katulad ng bilang lalaki, eh, meron kang pangangailangan paano pag...alam mo na.

"Nasa lalaki na 'yun. Pag may takot ka sa Diyos, pag mahal mo ang asawa mo, at pag takot ka sa STD, hindi ka papatol kung kani-kanino lang.