Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


´╗┐KUTOB

ANG mukha lang ng babae ang nakalabas mula sa pader. Sindak ang itsura noon. Halos lumuwa ang mga mata sa karumal-dumal na kamatayang biglang dumating. Nakalawit ang dila nito na marahil ay dala ng sobrang paghihirap bago nawalan ng hininga.
May kagat ng mga daga ang mukha sa pader. Ang buhok nito ay tila pugad ng ibon na pinamahayan ng mga ipis.
Ang katawan ng babae ay nakalubog sa loob ng pader na tila naging lungga kung saan ay ulo lang nito ang nakalabas.
Ini-off ni Aling Greta ang pinanonood nang maalalang tsitsekin nga pala niya ang ipinagagawa sa likod ng bahay.

"GRABE! Eh muubos na yata ang perang pampagawa ko nitong annex ng bahay, hindi n'yo pa rin natatapos! Hanggang kailan ba 'yan, foreman? Aabutin na ako ng mga bagyo sa kupad ng mga tauhan mo?" tungayaw ni Aling Greta sa foreman sa konstruksyon ng annex.
"Mga dalawang linggo na lang, misis. Kinulang kasi ako ng tauhan at yung mag-amang pinakamahusay kong mga karpintero ay umuwi sa probinsiya. Namatayan kasi ng kapamilya..." pinaliwanag ng foreman na si Mang Genaro sa mataray na babae.
"Aba, problema ko ba 'yun? Wala akong pakialam! Kahit mamatay pa silang lahat ay wala akong pakialam! Ang intindihin mo ay itong obligasyon mo sa akin at binabayaran kita!" nakapameywang at malakas ang boses na wika ni Aling Greta. "At ito ang tandaan mo, ha? Kapag sa loob ng dalawang linggo at hindi pa tapos 'yan, demanda ang aabutin mo!"
Pagkatapos noon ay walang lingon-likod na umalis ang babae.
Tiim ang mgs bagang na nasundan na lang ng tingin ni Genaro ang babae. Kung may tanggap nga lang sana siyang ibang trabaho ay hindi niya tatanggapin ang ipinagagawa ng ka-barangay dahil sa reputasyon nito na hindo magandang makitungo sa kapwa.
Lingid sa kanya ay narinig ng mga tauhan niya sa konstruksyon ang pakikipas-usap sa babae. Halo ang awa ng mga ito kay Genaro at ngitngit naman kay Aling Greta.
Samantala ay walang tigil sa kadadakdak si Aling Greta. Nang mamalengke ito at makita ang isang kakilala ay panay reklamo nito tungkol sa mga gumagawa ng bahay.
"Kungdi nga lang nagtitipid ako at may kaliitan ang singil sa akin ni Genaro, naku, e hindi ko siya kukunin. Napakabagal gumawa ng mga tauhan.
At masyadong puro konsiderasyon ang pinaiiral," anang babae sa kausap. "Pati 'yung tauhang namatayan e hihintayin pa sa halip palitan ng iba. Aba, e tama ba 'yun?"
Ang lahat ng paninira ni Aling Greta ay nakarating kay Genaro. Napailing na lang ang foreman. Ang katwiran nito, sa halip sayangin ang oras sa babae ay mas mabuting ibuhos na lang iyon sa ginagawang bahay.
Ilang araw makaraan ay dumating ang mag-amang karpintero. Bagamat nagluluksa ay kailangan anilang magtrabaho na at kailangan ng pera ng mga naiwang kaanak sa probinsiya. Nang malaman ng ng ito ang ginagawang panlalait si Aling Greta kay Genaro ay hiyang-hiya ang mga ito sa foreman lalo na si Mang Udong.
Mula rin nang dumating ang mag-ama ay naging prominenteng pigura na sa ginagawang bahay si Aling Greta. Nakapameywang ang isang kamay habang nag papaypay ng malaking abaniko ang isa. Taas din lagi ang kilay nito at walang tigil ang bibig sa kapupuna ng lahat na yatang maaaring makitang mali. Maging ang mga pako na naiwang hindi naitabi agad ay sinabi-sabi.
"Palibhasa ay hindi kayo ang bumibili kaya wala kayong pakialam! Matuto naman kayong magmalasakit!" pagbubunganga nito.
tiim ang mga labi at isinasara na lang ng mga trabahador ang mga tenga nila. Maging si Genaro ay pilit na nakikiusap sa mga tauhan na huwag na lang intindihin ang babae.
"Matandang dalaga kasi," paliwanag ni Genaro. "Pagpasensiyahan na ninyo." Iyon ay kahit ala ni Genaro na hindi naman porke dalagang matanda ay pases na para manlait ng kapwa.
Sa wakas ay natapos ang annex na ipinagawa ni Aling Greta. Sa kabuuan ay wala naman siyang maipintas dahil pulido ang trabaho nina Genaro. Pero nag-parting shot pa rin siya nang iabot sa foreman ang huling bayad sa lalaki. "Sa susunod ay matuto kayong gumawa nang mabilis. Kailangsn pa kayong bantayan para tumino."
Nagpanting ang tenga ni Genaro. Namula sa pagpipigil ng galit.
"Ang paggawa lang ng bahay ang binabayaran ninyo sa amin, Aling Greta. Hindi ninyo binabayaran ang dignidad namin para lait-laitin ninyo kami!" galit na dinuro ni Genaro ang matanda.
"Aba, 'ulanghiya ka pala, e! Kayo na ang binigyan ng trabaho... kayo pa ang walang utang na loob!" alakas na tungayaw ng babae na umagaw ng pansin ng ilang kapitbahay.
"Tama na, Genaro. 'Wag mo nang patulan ang babaing 'yan. Sayang lang ang panahon mo," ani Mang Udong, na iginaya ang foreman palabas ng bakuran ni Aling Greta matapos pukulan ng titig ang old maid.
"Mga walang utang na loob! Kayo pa ang mayabang e kungdi ko kayo binigyan ng trabaho, wala kayong makakain!" habol pa rin ng nakapameywang at nanggagalaiting si Aling Greta.
Bagamat malayo ang bahay kina Aling Greta ay nakararating pa rin kay Genaro ang mga pinagsasabi nito laban sa kanya. Paano nga ay iisang barangay lang naman ang tinitirhan nila.
"Inuubos ng matandang iyon ang pasensiya ko, ah? Hindi pa naman ako pumapatol sa old maid," himig pagbibiro pero inis na sabi ni Genaro kay Metring, asawa.
"Ikaw ang maysabi na hindi dapat patulan ang mga taong tulad niya. Wala kang mapapala dahil wala silang kuwenta," ani Metring.
Ilang araw pa ang lumipas. May dumating na magandang project si Genaro. Muli niyang tinawag ang mga dating tauhan kasama si Mang Udong at ang anak nito, na nakikitira sa isang kamag-anak malapit sa bahay ng foreman.
"Medyo malayo itong tanggap natin. Sa Cavite pa... pero malaking bahay kaya maganda ang ating kita. Baka abutin tayo ng tatlo hanggang apat na buwan kaya magpaalam na kayo sa pami-pamilya ninyo na bihira kayong makakauwi," kwento niya sa mga kasama.
"Hindi bale, Mang Genaro..." pakli ng isa. "Ang mahalaga ay pwede tayong magpadala ng pera sa kanila. Hindi baling malayo basta may pagkakakitaan."
"Naku, ang dasal ko na lang ay hindi katulad ni Aling Greta ang nay-ari ng gagawin nating bahay. Suko ako sa bibig ng matandang iyon," patawa ng isang latero.
Tawanan ang lahat.
"O, siya, siya... magsipaghanda na kayo at bukas ng umaga ay lalarga na tayo," pagtatapos ni Genaro sa usapan.
Mula nang umalis sina Genaro at ang grupo nito papuntang bagong proyekto ay marami ang nakapansin na hindi na naglalabas ng bahay si Aling Greta. Marahil, naisip ng mga kapitbahay, ay nalaman nitong wala na ang foreman na pariringgan. Ang totoo ay pikado na rin ang mga kakilala ni Aling Greta dahil nga sa masamang ugali nito.

NAGSUSUPERBISA sa construction site si Genaro nang hindi inaasahan ay dumating ang isang mobile na puno ng mga pulis.
Hinuhuli ng mga pulis ang foreman.
"Bakit ho? Ano'ng kasalanan ko?" gulat na tanong ni Genaro.
"natagpuang patay si Greta Carpio at ikaw ang sinasabing may motibo para gawin ang pagpatay," anang alagad ng batas.
"Wala akong kinalaman d'yan, boss!" tanggi ni Genaro.
Nabalewala ang pagtanggi ng lalaki dahil puwersahan na siyang dinala ng mga pulis. Naiwang tulala ang mga tauhan ng foreman. Hindi nila maubos-maisip kung paanong nasangkot si Genaro sa ginawang pagpatay gayong magkakasama sila sa project site.
Nagkaroon nga ng interogasyon. Inalam ang whereabouts ni Genaro sa panahong inaakalang pinatay si Aling Greta. Bagamat hindi napatunayang may kinalaman ang lalaki sa krimen, hindi pa rin ito pinakawalan.
Ang nakapagtataka ay ang paraan ng pagpatay sa matandang dalaga.
Binuhusan daw ng semento ang katawan nito at isiniksik sa pader ng ginagawang annex ng bahay. Ang ulo lang daw nito ang nakalitaw. Ang hinala ay buha pa si Aling Greta nang isimento ito sa pader. May pasak na basahan ang bibig nito at nakaplaster sa pisngi kaya hindi nakasigaw. Halata raw pinapak ng mga daga ang mukha ng babae. Hinala ring hinilamusan ng pagkain o matatamis na bagay ang ulo nito kaya umakit ng mga daga at mga ipis.
Ilang araw ng patay ang babae nang matagpuan. May lumaganap raw kakatwang amoy na sa bahay ni Aling Greta nanggagaling. Ilang kapitbahay ang tumawag ng mga tauhan ng barangay. Nang walang magbukas sa tawag ng mga ito ay puwersahang pinasok ang bahay ng matandang dalaga. At iyon nga, sa isang bahagi ng bagong pagawang annex ay nakita ang bangkay nito.
Inakala raw kasi ng mga kapitbahay na porke wala si Genaro ay tumigil na sa kalalabas ng bahay at kadadaldal ang old maid. Iyon daw pala ay patay na ito. At dahil si Genaro ang laging pinatatamaan ng mga pasaring nito at dahil na rin nakita ng ilang kapitbahay kung paano nagkasagutan ang dalawa sa araw na natapos ang bahay ni Aling Greta.
"Hindi porke sinagot ko siya ay ako na ang pumatay!" sabi ni Genaro matapos marinig ang kuwento ng asawa.
Iyak ng iyak ang babae. Dahil kilala nito ang ugali ni Genaro ay hindi rin ito naniniwalang magagawa iyon ng lalaki lalo pa nga't nang mangyari ang hinihinuhang araw ng pagpatay kay Aling Greta ay maaga itong natulog dahil madaling araw ang alis kinabukasan patungong Cavite.
Dahil kulang sa ebidensiya at sa rami ng mga nagpatotoong hindi maaring gawin ni Genaro ang krimen, pinakawalan ito ng pulisya. Gayunpaman ay nangako sa sarili si Genaro na tutulong alamin kung sino ang kriminal.
Nang magbalik sa construction site si Genaro ay natuwa ang mga kasamahan. Ang mga tauhang ininterbyu at nagpatotoo sa kredibilidad ng foreman ang higit na masaya. Anila, tiyak na maaabswelto si Genaro dahil mabuti itong tao.
"Alam kong pakakawalan ka nila," ani Mang Udong nang gabing iyon matapos niang kumain at nagpapahinga na.
"May batas pa rin naman sa bansa natin," ani Genaro.
"Oo. May batas. May batas para sa mabubuti at may batas para sa masasama," sagot ni Mang Udong.
Napakunot ng noo si Genaro. Biglang kinabahan.
Tinapik siya ni Mang Udong. "Tama lang kay Aling Greta ang sinapit niya. Patahimikin mo na ang isip mo. Hindi nila mahuhuli ang salarin. Dahil si Aling Greta mismo ang naghatak ng kamatayan niya," makahulugan pang sabi.
"Mang Udong..."
"Maatulog ka na, foreman. Andito lang ako pag may aapi sa iyo." Napalunok si Genaro. May kutob na sumundot sa dibdib niya. Isang kutob na kapag napatunayan niyang totoo ay maglalagay sa kanya sa isang alanganing sitwasyon.

Wakas