Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


´╗┐LAMANG LOOB

"Mang Wilfredo, hindi ka ba natatakot sa patay?" tanong sa embalsamador ng kapitbahay na tinedyer isang araw na makasabay niya ito sa paglalakad.
Kaya naman siya tinanong ng ganoon ay dahil bago pa lamang embalsamador si mang Wilfredo sa isang punerarya.
Kaya sabi nga niya sa sarili bilang pampalakas ng loob ay dapat na siyang masanay kasama ang mga patay.
"Lakasan lamang ng loob iyan," aniya, "mas matakot ka sa buhay dahil pwedeng pumatay."
At mas nakakatakot magutom sa panahong ito na bagsak ang ekonomiya at walang mapasukang trabaho.
Hindi man aminin ni Mang Wilfredo, para na lang baboy kung biyakin niya ang katawan ng tao. At tanggalin ang dugo nito at mga lamang-loob.
May pagkakataon ngang naitatanong niya sa sarili kung umurong na nga ba ang lahat ng kilabot at takot sa katawan niya? Kung wala na ba siyang pakiramdam at manhid na sa nakakakilabot na tanawin.
"Hindi kaya bumangon ng mga ito?" minsan ay tanong ni Mang Wilfredo sa mga kasamahan.
"Lagyan mo ng asoge, ewan na lang kung hindi gumlaw," biro ng kasama niyang tagagawa ng kabaong.
Sila-sila ay nagtatakutan. "Hala, nakadilat yata ang mata nu'ng isa."
Nagawa na ring magbiro ni Mang Wilfredo. "Tingin ko nakalawit ang dila."
Isang matandang lalaki ang namatay diumano sa isang misteryosong sakit ang kailangan munang ma-awtopsiya bago isilid sa kabaong.
Ang awtopsiya o post-mortem na eksaminasyon sa bangkay ay isang paraan para malaman kung ano talaga ang sanhi ng ikinamatay ng biktima. Isang doktor o pathologist ang dapat magsagawa ng pagsusuri.
"Importante rin sa pag-aaral ng medisina na matuklasan kung ano talaga ang sanhi ng ikinamatay ng pasyente para hindi na maulit ang mga pangyayari," sabi ng doctor.
Kay Mang Wilfredo naman, gusto lang talaga niyang gawing eksperimento ang patay na katawan ng tao.
Hindi nga ba't may mga estudyante pa ng medisina ang bumibili ng ilang parte ng katawan meron lang pag-aralan.
"Bos, hintayin ko na," pakiusap ni Mang Wilfredo sa doktor. "Pwede ho bang pumasok?" Bawal talaga sa loob pero napapayag niya ang mga doktor.
Malikot ang mga mata ni Mang Wilfredo. Malamig Pero nanlalagkit siya sa pawis sa loob ng silid o autopsy room. May nakapaskel pa doon na nakasulat sa salitang Latin na kung isasalin: Ang lugar na ito ay lugar kung saan nagbubunyi ang mga patay para tulungan ang mga buhay.
Ang labo naman yata. Ano ito, pakonsuwelo de bobo? Na matapos butingtingin ang labas at loob ng katawan ay magagawa pang magsaya ng mga patay?
Kalokohan!
Nagmamasid lang si Mang Wilfredo sa tiyak na kilos ng mga doktor. Gusto sana niyang tumulong, maging diener o tagabaligtad ng katawan ng patay o alalay, pero pinili niyang tahimik na magmasid na lang sa isang gabi.
Una ay ineksamin ng mga doktor ang katawan ng bangkay. May gamit slang scalpel na may marka ng pansukat sa talim.
Kasunod niyon ay biniyak ang katawan ng bangkay ng hugis Y na panghiwa, biniyak mula sa balikat, sa dibdib, pababa. Matapos iyon ay nakita niya kung paano biyakin ang ulo pababa sa likod ng tainga. Wala naman siyang nakitang pagdurugo dahil wala ng blood pressure ang bangkay. Mula sa bungo ay biniyak din ang dibdib pababa ng tiyan kung saan naroroon ang mga lamang-loob.
Ang pangit pala ng loob ng katawan ng tao, naisip ni Mang Wilfredo. Kung hindi siguro nababalutan ng balat ang katawan ay nakaksukang tingnan.
Pero humanga rin siya kung paanong ang bawat bahagi ng lamang-loob na iyon ay gumaganap ng mahahalagang tungkulin sa kabuuan ng katawan ng bawat indibidwal.
Nangilo si Mang Wilfredo nang lagariin ang bungo ng bangkay para hiwain ang buto. Iniiwasan ng doktor na kumalat ang malalambot na bahagi o soft tissue. Masilan ang pagsusuri dito.
Kung nasasaktan nga lang ba ang bangkay ay tiyak na aangal sa sakit. Kung anu-anong uri ng talim, scalpel, kutsilyo, lagari ang ginagamit sa pagbiyak ng iba't ibang parte ng katawan. Nakakadiri ang eksena lalo pa't inilalabas na ang mga lamang-loob, na ang una ay ang malaking bituka.
Sa gawing dibdib ay sinusuring maige ang puso at baga.
"May bakterya siguro sa dugo," anang isang doktor matapos kumuha ng sampol na dugo sa puso. "Dalhin ninyo ito sa laboratoryo para masuri," ang utos sa katabing attendant. Ang daming seremonya. Maging ihi, likido sa atay, o luha ay susuriin din.
"Malalaman natin kung may nakalasong kemikal o anumang impeksiyon."
Nakita rin ni Mang Wilfredo kung paano timbangin ang mga lamang-loob. Nalalaman din sa pagsusuri sa patay kung nakainom ng alak o hindi.
Matapos ngang biyakin ay ibinalik na ang tadyang at iba pang buto sa bangkay, may mga lamang-loob na ring iniwan sa labas ng katawan para sunugin. Ang iba ay dadalhin sa laboratoryo para pag-aralan.
"Sige ipadala na iyan sa punerarya," utos ng isang doktor, patungkol sa bangkay na inalisan ng lamang-loob.
Doon lang kumilos si Wilfredo na medyo pinagpawisan ng malapot sa mga nasaksihan. Gutay-gutay na ang katawan at lamang-loob ng bangkay bago pa man isilid sa kabaong. Mabuti nalang at itinira ang mata. Kalimitan kasi sa bangkay na nakikita niya ay uka na ang mga mata.
Sa una ay hindi kayang unawain ni Mang Wilfredo kung bakit kailangan pang pag-aralan ang patay. Patay na nga , hindi ba? Lalo pa't may mga kaanak na nakadiskubre sa pagkawala ng mga lamang-loob.

"Hindi na sila naawa, patay na pinatay pa," mabigat ang dibdib na sambit niya. Pinahirapan na raw ng sakit ang matanda noong nabubuhay pa, ngayon ba namang patay na ay pinahirapan pa.
"Misis, wala hong pananagutan ang kahit na sino dahil pumirma kayo sa autopsy permit,"paliwanag ng in-charge sa awtopsiya na pinagreklamuhan ng biyuda ng matandang lalaki.
Wala na nang nagawa ang asawa ng patay kundi ang umiyak ng umiyak.
Noong una ay kontra talaga sa proseso ng awtopsiya si Mang Wilfredo.
"Para tuloy hayop na lang ang tao," ang naiiling na sabi niya habang nakikipagpalitan ng kuru-kuro sa mga kasamahan sa punerarya.
Napangisi lang ang tagagawa ng kabaong na si Mang Boyet. "Pare, kailangan iyon lalo na't hindi alam ang dahilan ng ikinamatay."
Halimbawa raw sa panahon ng operasyon ay biglang nalagutan ng hininga ang pasyente, sa awtopsiya ay malalaman kung may kapabayaan ang mga doktor.
"Pero kapag matanda na, palagi naman na sakit sa puso o alta presyon ang madalas ikamatay Kaya hindi na dapat pa ng awtopsiya," pakli pa ng isang kadamahan na embalsamador ni Mang Wilfredo.
May dahilan pa rin si Mang Boyet, base kasi sa tagal ng serbisyo nito sa punerarya ay natamo na itong alam. "Paano kung may foul play?" sabi pa nito.
"Foul play?" tanong ng naguguluhang si Mang Wilfredo.
"Oo naman. Puwedeng sinadya o nilason. Sa autopsy report ay mahuhuli agad ang dahilan," mabilis na sagot ni Mang Boyet.
Iyon naman daw huling matandang ipinasok sa klinika ay namatay sa misteryosong sakit. Dapat daw malaman sa medisina kung may banta iyon sa seguridad at kalusugan ng mga tao.
"Buti pa ang ibang relihiyon, ibang klase ang pagrespeto nila sa kanilang patay kapag nalagutan ng hininga. Pinapatahimik na nila. Iyong iba nga ibinabalot na lang sa banig diretso na sa lupa," sabi pa ni Mang Boyet.
"Kung diretso na agad sa lupa, di inalisan mo tayo ng trabaho," sambit ni Mang Wilfredo. Nagkatinginan ang mga embalsamador. May natawa at nagkamot ng ulo.
"Oo nga, 'no?" halos sabay- sabay pa nilang sabi.
Sa araw na ito patibayan na naman ng sikmura. Limang bangkay ang dumating at kailangang emblsamuhin. Sa una lang naging mahirap at kasuka-suka kay Mang Wilfredo ang lahat. Kalaunan ay tanggap na niya ang nga kalakaran sa kanyang trabaho.
Mas hindi niya masisikmura na mamatay ng dilat ang pamilya sa gutom.
Trabaho kang, walang takutan.
Nagagawa na rin niyang biruin ang patay. "Hoy, Kasmot! Namatay ka raw sa ligaya." Isang lalaki kasi ang inatake sa puso sa panahong kasama ang isang babae.
Nagagawa na rin niyang intrigahin ang mga doktor. "Naka, may tulog ang doktor nito, nagkamali ng turok sa pasyente."
Akala raw kasi, ang ikinamatay ng pasyente ay atake sa puso. Iyon pala ay nag-react ang kemikal na itinurok sa katawan ng pasyente. "Isa na naman itong kaso ng medical malpractice."
Napangisi ang isa pang embalsamador.
"Kaya 'yung ibang mga doktor ay pumipirma na agad at nagdedeklara ng cause of death huwag lang masilipbna may palpak sa gamutan."
Aminado si Mang Wilfredo, habang tumatagal ay marami siyang natututuhan.
Isang bangkay naman na matapos sumailalim sa liver operation ang imbes na madagdagan ang buhay ay lalong napadali iyon.
"Paano hindi matitigok eh infected pala ang atay ng donor." "Magbibigay lang ng atay ay sura naman pala," nadinig ni Mang Wilfredo n sabi ng in-charge sa awtopsiya.
Alam din iyon ng iba niyang kasama. "Eh, iyong iba ngang nagdo-donate ng dugo, may sakit sa dugo."
Ang dami nga naman kasing dugo ang hindi nasuring mabuti na may impeksyon ng HIV. "Imbes na makatulong ay dinodoble pa ang sakit ng pasyente," Pailing na sambit ng lalaki.
"Eh hindi ba naman at sinusuri munang mabuti ang mga organ bago isalin sa pasyente. Dumaraan sa testing at compatibility," pakli ng isang assistant na mahilig mag-basa ng mga medical books.
"Kahit na. Marami rin kasi ang pabaya at ang tinitingnan ay pera kaya nagkakaroon ng ganyang mga problema. Hindi lahat ng nasa propesyon ay mga responsable sa mga tungkulin nila," saad ng isa pa.
Nakakakita rin si Mang Wilfredo ng iba't ibang drama. May mga naglulupasay. Umaatungal. Hinihimatay. At may mga pagkakataon nga na nakikiiyak na rin siya.
Isang gabi iyon na nag-iisa si Mang Wilfredo sa morgue ay isang babaing sabukot ang buhok ang lumapit sa kanya. Halos malaglag na ang balat niyon sa duyan ng kulubot.
"Lalaki, pakiusapan mo ang mga doktor na huwag nang alamin kung bakit namatay ang asawa ko."
Kita ni Mang Wilfredo ang pagiging mailap ng mga mata ng babae. Parang may gustong itagong krimen.
"Misis, sa lahat ho ng asawa ng biktima ng foul play, kayo lang yata ang ayaw malaman ang dahilan ng pagkamatay ng asawa nyo?" Gusto tuloy niyang maghinala. Matalim tumingin ang babae. "Alam ko ang dahilan. Baka kapag kayo ang nakaalam, magsisi pa kayo at hinangad ninyong malaman ang katotohanan."
Kinilabutan si Mang Wilfredo.
Masyadong mahiwaga ang babae.
O baka may sayad.
Iginigiit ng babae na lubayan na ang bangkay.
Ilang tao kasi ang nagdala sa bangkay na ito sa ospital, at ang sabi ay bigla na nga lang daw itong nalagutan ng hininga. Hindi mapirmahan ng doktor na tumingin ang certificate of death dahil walang maideklarang sanhi ng kamatayan.
Kapag ganitong kaduda-duda, awtoridad na ang nagpapasya. Hindi na kailangan ng prima ng kahit sino pang kaanak. Ipinaa-autopsy talaga.
"Kailangan ho talagang malaman kung may foul play na naganap, kung tinamaan ba ng bala ang pasyente, kung sinakal, Nilsson, o kaya ay kinuryente," paliwanag niya sa babae.
Bakas ang galit sa mukha ng babae. Isang uri ng ekspresyon ang nakita rito ni Mang Wilfredo na hindi niya kanyang ipaliwanag.
Bumubulong ito sa lengguwaheng hindi niya maintindihan.
Nakadama ng pagkahilo si Mang Wilfredo. Para siyang inuugoy na iniikot na hindi niya maintindihan.
Nakarinig siya ng mga yabag. Padating na ang mga doktor. Bago pa man siya nakaporma au naitakas na ng babae ang bangkay. Ang bilis. Iglap lang.
Ito lang ang sinagot ni Mang Wilfredo nang hanapin sa kanya ng mga doktor ang bangkay. "Itinakas ng asawa."
Agad naitimbre sa guwardiya ang pagtakas sa bangkay.
Ni wala ngang Maka pag sabi kung saan dumaan ang babae. Maging ang guwardiya ng ospital ay nagtataka. "Wala naman ho akong nakitang dumaan dito."
Wala talaga. At hindi nila maubos-maisip kung saan talaga idinaan ng babae ang asawa nito nang gayong nabili, dahil nag-iisa nga lang ito.
Wala nang ibang lagusan liban sa daraanang may guwardiya naman. Alangan lamang sa bulong dumaan. Ano 'yun? Lumipad? Na lalong imposible.
Hindi pinatulog si Mang Wilfredo ng mga isipin ng gabing iyon, at ng mga sinundan pang mga gabi.
Dahil ngayon lang nagyari na natakasan siya ng bangkay na kargo niya. Natakasan siya at hindi naman niya alam kung paano.
Parang nakadikit sa isip niya ang mahiwagang tingin ng babae.
Ang takot sa mata.
Ang galit.
Ang pagsasalita niyon ng mga lengguwaheng hindi niya naintindihan.
Ang paghigop sa kanyang kamalayan.
Nanlalamig si Mang Wilfredo hanggang sa mga oras na ito. Para bang sa saglit na pagkalingat niya ay isang libong misteryo ang nakawala sa kanya.
Ang babaeng nakita niya kanina ay anino ng dilim.
At ang bangkay na itinakas niyon ay larawan ng lagim.
Ipinilig-pilig ni Mang Wilfredo ang ulo.
Ngayon pa ba naman siya matatakot ganitong ubos na ang takot sa katawan niya? Kaya nga siya nag-leave ng ilang araw ay para bumawi ng lakas, hindi para manghina sa pananakot at pag-iisip ng kung anu-ano.
"Pare, alam mo bang nagkakawalaan ngayon ng mga lamang-loob," sabi ng kasamahan niyang embalsamador nang muli siyang bumalik sa funeral home.
Napakibit-balikat lang si Mang Wilfredo. "May bago pa ba? Dati na namang isyu iyan. Pati nga mga fetus ay nagkalat na sa basurahan at kung saan-saan na lang iniiwan."
Ano pa nga ba ang kataka-taka?
"Pero iba ito, Pare!" giit ng kausap. "Hindi mo ba alam, na nagpa-panic ngayon sa ilang ospital. Iyon daw mga dinadalang bangkay sa morgue, hindi pa man binibiyak ang katawan wala na ang mga lamang-loob."
Iba nga.
"Baka naman kinain ng aswang!" tatawa-tawa siya sa sariling biro.
Napapilantik ang kasama. "Iyon na nga."
"Naniniwala ka?"
"Saan?"
"Sa aswang?" Hindi siya sinagot ng lalaki sa kanyang tanong. Pero alarmado ito nang muling mangusap. "Pare, kung nakita mo lang na ubos ang mga lamang-loob, na para talagang dinukot... siguro ay hindi mo na magagawang magbiro."
Ayaw niyang makipagtalo.
Nang araw na iyon ay sunud-sunod ang mga bangkay na ibinababa sa karo.
"Hindi na raw kailangan ng awtopsiya, hindi na rin kailangan ang embalsamo," sabi ng ahente ng punerarya.
Sabay pa silang nagtanong. "Bakit?"
Umiling ang ahente ng punerarya. "Wala na kasing lamang-loob nang matagpuang-patay!"
Ang gapang ng kilabot. Ang daming bakit, pero walang sagot.
Patang-pata ang katawan nina Mang Wilfredo nang araw na iyon. Mas nakakapagod pala ang mag-isip Kaya ano pa mang trabaho.
"Uuwi muna ako. Para akong lalagnatin," nagpaalam ang kasama niya.
Tumango lang si Mang Wilfredo. Siya man kasi kung maaari ay gusto nang umuwi at makapagpahinga.
Pero isa pang bangkay ang hindi niya nagagalaw.
"Kung ako sa iyo, embalsamuhin mo na iyan," anang tinig ng isang babae mula sa kanyang likuran.
Nang lingunin niya, nakita niya ang babaing may laglag na balat at tingin na parang laging nanghihigop ng lakas.
Ito ang babaing nagtakas sa bangkay!
"S-sandali lang..." sabi niya.
Bigla siyang tinalikuran ng babae.
Kung gaano ito kabilis dumating ay ganoon din itong kabilis nakatalilis.
Kumabog ang dibdib ni Mang Wilfredo. Nakadama siya ng takot.
Awtomatiko siyang napatingin sa bangkay ng matandang lalaki na eembalsamuhin. Hindi pa rin ito nangingitim at tila malambot pa.
Muli niyang hinanap ng paningin ang babae na kani-kanina lang ay nasa harap niya. Wala na talaga ito.
Atas ng tungkulin bilang embalsamador ay inihanda na ni Mang Wilfredo ang mga gamit. Gamit ang kaalaman at kilos na ginaya sa isang doktor ay biniyak niya ang katawan ng bangkay.
Umalingawngaw ang sindak na sigaw ni Mang Wilfredo sa kisame at dingding ng morgue.
Sa tanang buhay ni Mang Wilfredo ay ngayon lang siya nasindak nang ganito!
Sobrang sindak!
Dahil umaapaw sa lamang-loob ang katawan ng bangkay. Kung ilang puso, apdo, atay, lapay ang nakita niyang nagsiksikan sa loob niyon. Tila ito isang masibang aswang na namatay at nabilaukan sa dami ng kinain na lamang-loob.
Patakbong lumabas si Mang Wilfredo mula sa lugar na iyon. Habol siya ng guwardiya na ang tingin sa kanya ay nasisiraan ng bait.

Wakas