Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


LUMANG GUSALI

Ang bilin ni Plinky sa kanyang personal driver ay alas dose ng tanghali siya sunduin sa ospital kung saan siya nagbantay sa nakaratay na ama. Mula kasi roon ay magpapahatid siya sa kanyang opisina na nasa Ortigas.
Pero malapit na siyang mainis, mag-aalauna na kasi ng hapon ay wala pa rin ang kanyang drayber. Ilang beses na niya itong sinubukang tawagan Pero unreachable ang laging isinasagot ng computerized voice message sa kanyang tawag.
Lampas alauna ng hapon nang makita niyang padating ang kanyang BMW.
Pagtapat kay Plinky ay agad bumukas ang pintuan ng backseat ng kotse. Napaurong siya nang biglang iluwa noon ang hindi niya kilalang lalaki. Agad siyang hinaltak nito papasok ng sasakyan. Walang saysay ang pagpupumiglas niya dahil aged nawala ang kanyang Malay nang takpan ng panyo ang kanyang ilong.
Paggising ni Plinky ay wala siyang makita. Nakapiring ang kanyang mga mata at nakabusal pa ang bibig. Balikwas siyang bumangon. Nanginginig ang kanyang kalamnan nang maalaala ang nangyari. Dinukot siya! Pero sino?
Involved kaya ang kanyang personal driver dahil nakasakay sa BMW niya ang kidnaper? Pinakiramdaman ng dalaga ang buo niyang katawan. Kami ng pasalamat niya nang matiyak na hindi siya pinagsamantalahan. Ang masakit lang sa kanya ay ang mga bisig at paano niyang mahigpit na nakagapos.
Sa sitwasyon niya, imposibleng makatakas siya o makahingi man lang ng tulong. Pinagpawisan ng malapot si Plinky. Sa laki ng mamanahin niya sa kasalukuyang nakaratay na milyonaryong ama, hindi nakapagtatakang marami ang magtatangkang kidnapin siya— tulad ngayon!
Nakarinig siya nang mga papalapit na yabag. Muli siyang humiga at nagtulug-tulugan. "Hindi pa nagkamalay ang babae Tasyo," narinig niya ang boses ng isang matandang babae.
"Okey lang, Isang. Tamang-tama na paggising niya ay kumukulo na ang tubig sa kawa," ang wika naman ng tinig ng isang matandang lalaki.
Nagtaka ang dalaga.
Bakit nagpapakulo sila ng tubig?
At bakit boses matanda ang lalaki gayong hindi naman katandaan ang dumukot sa kanya kanina?
Marahil mag-asawa ang Tasyo at ang Osang na ito. Sila siguro ang mga kakutsaba ng kidnaper.
"M-may dumarating na sasakyan, Tasyo!"
"Dali! Gisingin mo at alisan ng piring ang babae nang mabilis ang paglalakad n'yo! Doon natin sila dalhin sa pinakadulong silid!"
Sila?
May kasama pa pala siyang kinidnap din ng mga ito!
"Gising!" anang matandang babae sabay sila kay Plinky kung kaya nalukot ang mukha niya sa sakit.
Mahilu-hilong tumayo si Plinky. Napangiwi siya sa mahigpit na pagkakahawak ni Osang sa kanyang braso. Agad na inalisan siya nito ng piring at inakay na palabas ng silid.
Kumurap-kurap si Plinky habang inia-adjust ang mga mata sa paligid.
Tumambad sa dalaga ang inaagiw na sa kalumaang gusali. Sa hitsura nito, hindi maipagkailang natupok ito noon ng apoy.
Natuon ang pansin niya sa umaakay na so Osang. Puting-puti na ang mahaba't gulung-gulong buhok nito. Bakas sa katandaan ang pinagdaanan nitong hirap sa buhay. Mababa lang ito at isang maliit na babae.
Si Tasyo naman ay mataas at may katikasan ang pangangatawan. Kahit matanda na ay tila kaya pa nitong pasanin ang napakalaking sako ng bigas.
May naaamoy siyang malansa na tila nanggagaling sa katawan ng dalawang matanda. "Diretso lang ng lakad!" mariing utos ni Osang.
"Huwag kang lingon nang lingon!"
Naglalakad sila sa mahabang hallway ng second floor. Sa ibaba, sa gitna ng pinakabulwagan ay may pinapakuluang malaking kawa ng tubig. Sa lumulusot na liwanag mula sa sira-sirang bintana, nahinuha ng dalaga na papalubog na ang araw.
Ipinasok siya sa isang silid. Inilapag ni Tasyo sa tabi niya ang malaking sako. Pagkatapos ay muling itinali ng lalaki ang kanyang mga kamay at paa. Sa pagmamadali ay itinali nito ang mga kamay paharap sa kanyang katawan.
"Tama na'yan! Nandiyan na sila!" ang sabi ni Osang kay Tasyo. "Harangin natin sila!" Nagmamadaling umalis ang mag-asawa. Nakalimutan ni Tasyo na muling busalan ng panyo ang bibig ng dalaga.
Ang magre-rescue kaya sa kanya ang mga dumating?
Napakislot si Plinky nang may marinig na parang umuungol sa loob ng sako. Bahagya niyang sinipa ito. Kinabahan siya nang gumalaw ang laman ng sako. Tiyak niyang hindi bigas ang laman nito.
Hayup kaya ito na siyang iluluto ng mag-asawa kaya sila nagpapakulo ng tubig sa kawa?
O ito ang isa pang kinidnap nila?
Walang inaksayang sandali ang dalaga. Itinaas niya ang mga braso at kinalag ang tali sa mga kamay sa pamamagitan ng kanyang mga ngipin. Ilang sandali pa ay nakalag na rin ng dalaga pati ang tali sa kanyang mga paa.
Agad niyang kinalag ang tali ng sako. Pero pansamantala siyang natilihan nang marinig ang boses ng mga dumating. Tila kilala niya ang isa sa mga boses na iyon.
Tumakbo siya sa bintana at sumilip.
May nakaparada nang pick-up sa labas ng gusali. Nag-uusap naman sa tapat ng main entrance ang dalawang lalaki.
Napatda si Plinky nang mamukhaan ang isa. Ito ang dumukot sa kanya! Lalo pa siyang nagulat ng makilala ang kasama nito!
Si Rex! Ang kanyang nobyo!
Napahugot siya ng isang malalim na buntonghininga. Nayanig ang kanyang utak sa mga isiping naglalaro roon.
"Sa unang silid sa second floor namin dinala ni Dodi si Plinky, Boss Rex."
"Sigurado ba kayo ng kaibigan mong si Dodi na walang nakakaalam sa lugar na ito, Max?"
"Tiyak 'yan, bosing! Malayo ang lugar na ito sa kabahayan. Wala na ring dumadayo rito simulation nang matupok ito ng apoy twenty years ago. Dati raw itong pagawaan ng ilegal na droga. Nang ni-raid daw ito ng mga pulis ay pinasabog na lang ng mga miyembro ng sindikato bago nila ito nilisan."
"Hindi ka 'kamo tagarito pero ang dami mong alam..." narinig niyang sabi ni Rex.
"Si Dodi ang tagarito. Malaki ang utang n loob niya sa akin kaya hindi na siya nakatanggi nang kutsabahin kong maghanap ng tagong lugar," pagmamalaki ni Max. "Siyanga pala, sabi mo'y may balak na kayong magpakasal ni Plinky... ba't mo pa siya pinakidnap?"
"Nalaman ko sa isang reliable source na ipinalagay sa testamento ng kanyang ama na mapupunta ang lahat ng mamanahin niya sa kawanggawa maliban sa mansion pag ako'ng pakakasalan niya!"
Parang kandilang naupos sa kinatatayuan ni Plinky.
Tama pala ang hinala ng kanyang daddy na pera lang ang habol sa kanya ni Rex. Kaya pala ganoon na lamang ang paghadlang nito sa kanilang relasyon.
Agad namang nakabawi sa paghihinagpis ang dalaga. Hindi niya dapat pag-aksayahan ng luha ang sakim na tulad ni Rex!
Dali-dali siyang lumabas ng silid. Kailangan niyang matakasan ang mga taong ito! Tiyak na magkakagulo ang mga ito dahil nais silang i-double cross ng mag-asawang Tasyo at Osang! Hinintay muna niyang makaakyat ng second floor sina Rex bago siya patakbong sumalisi at bumaba ng hagdan.
Malapit na sana siya sa main door nang bigla siyang dakmain ni Tasyo at kaladkarin papasok sa isa pang silid.
"Hindi ko papayagang makawala ang tulad mong primerang klase!" pangising sambit ng matanda.
Nangilabot ang dalaga sa nakikitang pagnanasa sa tila nagbabagang mga mata ng matandang lalaki. Naamoy pa niya ang nakakasulasok na hininga nito.
Nang magtangka siyang maglaban ay sinikmuraan siya ni Tasyo bago iniwan sa silid. Napasukan pa ni Osang na namimilipit si Plinky at hinang-hina dahil sa lakas ng suntok ng matandang lalaki.
"Kumukulo na ang tubig, ineng..." makahulugang ngiti ni Osang. Tumakam-takam pa ito. Lumabas tuloy ang marurumi't nanumulang ngipin ng matandang babae.
Napahumindig si Plinky. Ngayon niya nakitaan ng kakaibang panganib ang babae. "Ididispatsa muna ni Tasyo ang naghahanap sa'yo bago... ikaw!" wika nitong tumulo pa ang laway sa pisngi ni Plinky samantalang ang mahahaba't matutulis na mga kuko ay bumabaon na halos sa mga bisig ng dalaga.
Sa sindak ay napatili na si Plinky. Mas pipiliin pa niya sina Rex kesa sa mag-asawang ito na hindi niya tiyak kung anong klaseng mga nilalang!
"Tumigil ka!"
Tinakpan ni Osang ng palad nito ang bibig ni Plinky.
Ubod-lakas naman itong kinagat ng dalaga. Namilipit sa sakit ang matandang babae. Kasabay noon ay pumasok sa silid ang isa pang lalaking may sugat sa noo.
Ito ang binalingan ni Osang.
Nilundag ng matanda ang lalaki at sinikap na kagatin sa leeg.
Nagpambuno ang dalawa. Hindi iniinda ni Osang ang malalakas na suntok ng lalaki sa tagiliran nito. Daig pa nito ang tuko kung yumakap na hindi siya makalas-kalas ng lalaki sa katawan. Daig pa ni Osang ang gutum na gutom at umaatungal na leon. Nang magsawa ay buong lakas na lang na inuntog nang lalaki ang katawan ni Osang sa pader na dingding. Paulit-ulit iyon hanggang sa kusang bumitaw ang matandang babae. Bumagsak ito sa sahig. Bagok ang ulo at nawalan ng buhay.
"Tatakas tayo!" nagmamadaling kinalagan ng lalaki si Plinky. "Mas mapanganib si Tasyo kesa kay Osang!"
"S-sino ka?"
"Si Dodi! Ako'ang pinag-iwanan sa'yo ni Max! Hindi ko akalaing dito na pala nakatira ang mag-asawang iyon! Pinali ako sa ulo ni Tasyo bago ako isinilid sa sako! Mabuti na lang at nakalag mo na'ng tali ng sako bago ka umalis kanina!"
Pumiksi si Plinky nang hawakan ng lalaki. "A-ayokong sumama sa'yo! Kasabwat ka nina Rex!"
"Hindi ako masamang tao, miss! Tumanaw lamang ako ng utang na loob kay Max kaya kita itinago rito!"
Napilitang sumama ang dalaga kay Dodi. Padilim na ang paligid nang lumabas sila ng gusali. Hindi pa sila gaanong nakalayo nang makarinig sila ng mga nakakapanghilakbot na sigaw at sunud-sunod na putok ng baril.
"Tuloy lang ang takbo, miss!" utos ni Dodi. "Hindi natin alam kung napatay nina Rex si Tasyo!"
"Sino ba'ng Tasyo na'yon at gano'n na lamang ang takot mo ro'n!"
"Mga aswang sila. Sila ang mga bantog na aswang sa lugar na ito!"
"Hindi ako naniniwala sa aswang!"
"Ako rin! Pero nabago 'yon nang maengkwentro ko si Osang!"
Lalong binilisan ng dalaga ang pagtakbo at baka nga totoo ang haka-hakang iyon tungkol sa mag-asawa!
Puro batuhan ang kanilang dinadaanan. Hapding-hapdi na ang talampakan ni Plinky dahil sa mga natamong sugat. Sa sobrang nerbiyos at pagmamadali ay hindi na niya alam kung saan naiwan ang kanyang sandals.
Tumigil lang sila sa pagtakbo nang makalabas na sila sa mga kakahuyan. Hapung-hapo na bumagsak si Dodi sa maalikabok na daan.
"H-hindi ko na kaya, miss... maraming dugo na'ng nawala sa akin." anito sa bahaw na tinig.
Napansin ni Plinky na hinabol ng lalaki ang hininga sakay luminga sa isang direksiyon. "Nakita mo ba ang mga ilaw na'yon? Mga kabahayan 'yon... humingi ka ng tulong doon... bilisan mo'ng pagtakbo at baka sumusunod sa atin si Tasyo o kaya ay sina Rex!"
"H-hindi kita pwedeng iwan dito, Dodi..."
"Balikan n'yo na lang ako agad dito kapag nakahingi ka ng ruling! Sige na!"
Hindi niya maiwanan si Dodi at nag-aalala siya sa kalagayan nito pero kailangan niyang magpasya. Matulin siyang tumakbo patungo sa mga bahayan.

Isang linggo nang nakabalik ng Maynila si Plinky. Inilihim na lamang nila sa nakaratay na tama ang nangyari sa kanya.
Napatunayang hindi kasabwat nina Rex ang driver niya. Bugbog sarado itong iniwan sa parking lot ng ospital.
Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring linaw kung buhay pa o patay na sina Rex, Max at Tasyo. Mga bakas na lamang ng dugo at basyo ng mga bala ang nakita ng mga pulis sa lumang gusaling iyon. Maging si Osang at ang malaking kawa ng tubig ay hindi na rin nakita roon.
Mga bakas na lang din ng dugo ang nakita ng mga nagrespondeng tanod sa pinag-iwanan ni Plinky kay Dodi.
Naalimpungatan sa pag-iisip ang dalaga nang pumasok ang kanyang sekretarya.
"May isang lalaking dumating dito, ma'am. Ang pakiusap sa akin ay ipakiabot ko ito sa inyo. Dodi raw ang pangalan niya," anang sekretarya at Inabot kay Plinky ang isang puting sobre.
Tinanggap ni Plinky ang sobre at binuksan.
Binasa niya ang maikling liham na laman nito.
Tumakas ako't nagtago sa takot na madamay sa kaso ni Rex at Max. Pero nagulat ako at natuwa nang mabasa ang deklarasyon mo na ako ang nagligtas sa'yo mula sa mga kidnaper. Isang mahalagang aral ang natutunan ko mula sa iyo: na ilagay sa tama ang pagtanaw ng utang na loob. Maraming salamat, Miss.

Napangiti ang dalaga. Lalong gumaan ang kanyang pakiramdam dahil alam niyang buhay si Dodi.
Isang aral din ang natutunan niya sa nangyari; na dapat sumunod lagi sa payo ng mga magulang dahil ito ay laying sa ikabubuti ng anak.

Wakas