Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


MA LAGIM

Umalingawngaw sa katahimikan ng kabundukan ang isang putok. Galing iyon mula sa riple ng isang mangangaso. Bumagsak sa damuhan ang inasinta nitong unggoy.
Hindi napuruhan ng mangangaso ang unggoy. Paika-ika itong tumayo saka tumakbo. Nagsikap makatakas
Lakad-takbo ang unggoy. Naghahanap ng baging na makakapitan. Sa pagmamadali ay nahulog ang pobreng hayup sa maluwang na bunganga ng isang lungga.
Mabilis namang sumunod ang mangangaso sa unggoy. Nang makita ang lungga ay napangisi ang lalaki. Sa isip niya ay batid na hindi siya matatakasan ng hinahabol.
Ipinasok ng lalaki ang kamay sa lungga.
Napamulagat ang mangangaso.
Iba ang kanyang nakapa! Parang malansang bagay na madulas na hindi niya matiyak kung ano.
"A-anong...!" sambit niya.
Kasunod niyon ay napasigaw siya ng malakas. May sumagpang sa kanyang kamay! Halos mawalan ng malay-tao ang mangangaso sa magkahalong sakit na nadama at malaking takot. Naputol ang kanyang kamay! Konting braso na lang ang natira!
"Tuloooooong!" ubod-lakas niyang sigaw.
Narinig ng isa pang mangangaso ang pagsigaw ng lalaki. Sumugod ito sa kinaroroonan ng kasamahan.
"Nakupo! Ano'ng nangyari, Alco?!" gulat na tanong nito.
"M-may sumagpang sa kamay ko, Benjie!" at itinuro nito ang malaking bunganga ng lungga habang hawak ng isa pang kamay ang brasong umaagos ang masaganang dugo. Matapang na pinaputukan nang pinaputukan ni Benjie ang lungga. Nang maubusan ng bala ang hunter ay matapang na sumilip sa bunganga ng lungga. Nakiramdam. Pero biglang may humaltak sa ulo ng lalaki!
"Benjie!" nabigla, pasigaw na sambit ni Alco.
Kahit iisa na ang kamay ay maagap na nahawakan ng lalaki si Benjie. Hinilang palabas ng lungga.
"Aaaaahh!" Sigaw sa sindak ni Alco!
Wala nang ulo si Benjie ... napugot!
Kasabay ng atungal, lumabas sa lungga ang kakaibang nilalang!
Dambuhala ito!
Halimaw ang ulo, ahas ang katawan!
Sindak pero hindi nasiraan ng loob ang mangangaso, isang kamay na pinagbabaril ang nakapangingilabot na nilalang.
Ngunit nagtalbugan lang ang mga bala sa napakakapal na balat ng halimaw! Tila kidlat sa bilis ang sumusunod na pangyayari. Sinagpang nito si Alco! Nilulon!
Waring "natinga" lang ito. Bitin pa!
Binalingan nito ang labi ni Benjie. Sinagpang din at nilulon!
Saka lang parang nakuntento ang nilalang. Gumapang papasok ng lungga.
Naging tahimik ang lugar na iyon. Waring walang masamang nangyari. Pero kinagabihan, muling lumabas ang halimaw. Gutom na naman ito. Gumapang ito para maghanap pa ng pagkain.
Nadaanan nito ang nakasugang kalabaw.
Isang malakas na "ungaaa!" ang lumabas sa bibig ng kalabaw ng lingkisin ng nakatatakot na nilalang. Sinurog ang mga buto hanggang sa mamatay.
Dati talaga'y mga hayup lang ang kinakain ng gumagapang na lagim, pero ibang karne na ngayon ang gusto nito.
Karne ng tao!
Gumapang pa ito nang gumapang hanggang sa may matanaw na kubo. Marahan itong lumapit sa kubo.
Sa loob ng kubo, masayang pinagmamasdan ng mag-asawa ang bagong silang ni lang sanggol.
"Tingnan mo si baby," anang babae. "Marunong nang ngumiti."
"Oo nga. Parang anghel," tugon ng lalaki na masayang kinabig sa dibdib ang asawa na noon ay karga ang anak sa kandungan nito. Kay gandang tanawin ng isang pamilya na nakatakdang mawala sa mundo. Dahil sa sumumod na saglit, biglang nawasak ang dingding ng kubo kasabay ng pagsungaw ng ulo nang gumagapang na lagim!
Sindak na napatili ang babae pero saglit na saglit lang. Nawala ang ulo nito. Sinagpang ng halimaw. Hindi na rin nakakilos ang lalaki dahil siya ang isinunod.
Sandali pa ay nginangalut-ngalot na ng hlimaw ang mga natirang katawan ng pamilya habang sa lapag ng kubo ay lumapat ang sariwa pa nilang mga dugo.
Wari ay hindi pa busog, naghanap pang muli ng makakain ang halimaw. Matalas palibhasa ang pang-amoy, alam na alam nito kung saan pupunta.
Isang lalaking naglalakad ang mabilis na nilapitan ng halimaw. Unang sinagpang nito ang hita ng lalaki.
Umlingawngaw ang hiyaw at panaghoy ng lalaki. Nakarating iyon sa pandinig ng asawa na naghihintay sa pagdating ng asawa. Hinablot ng babae ang kinalalagyan ng flashlight at patakbong tinungo ang kinaringgan ng boses ng asawa. Iglap itong natutulala nang makita ang iilang pirasong laman ng asawa na nakakapit sa damit.
Ang babae ay si Madonna. Siya ang reyna ng mga dalaga sa barangay na iyon bago napangasawa si Oscar.
Labis na dinamdam ni Madonna ang pagkamatay ni Oscar. At dahil sa biyuda na, maraming nanligaw sa magandang babae.
Pero iisa ang sinasabi niya sa mga ito: "Sinuman sa inyo ang makapatay sa gumagapang na lagim ay siya kung sasagutin."
Dalawa lang sa masugid na manliligaw ni Madonna ang matapang na naghangad na mapatay ang gumagapang na lagim kapalit ng pag-ibig ng magandang biyuda.
Si Dodong Diablo na eksperto sa paggamit ng punyal at si Pepe Saldivar na kung tawagi'y "Bathala ng pana" dahil sa husay nito sa paggamit ng pana.
Ang sintu-sintong si Lukutoy, na may gusto kay Madonna ay naghahangad din na mapatay ang gumagapang na lagim.
"Akin patay gapang lagim para ako ibig Madonna," ngising sabi nito habang parang si David na pinaiikut-ikot ang tirador. At nang inaakalang tatamaan na nito ang nakapuwestong lata ay pinakawalan na ang balang bato ng tirador.
"Aragay!" Lumagatok iyon sa kalbong ulo ng kanyang lolo!
Siklab ang galit ng nabukulang lolo. Hinabol ng patpat si Lukutoy. "Dimunyo kang bata kaaa!"
"Sori 'Lo! 'Di na uulit!"
Samantala puspusan ang ginawang pagsasanay nina Dosing Diablo at Pepe Saldivar sa paggamit ng kanilang mga sandata. Sa Kami ng pagkakagusto ng mga ito kay Madonna ay halos wala ng ibang pinagkaabalahan ang isip kungdi ang mapatay ang halimaw.
Maging si Lukutoy ay nagamay na ang paggamit ng tirador dahil sa araw-araw na pagpapraktis. Ang tanong lang ay kung tatalab ito sa makapal na balat ng gumagapang na lagim.
Si Dodong Diablo ang unang humarap sa gumagapang na lagim. Sinalaksak niya nang sinalaksak ng mahabang kawayan ang lungga.
"Lumabas ka! Labaaaaaas!" ang mayabang na hamon ni Dodong.
Bigla ngang lumabas ang halimaw! Nakabibingi ang atungal nito!
Atras si Dodong. Nasindak ng makita ang itsura ng kalaban.
Pero saglit lang at pumwesto ng maganda. Humugot siya ng punyal at inasinta sa noo ang gumagapang na lagim. Pero tumalbog lang sa noo ng halimaw ang matalas at matulis na punyal.
Muling humugot ng punyal si Dodong. Inasinta sa mata ang halimaw. Inihagis iyon. Tumuaik sa isang mata ng halimaw ang punyal! Nag-umulol tuloy ito sa galit! Ipinagwasiwasan ang buntot!
Wasiwas dito... wasiwas doon!
Tumba ang bawat punong matamaan ng buntot!
Nahagip ng buntot sa katawan si Dodong. Humagis sa malayo ang lalaki! Hindi na niya nagawang tumayo. Heto na ang gumagapang na lagim!
Sinungkal nito si Dodong. Hinagis sa ere!
Pagbagsak ng lalaki, swak sa nag-aabang na bunganga ng gumagapang na lagim!
Naglagutukan ang mga buto ni Dodong nang nguya-nguyain siya ng halimaw!
Tilamsikan kung saan-saan ang dugo!
Nagiling si Dodong sa loob ng bunganga ng halimaw!
Hanggang sa tuluyan na siyang lunukin nito!
Samantala, umaangil ang makina ng land cruiser ni Pepe Saldivar paakyat sa bundok. Sa araw na iyon ay haharapin din niya ang gumagapang na lagim.
Pagdating niya sa lugar ay napansin niya ang nagkalat na dugo ni Dodong. Pati na ang isang
punyal nito na ginamit sa gumagapang na lagim.
"Anak ng pating!" mura ni Pepe. "Nadale ng gumagapang na lagim si Dodong!"
Lumapit siya sa lungga. Pinagpapana ang loob niyon!
"Lumantad ka!" Ang nanghahaming sigaw ni Pepe. "Harapin mo ang iyong kamatayan!" Pero wala sa loob ng lungga ang gumagapang na lagim...
Nasa likod ni Pepe! At ni hindi na niya nakita ito. Sinagpang na kaagad nito ang ulo niya! Nakahakbang pa ng ilang beses ang walang ulong si Pepe bago tuluyang bumagsak nang padapa.
Kitang-kita ni Lukutoy ang malagim na sinapit ni Pepe. Kulang-kulang man ang isip nito ay alam na kapwa nabigo ang dalawang mangingibig ni Madonna na mapatay ang halimaw. "Ako patay gapang lagim!!"
Binalahan ng suntu-sinto ng bato ang tirador saka tila David na pinaikot-ikot ang tirador sa hangin. Pinupuntirya niya ang ulo ng gumagapang na lagim.
"Basag iyo ulo rito! Labas iyo utak!" paninigurado ni Lukutoy.
Pinawalan ng sintu-sinto ang bato. Hagip nga sa ulo ang gumagapang na lagim!
Pero nadismaya si Lukutoy dahil ni hindi naramdaman ng halimaw na may tumama palang bato sa ulo.
Umakyat ang sintu- Shinto sa isang mataas na lugar kung saan may malaking bato. Kahit kulang ang isip ay may naglaro sa kanyang utak na dapat gawin.
Nang nasa tuktok na siya ng malaking bato ay hinugot ang gulok na kung ilang araw na rin niyanh inihahasa.
Kinuha ni Lukutoy ang atensiyon ng gumagapang na lagim. "Nye-nye-nye-nye-nyeee!" parang batang pang-iinis niya rito.
Hinarap ng halimaw si Lukutoy. Nanlilisik ang mga mata. Ngumanga nang pagkluwang-luwang para manakmal.
Dumayb ang sintu-sinto sa maluwang na bunganga ng gumagapang na lagim!
Madulas ang loob ng katawan ng halimaw. Dire-diretso sa tiyan nito si Lukutoy!
Hindi na nag-aksaya ng panahon ang sintu-sinto. Walang habas na pinagtataga at pinagsasaksak ang loob ng tiyan ng halimaw.
Umatungal sa sakit ang gumagapang na lagim. Nagwala! Grabeng pagwawala!
Kahit parang nililindol sa loob ng tiyan si Lukutoy ay hindi pa rin siya tumitigil. Taga rito, taga doon! Saksak dito, saksak doon!
Pati ang mga lamanloob ng gumagapang na lagim ay hindi nakaligtas sa talim ng gulok ng sintu-sinto.
Hanggang sa igupo ng pagod si Lukutoy. Naliligo sa dugo ng halimaw.
Mahina na ang gumagapang na lagim.
Sumampay ito sa sanga ng isang malaking puno.
Habol ang hininga!
Mayamaya ay sumuka ito ng pagkarami-raming dugo!
Pagkatapos, lumungayngay na ang ulo nito!
Mula sa kinaroroonan ay naramdaman ni Lukutoy ang pagtahimik ng gumagapang na lagim.
Nagsimulang gumapang ang sintu-sinto palabas ng katawan ng halimaw. Hilam na hilam siya sa magkahalong dugo at likido mula sa katawan nito.
Hindi kalayuan, padating ang nagmamadali at humuhingal na lolo ni Lukutoy. Nag-alala kasi ito kaya sinundan ang apo. Panay ang sigaw nito. Tinatawag ang pangalan ng apo.
"Inangkupoooo!" sigaw nitong halos himatayin sa sobrang takot pagkakita sa gumagapang na lagim.
Sumungaw sa malaking bunganga ng halimaw ang sintu-sinto. Nakita nito ang lolo niya. "'Lo! Patay ko gapang lagim!" tuwang-tuwang sabi ni Lukutoy.
Pero biglang sumarado ang bunganga ng gumagapang na lagim! Tumalsik ang ulo ni Lukutoy!
Hindi siya nakaligtas sa huling sakmal nito!
Gumulong sa lupa ang pugot na ulo ng sintu-sinto! Bumundol sa paman ni lolo!
"Apo koooooo!" sigaw ng matanda.
Ang gumagapang na lagim — tuluyan nang nawalan ng buhay!
Itinuring na bayani sa kanilang lugar ang sintu-sintong si Lukutoy dahil sa malaking papel nito sa pagkakapataysa halimaw.
"Magpasalamat tayo sa ating kapatid na si Lukutoy," anang pari habang pinagmimisahan ang bangkay ng sintu-sinto. "Kung hindi dahil sa kanya, marami pa sanang buhay na mabubuwis dahil sa gumagapang na lagim."
Wala namang patid ang patak ng luha ni Lolo. Kahit naman madalas niyang makutusan ang sintu-sintong apo ay mahal na mahal niya ito.
Hindi nag-iisa si Lolo sa hindi matingkalang kalungkutan iyon na bunga ng pagkawala ng mahal sa buhay ...
Sa loob ng lungga ng gumagapang na lagim ay may mga inakay na nagsisitangis!

Wakas