Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


´╗┐MATA NG DIYABLO

Kilala ang pangalan ni Detektib Milanio. Naging bantog ang pangalan niya sa galing ng kanyang pamamaraan sa paglutas ng krimen. Mahusay niyang nalulutas ang iba't ibang kasokagaya ng paniniktik sa kuta ng mga tulak ng droga at mga notoryus na kriminal, mga nawawalang tao na hindi makita. Basta trinabaho niya, laging mayroong magandang resulta. Marami na fully nababangga ang detektib.
"Masyado ka nang pakialamero, bata!"
Isang gabi iyon nang harangin si Detektib Milanio ng isang grupo ng mga nainguso niyang tulak ng droga. Armado ang mga iyon ng matataas na kalibre ng baril at handang pumatay.
Mabilis ang naging galaw ni Milanio. Agad siyang nakasakay sa kotse saka pinatakbo nang ubod tulin ang sasakyan. Awtomatiko rin ang reaksiyon ng mga humarang sa lalaki. Bumuntot sa kanya ang mga humahabol na kriminal.
Nagpaputok ang mga iyon at halos matadtad ng bala ang sasakyan ng detektib. Butas-butas ang katawan ng sasakyan pero hindi napuruhan si Milanio.
Buo ang loob na diniinan ni Milanio ang silinyador at buong tuling pinaharurot ang sasakyan. Kung saan-saang eskinita siya lumiliko para iligaw ang mga humahabol. Sanay siya sa pakikipagpatintero kay Kamatayan. Pakiramdam nga niya ay may sa pusa ang buhay niya dahil ilang beses na rin siyang nalagay sa peligro pero hanggang ngayon ay buhay pa siya. "Hindi ka sasantuhin ng bala ko," gigil na gigil ang pinuno ng grupo na humahabol sa detektib na matinik.
Tinik talaga sa lalamunan ng sindikato si Milanio. Isang grenade launcher ang pinkawalanng isang tauhan na kasama ng pinuno sa sasakyan nito. Sapol ang gasolina ng kotse ni Milanio. Kitang-kita kung paano umapoy ang kotse at umangat sa ere.
"Ewan lang kung mabuhay ka pa!" kampante ang loob na sambit ng pinuno na umabot hanggang tenga ang pagkakangisi.
Hindi nga naman bubuhayin ng apoy sino man na nasa loob ng kotse. Ang hindi alam ng mga kriminal ay tumalsik ang katawan ni Milanio labas.
Ang lakas ng pagkakahagis ng lalaki. Nagpagulung-gulong siya hanggang sa mahulog sa bangin.
Buhay pa si Milanio, pero nadale ang kanyang paningin.
"Hindi ako makakita. Wala akong makita!" kabadong bulalas ng detektib.
May bubog na tumama sa mga mata ni Milanio. Ang huling natatandaan ng lalaki ay umiikot ang kanyang paningin hanggang sa tuluyan na siyang lamunin ng dilim.
Sa isang ospital na nagkamalay si Milanio.
"Dok, gawin ninyo ang lahat maibalik lang ang aking paningin," samo niya.
Nanlumo siya nang sabihin ng doktor na hindi na siya makakakita.
"Kailangan ko ng mata, bigyan n'yo ko ng mata!" desperado si Milanio.
Pinakalma siya ng doktor. "Huwag kang mawalan ng pag-asa, Detektib... Maghihintay tayo ng eye donor para mapalitan ang nawala mong mata.
Ang tagal ding namalagi sa ospital ni Milanio pero wala pa ring nagkusang-loob na magbigay ng mata sa kanya.
"Kahit mata ng kuwago, hindi n'yo ko maihanap?" galit niyang sumbat sa kanyang manggagamot.
Nagpupumilit siyang lumabas ng ospital.
"Palabasin ninyo ako rito! Ako ang hahanap ng mata! Puro kayo walang silbi!" sigaw niya at hinawi ng tungkod ang lahat ng mga nakaharang sa kanyang daraanan.
Walang nakapigil kay Milanio sa paglabas sa ospital.
Sa daan, sa dilim ng gabi ay isang lalaki ang sumutsot kay Milanio habang para siyang pulubi na nakaupo sa isang tabi.
"Lalaki, gusto mo bang makakita?" hindi man nakakita ay parang nakangisi ang lalaki sa pakiramdam ng detektib.
Napatayo si Milanio. "Sino ka?"
May pagkatuso ang kausap ni Milanio. "Makakakita ka kapalit ng kaluluwa mo?" alok nito. "Take it or leave it."
Nabuhayan ng loob si Milanio. "Ganitong desperado na ako, kahit mata ng demonyo, susunggaban ko," sambit niya.
Sa gabing ito ay pumirma sa isang kasunduan si Milanio.
Tinatakan pa ng mahiwagang lalaki ang papel ng kasunduan. Sinelyuhan iyon ng markang bungo.
"Umuwi ka na. Ngayon pa lang makakakita ka na," ang wika ng mahiwagang lalaki.
Sumunod naman si Milanio. At sa laki ng kanyang tuwa, nakita nga niya ang daan pauwi.
Nang nasa bahay na si Milanio ay salamin agad ang hinagilap niya para tingnan ang bago mga mata. Napahiyaw siya sa takot dahil walang laman ang sisidlan ng kanyang mga mata. Paano siya na nakakakita gayong wala namang mata sa loob?
"Anak ng diyablong buwang!" maging si Milanio ay natakot sa sariling anyo.
Parang binibiyak ang ulo ni Milanio sa labis na pag-iisip. Naitapon na ang dati niyang mata na naging saksi sa pagtataksil ng mga asawa ng mga lalaki at babaing Maging kliyente niya. Matang nakakita ng kasalanan kagaya ng talamak na bentahan ng droga, at laman. Nakita na rin ng dating mata ang lahat ng anyo ng krimen. Lahat ng mukha ng kasamaan.
Ngayon, wala na ang mga matang iyon, pero may bago siyang paningin.
Mula sa pader ay tumagos ang paningin ni Milanio sa kabilang apartment. Nakapagtataka na nakikita niya ang galaw ng mga tao sa loob.
Kung gayon, may kakaibang kapangyarihan ang kanyang invisible na paningin.
Nag-isip nang malalim si Milanio. Kung gayon, pwede na uli siyang magtrabaho.
Isang babae ang handang magbayad ng malaking halaga matunton lang ang kinaroroonan ng taong umonse rito. Kausap ngayon ni Milanio ang babae.
"Malaki ang atraso sa akin ng taong iyon. Maituro mo lang ang lugar ay ako na ang bahala sa iyo. Magkano? Name it and you have it." Desidido talaga ang babae na bayaran ng malaking halaga ang detektib.
Kahit kuta pa ng mga rebelde ang pasukin o lungga ng mga maligno ay hindi aatras si Milanio basta pera na ang katapat. "Hindi ka nagkamali ng taong nilapitan," sabi niya.
Umismid ang babae. "Tiyakin mo lang na hindi ka papalpak. Madulas ang taong iyan. May sa demonyo. Parang hunyango na nagpapalit-palit ng anyo."
Minamaliit yata ng babaing ito ang kaya niyang gawin.
"Kahit karayom sa bunton ng dayami ay kaya kong hanapin," Humarap siya sa babae. Nagulat ang babae dahil bulag ang detektib na kaharap. "Bulag ka?"
Ngumisi si Milanio. "Bakit pula ang suot mong panloob, hindi bagay sa berde mong damit." Natawa si Milanio nang mapatiklop ang katawan ng babae sa hiya.
Dali-daling inabot ng babae ang pera. Pinagpawisan. Para palang X-ray machine ang paningin ng bulag na ito. Kita pati kaloob-looban ng kanyang kaluluwa. "Gawin mo ang trabaho mo." Iyan lang at nagmamadali nang umalis.
Ang misyon niya sa araw na ito ay hulihin ang illegal recruiter na si alyas Doble-Kara. Ang dami na raw biniktima ng taong ito. Itinakbo ang pera ng mga taong nagsangla pa ng kalabaw at nangutang nang patubuan maging alila lang sa ibang bansa. Kay dami nitong pinaasa na nauwi lang sa wala. May napaalis man ay nabitay naman sa salang pagnanakaw at pagpatay sa ano. Frame up. Ang iba ay tinutugis pa ng mga awtoridad dahil sa ilegal ang pagpasok sa ibang bansa.
Magsisimula si Detektib Milanio sa paghahanap sa wala. Una niyang pinuntahan ang lugar na dating tambayan ni Doble-Kara.
"May kilala ho ba kayong Doble-Kara?" tanong niya sa isang kuba na halos makuba na sa sobrang yuko.
Ni hindi tumingin sa kanya ang kuba. Naging mailap ang paningin nito kahit natatabingan ng sumbrero ang mukha. "Amang, nagkamali ka ng pinasok na lugar. Ang taong hinahanap mo ay nandiyan lang sa bulsa mo." Ang tawa, nakakalokong tawa.
Napadukot naman si Milanio sa bulsa at ang nakapa ay barya, piso na may doble-kara. Pagtalikod ng lalaki ay nakita ni Milanio na unan
lang ang nasa liko nito, hindi totoong kaba ang lalaki. Sinunggaban niya ito. "Kuba, ikaw si Doble-Kara, akala mo malalansi mo ako, ha? Huli ka!"
Hindi na nakapalag ang lalaki nang posasan niya.
Lalong napabantog ang galing ni Milanio sa panghuhuli ng mga taong mahilig manggantso at manloko ng kapwa. Pero may nadarama siyang malaking kakulangan sa lahat ng iyon.
Sa harap ng salamin ay tinitigan ni Milanio ang buong anyo. Nasa kanya na ang lahat ng katangian ng isang lalaki, maliban sa isa. Wala siyang mga mata. Nakakakita nga siya pero wala namang mata. At nakakatakot silipin ang bakanteng sisidlan ng mata na para bang isang balong malalim na magtatago ng maraming lihim.
Naisip niya ang kasunduan nila ng mahiwagang lalaki. Pakiramdam niya ay nagulangan siya nito. Kinumpronta niya ito nang muli silang magkita.
"Bigyan mo ako ng mata! Mata ang hiningi ko sa iyo! Mata!" sigaw niya.
Umasik ang mahiwagang lalaki. "Masyado kang masiba, Milanio! Binigyan ka na ng kakayahang makakita, gusto mo pa ng mata! Wala kang makukuhang mata."
Napikon ang detektib. "Ikaw ang tuso, diyablo ka! Ginawa mo lang katatakutan ang hitsura ko. Pag sinilip ang butas ng mata ko, kita na ang kaluluwa ko!"
Napahagalpak ng tawa ang lalaki. "Ang usapan natin, akin ang kaluluwa mo!" Nagmatigas si Milanio. "Hindi mo makukuha ang kaluluwa ko hangga't hindi mo ibinibigay ang mata ko."
"Iyan ang akala mo, Milanio. Pero makukuha ko ang kaluluwa mo may may mata ka man o wala."
Kumulo ang dugo ni Milanio sa narinig. Hindi niya mapapayagang mabuhay ng walang mga mata.
Kahit sino pang demonyo ay hindi niya aatrasan.
Nagdilim ang isip niya at dinaluhong ang mahiwagang lalaki. Bago pa ito nakahuma ay nadukot na niya ang mga mata ng kaharap na estranghero.
"Akin ang mga matang ito, akin!" Hawak ng detektib ang dinukot na mga mata. Nakakabingi ang daing ng mahiwagang lalaki na tinanggalan ng mga mata.
Samantala ay parang bolang ibinuslo ni Milanio ang hawak na duguang mga mata sa butas ng kanyang mata. Lapat na lapat ang mga iyon.
Napaunat siya nang maramdaman ang parang mga bolta-boltaheng kuryente na nag-ugnay-ugnay at sa isang iglap lang ay may mata na uli si Milanio.
Muling bumalik ang kisig at gandang lalaki ni Milanio na ngayon ay kumpleto na. Sinubukan ng detektib ang kakayahan ng paningin. Mas matindi ang kapangyarihan nito ngayon. Hindi lang iyon basta tumatagos sa pader ng katabing apartment.
Nalalaman na rin niya kung ano ang saloobin ng mga tao roon.
Halimbawa nito ay ang matabang babae na nag-iisip kung paano lalasunin ang asawa. Ang matandang lalaki naman ay iniisip kung paano mananakaw ang nakatagong salapi ng asawa para maipangsugal. Punumpuno ng kasalanan ang takbo ng mga utak nila.
Maging si Milanio ay humanga sa bagongkakayahan.
Pambihira na ang katangian ng bagong mata niya. Nakikita na niya pati ang takbo ng utak ng sinumang tingnan niya. Hindi lang siya basta detective...
Psychic detective na!
Lalong dinayo ang serbisyo ni Milanio. Hindi niya na kailangan pang umalis sa puwesto para maniktik. Pakuya-kuyakoy na lang siya sa silya habang nireresolba ang problema ng iba. Bakit ang hindi ay nakikita na niya ang hindi nakikita ng iba.
Isang umaga ay may kliyenteng dumating sa tanggapan ng popular na detektib.
"Nawawala ho kasi ang mga alahas ko," iyak ng babae. "Ang lalaki pa naman ho ng mga brilyante nu'n. Baka matukoy ninyo kung sino ang kumuha."
Ang sabi ng babae, kapag naituro ni Milanio ang mga alahas, ang kabayaran ay isang brilyante.
"Walang kumuha ng mga alahas. Umuwi kayo at nasa ilalim lang ng inyong kama," ang sabi niya sa kliyente.
Halos maglulundag ang babae sa tuwa. Naalala na sa ilalim nga pala ng kama niya naitago ang mga alahas.
"Oo nga pala. Doon ko nga pala isiniksik, naalala ko na. Salamat. Maraming salamat." Nang araw na iyon, nadagdag sa kayamanan ni Milanio ang isang piraso ng brilyante. Sa tuwa ng babaing kliyente ay bumalik agad ito dala ang pangakong brilyante sa detektib.
Ang sumunod na kliyente ay gusto lang alamin kung hanggang saan ang kakayahan ni Milanio.
"Nawawala kasi ang asawa ko. Sumama sa iba. Maituturo mo ba kung saan nagpunta?" ang tanong ng lalaki.
Umiling si Milanio. "Wala akong pwedeng ituro sa iyo."
Napapalatak ang lalaki. "Akala ko ba magaling ka? Bakit puro wala ang alam mong isagot?"
Umalsa ang boses ni Milanio. "Bayaran mo ako sa pang-iistorbo mo, lalaki. Isa kang baliw! Dahil alam mo ang totoo, wala kang asawa. Isa kang matandang binata!"
Ang lalaki ang napahiya. Nasubukan niya ang galing ni Milanio. Malaking pera din ang kinailangan niyang ilabas dahil sa pang-iiatorbo sa psychic detective.
Lumaon, pati yata problema ng nawawalang pusa, idinudulog sa kay Milanio. Sa lahat ng iyon ay wala siyang tanggi. Ano man ang serbisyo, iisa lang ang totoo. Napakabilis lumago ng kabuhayan ni Milanio. Sa power ng kanyang mata, nakikita niya pati ang future ng isang tao.
"Huwag kang makikipagkita sa taong may dalang bag na berde. Iyon na ang magiging katapusan mo," payo niya sa dumulog na bagong kliyente.
Dilim ang nakikita niya sa kapalaran ng lalaking ito.
Umalma ang lalaki. "Sira ka pala! Iyong nga ang magbibigay sa akin ng pera."
Hindi nagbayad sa serbisyo ni Milanio ang lalaki. Sa halip, galit pa itong nagbanta bago umalis.
Nang gabing iyon ay isang kidnaper ang na patay hawak ang bag na kulay Verde. Ransom money pala ang laman ng bag, at planado ang kilos ng mga military. Pagkaabot sa bag, pinaligiran nila ang lalaki. Pero nang magtangkang manlaban ito, pinaulanan nila ng bala ang kidnaper bago pa sila malagasan sa high-powered calibre na batik nito.
"Hanggang diyan na lang ang bahay mo," bulong ni Milanio nang makita sa dyaryo ang bangkay ng lalaking hindi naniwala sa sinabi niyang babala.
Hindi makatulog nang gabing iyon si Milanio. Parang screen ang kanyang mata na may nakikitang iba't ibang eksena.
Lahat ng bagay na masasama.
Lahat nang malaswa.
Lahat nang kalukuhan.
Masakit sa ulo.
Parang binibiyak sa sakit ang kanyang ulo.
Kinusot niya ang kanyang mata. Main it. Nagbabaga sa palit.
"Ibalik mo ang mata ko. Akin na ang mata ko!" nauulinig niya ang boses ng lalaking inagawan niya ng mata.
Inangkin na niya ang mata. "Akin ang matang ito! Akin!" Tinutugis siya ng mahiwagang lalaki, pero tinakbuhan lang niya. Sakay ng kotse, pinaharurot niya iyon nang andar, huwag lang siyang abutan.
Habang nagmamaneho, nakaramdam si Milanio ng likidong tumutulo mula sa kanyang mata. Mabaho. Umaalingasaw sa baho.
Sa salamin, nakita niyang nagnanaknak ang kanyang mata, hanggang sa lumabas ang dugo. Lalong sumangsang ang amoy. Kasunod niyon ay may lumabas na daga sa mata niya, mga daga.
Napsigaw siya sa sindak. Lahat na yata ng klase ng insekto ay isa-isang naglalabasan sa mga mata. Napuno ng insekto ang loob ng sasakyan.
Sa taranta, nakabig ni Milanio ang sasakyan, nawalan ng preno, tuluy-tuloy na nahulog sa bangin na dati niyang kinabagsakan. Sa nag-aagaw na antok at dilim ay nakita ni Milanio ang anyo ng diyablo na parang inuka ang mata. Nakangisi.
"Sige. Iyo na ang mata ko, pero ngayon, akin ang kaluluwa mo!" malakas ang halakhak ng mahiwagang lalaki.
Sumigaw si Milanio, pero ang sigaw niya ay hindi sigaw. Dahil kailanman ay hindi na siya makakasigaw.

Wakas