Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


Rescue

Kasagsagan ng baha sa walumpung porsiyento ng kabuuan ng Metro Manila at ilang mga probinsiya sa Luzon dulot nang hagupit ng bagyong si Ondoy. Napakarami ang mga namatay ngunit mas marami ang nawawala at libu-libong mga pamilya ang naapektuhan at nawala ng kanilang tirahan. Mababagbag talaga ang damdamin ng kahit sino kung mapanood sa telebisyon at makikita sa mga pahayagan ang larawan ng mga bangkay na ang iba ay nakasampay nalang kung saan-saan.

Kasama ang magkaibigang Don at Edwin sa maraming sundalong naging rescuers. Bagama't pagod at puyat, wala pa ring tigil ang tropa nila sa pagre-rescue.

Nakalulunos ang nadatnang tanawin nina Don sa mababang bahaging iyon ng Kamaynilaan. Pangmayamang subdibisyon iyon pero hindi rin pinatawad ng baha. Karamihan ng bahay ay mga bubong na lamang ang makikita. Kung may makikita mang bintana, iyon ay ang mga bahay na two-storey house.

Nagtaka si Don nang magmenor ang motorboat nila at ipinihit iyon pabalik ni Edwin.

"H-hey! Nagmamadali tayo, bok! May ire-rescue pa tayo!"

Hindi siya pinansin ng kaibigan. Itinigil nito ang motorboat sa tapat ng bukas na bintana ng isang 3 storey house. Sumilip si Edwin. Sinipat nitong mabuti sa loob ang isang lalaking abala sa pagliligpit ng mga gamit. Pinapasok na ang tubig ang second floor ng bahay. Hindi sila napapansin nito sa pagmamadaling maiakyat ang mga gamit sa 3rd floor.

"Siya nga! Buhay si Leo Miralles!"

Kahit maingay ang makina at malakas ang ulan, malinaw sa pandinig ni Don ang pangalang iyon! Nagulat siya.

Bigla tuloy niyang sinipat ang lalake sa loob ng bahay. Kahit pumayat, kamukhang-kamukha nga iyon ni Leo!

"Huwag, bok!" mahigpit na pinigilan ni Don ang braso ng kaibigan nang akma itong sasampa na sa pasamano ng bintana.

"Bitiwan mo ako. Sandali lang..."

"Matagal nang patay si Leo Miralles! Kamukha lang niya 'yan!"

Nang muli silang tumingin sa loob ng bahay ay isang matandang lalake na ang naroroon. Pero ang damit na nakitang suot kanina ni Leo ay iyon din ang suot nito.

Nagkatinginan ang magkaibigan.

Multo lang ba iyon ni Leo?

Hindi na napigilan ni Don ang kaibigan nang mabilis na pumasok si Edwin sa loob ng bahay. Napilitan siyang sundan ang binata. Habol din niya ang hininga nang sapitin ang 3rd floor.

"N-nawala rin ang matanda!" ani Edwin.

Iginala ni Don ang paningin sa loob ng kuwarto.

Nakakalat ang mga gamit pang-kusina at pang-entertainment sa sahig. Kasama na roon ang TV na iniakyat kanina ni Leo at ang gas stove na bitbit paakyat ng matandang lalake.

Binuksan ni Edwin ang may kalakihang built-in-cabinet. Mga damit panlalake ang naroroon. Pabalyang binuksan nito ang CR. Wala ring tao.

Nagtataka si Don. Naka-grills lahat ng bintana sa 3rd floor. Ganoon din ang sa comfort room. Paano sila malulusutan ng dalawang iyon?

Napalingon siyang bigla. May nakita siya mula sa gilid ng kanyang mga mata na may dumaan sa bandang likuran niya. Pumihit siya sa bandang hagdanan. Wala ring taong bumababa roon. Pero gumagalaw ang mababaw na tubig sa sahig ng 2nd floor. Palatandaan na may dumaan doon. Tumakbo siya pababa ng hagdan at dumungaw sa bintanang dinaanan nila kanina.

Wala rin siyang taong naabutang lumalangoy palayo.

Napako ang paningin niya sa tubig na umaalimbukay sa harapan ng bintana. Naisip niyang baka nag-dive at sumisid ang dalawa para makapagtago sa kanila.

Hinintay niyang lumutang muli ang mga iyon.

Napahiyaw siya nang may lumutang nga pero isang bangkay ng babae na agad namang inanod at unti-unting lumubog sa tubig.

Ang ipinagtataka ng binata, bakit mabilis na inanod ang bangkay gayong hindi umaagos ang tubig sa bandang iyon?

"Tara na!" galit niyang yaya sa kaibigan nang maka-recover sa nerbiyos. "Sabi kasing kamukha lang ni Leo 'yon! Natakot siguro sa 'yo kaya pati ang tatay ay tumakas din!"

Buong maghapong gulo ang isip ni Edwin habang patuloy sila sa rescue operation. Madalas ay kaababakasan ng poot ang mukha nito. Hindi iyon nalingid kay Don. Alam niyang muling nagising ang pait sa dibdib ng kaibigan na nilikha ni Leo.

Drug addict si Leo. Dalawang beses na itong nasangkot sa kasong rape and murder bukod pa sa maraming ibang petty crimes na ito ang pasimuno.

Hindi rin nakapagtataka kung lagi itong naaabswelto dahil anak ng maimpluwensiyang tao sa gobyerno.

Ang huling biktima ni Leo Miralles ay ang nobya ni Edwin. Sa tulong ng maimpluwensiya rin nilang commandant, may posibilidad na makulong habambuhay si Leo. Pero bago dumating ang araw na huhulihin ito, naaksidente ang kotse ng lalake. Nahulog iyon sa bangin at sumabog.

Malalim na ang gabi nang makauwi si Don. Nakahinga nang maluwag si Sarah. mommy niya.

"Kanina pa ako alalang-alala sa yo, iho. Tamang-tama ang dating mo... kaiinit ko lang uli ng pagkain," anang babae na sumalubong sa dumating na anak.

"Nakita ho namin kanina si Leo, mom."

Napako ang mga kamay ni Sarah na pinapagpag ang basang raincoat ng anak.

"Sabi ko ho... nakita namin ni Edwin si Leo." Pag-uulit pa ng binata. Pinag-aaralan ang reaksiyo ng ina.

"Baka resulta na yan ng sobrang pagod, puyat at pagpapalipas nyo ng gutom ni Edwin." Kaswal ang sagot ni Sarah.

"Mom, sabihin yo na ho kasi sa akin ang totoo!" Tumaas na ang boses ng binata.

"Ano ka ba naman, Don?! Patay na si Leo! Nandoon pa nga tayo sa cremation ng bangkay niya, di ba?" Nanginig ang boses ng ginang. Lumungkot ang mukha.

Nanahimik na ang binata. Maliban sa matatalik na kaibigan ng ina ang mga magulang ng lalake ay inaanak pa nito si Leo. Anak na rin iyon kung ituring ng kanyang ina. Madalas ngang nagseselos siya noon kay Leo.

Dahil ilang bloke lang ang layo ng bahay ng mga Miralles, madalas sa kanila si Leo. Naghihinga ito ng sama ng loob sa kanyang mommy. Bata pa kasi ay naghiwalay na ang mga magulang nito. Hindi rin naman ito ganoon katanggap ng stepmother at mga half-brothers nito.

Iyon ang dahilan kung bakit naligaw ng landas ang kababata niyang si Leo!

Magkalaro sila ni Leo maliliit pa lang sila. Hindi lang sila naging matalik na magkaibigan dahil nga iba ang linya ng pag-iisip ni Leo. Marahil ay resulta iyon ng pagiging produkto nito ng broken family.

Dumalang pa ang pagkikita nila nang mag-aral na siya sa Philippine Military Academy sa Fort del Pilar sa Baguio.

Nang sumunod na araw ay wala si Edwin. Tumawag daw ito bandang umaga sa commandant nila. Ang sabi raw nito ay sumama ang pakiramdam. Pero hindi naniniwala si Don. Lalong lumakas ang kutob niya nang hindi makontak ang kaibigansa cellphone nito. May palagay siyang muling binalikan ng binata ang 3 storey house na kinakitaan ng lalakeng kahawin ni Leo.

Maaga siyang nagpaalam sa kanilang commandant para umuwi. Pero ang totoo, hahanapin niya si Edwin. Hiniram niya ang isang rubber boat ng katropa.

Ikinubli ni Don ang sinasakyang rubber boat sa bahay malapit sa 3 storey house nang makitang papaalis na mula roon ang dalawang motorboat. Tatlo katao ang sakay ng unang motorboat at isa lang ang sa panghuli. Hindi mabanaagan ng binata ang mga mukha nila dahil nakasuot ang mga ito ng raincoat na may hood. Pero nang malapit na ang mga iyon sa kinaroonan niya ay nahawi ng hangin ang hood ng raincoat ng isa sa panghuling motorboat.

Nagitla si Don.

Bakit napakapangit ng hitsura ng lalake? Lumuluwa ang isang mata at kulu-kulubot ang mukha!

nang makalayo na ang dalawang motorboat, saka lang sumagwan si Don para makalapit sa pakay. Tinumbok ang dibdib niya nang makitang may sirang rubber boat sa tapat ng bintana. Nilaslas ito ng matalim na bagay kaya umimpis at nawalan ng hangin.

Baka ito ang gamit na rubber boat ni Edwin!

Dali-dali siyang sumampa sa pasamano at pumasok ng kabahayan. Humupa na nang kaunti ang baha. Wala nang tubig ang 2nd floor. Umakyat siya sa ikatlong palapag.

Malinis na ang kwarto. Wala na ang mga gamit na nagkalat kahapon. Binuksan niya ang built-in cabinet. Wala nang laman. Napako ang paningin niya sa door knob sa kanang bahagi ng dingding ng cabinet. Nahinuha niyang secret door iyon.

Hawak ang baril, hinawakan ng isang kamay ang door know at maingat niyang binuksan ang pintuan. Tumambad sa kanya ang maliit na hagdanan paakyat sa isang secret attic. Lalong kinabahan ang binata. Isa itong safe house na tila maraming sekretong nakatago!

Umakyat siya. May pang-isahang kamang naroon at limang maliliit na TV monitor sa bandang paanan nito. May CCTV system ang safe house! napapaikutan pala ng mga spy camera ang lugar na iyon. Mula sa attic, mamu-monitor ng may-ari kung may dumarating o pumapasok sa bahay nito!

Hindi pa naligpit ang mga beddings. Nagkalat sa sahig ang mga newspapers at panlalakeng magazines. Ang ayos ng mga gamit sa tokador pati na ang basag na lampshade sa sahig ay sapat na patotoong may nagpambuno sa kwartong iyon.

Hindi na napaghandaan ng binata ang pagdaluhong ng lalakeng nagmula sa likuran niya. Nabitawan niya ang hawak na baril. Nagpagulung-gulong sila sa sahig. Napakalakas ng kanyang kalaban anupat agad siyang nakubabawan at nasakal nito.

Napahumindig na siya nang tumambad ang mukha ng kalaban.

Iyon ang nakita niya kanina sa panghuling motorboat!

Halos mapugto na ang hininga niya sa pagkakasakal ng tila halimaw niyang kalaban. Sa nandidilim niyang paningin, nakita niyang gumagalaw-galaw ang mga kulubot sa mukha nito. Nakita niyang napaigtad ang lalake sabay lumuwag ang pagkakasakal sa kanya.

Sinamantala niya iyon. Inipon niya ang natitira pang lakas at sinuntok sa tagiliran ang lalake. Agad siyang nabitawan nito.

Inihit siya ng ubo. Habol ang hininga niya nang bumangon. Nagtaka uli siya nang makitang may umagos na dugo mula sa tagiliran ng 'halimaw'.

Ganoon na ba siya kalakas sumuntok at nabutas niya ang tagiliran nito? Tingin nga niya ay wala na rin itong buhay!

May natisod ang paa niya sa sahig. Isa iyong wrist watch na basag na ang salamin. Dinampot niya iyon at sinipat. Relo iyon ni Edwin!

Kung ganoon, tangay ng mga iyon ang kaibigan niya! Pero sino ang naging katunggali ng kaibigan? Si Leo nga ba?

Kailangan maabutan niya ang motorboat! Tumakbo na siya pababa ngunit agad naman nanggipuspos nang makitang may bumutas rin sa sasakyan niya!

Nagmamadali niyang kinontak sa kanyang cellphone ang kanilang headquarter. Pero hindi makalusot ang tawag niya. Lalo pa siyang nawalan ng pag-asa nang hindi rin sumagot ang kanilang commandant pati na ng mga kasamahan niya sa cellphone ng mga ito.

Lahat ay abala sa ginagawang rescue operation!

Iisang tao nalang ang maaari niyang hingan ng tulong, ang kayanyang mommy!

"Mom, sabihin nyo ho kung saan pa pwedeng magtago si Leo! May alam ka sa mga property ng parents niya, so tell me, please!" pakiusap ni Edwin sa ina.

"Iho, ano bang nangyayari sayo? Patay na siya!" ani Sarah.

"Please, mom! nanganganib ang buhay ni Edwin sa kamay niya!"

"I-iho... wala akong alam!"

"Bata pa akoy isiniksik nyo na sa isip kong magiging makabuluhan lang ang buhay kung gagamitin sa kapakanan ng kapwa! Maaatim nyo ho bang mamatay ang isang matinong sundalo kapalit ng walang kuwenta nyong inaanak?!" Sumisigaw na ang binata.

"P-pero, iho... baka mapahamak ka din!"

"Naniniwala rin ho ako sa turo nyong hindi pinababayaan ng Diyos ang matutuwid!"

Malapit lang ang kinaroroonan ng lumang warehouse na sinabi ng mommy niya. Walang humpay ang ginawang pagsagwan ni Edwin sa improvised raft na nakuha niya hanggang sa marating niya ang mababang bahagi ng tubig. Lumukso na siya at patakbong tinungo ang nakaparada niyang kotse sa mataas na bahagi ng kalsada.

Papasok palang siya ng warehouse na itinuro ng ina, sinalubong na siya sa pintuan ng matandang lalakeng nakita nila kahapon sa 3 storey house. Hawak nito ang bugbog-saradong si Edwin. Nakatutok pa ang baril sa sintido ng kaibigan niya.

"Ibaba mong baril mo at umalis ka naa!" pasigaw na pagtataboy ng matanda sa binata.

Hindi inalis ng binata ang baril na nakaumang sa matandang lalake.

"Ibaba mong baril mo! Kung hindi, papatayin kong gunggong na ito!" Ikinasa ng matanda ang baril at itinuon sa sentido ni Edwin.

Unti-unting ibinaba ng binata ang kanyang baril. Sa pagkabigla niya, pinaputukan pa rin siya ng matanda. Umilag siya. Iba ang tinamaan! Ang pangit na lalakeng kahawig din ng kalaban niya kanina! Hindi niya namalayang nakalapit na pala ito sa kanyang likuran.

Isa pang putok ang umalingawngaw. Nakita na lamang niyang tumimbuwang ang matandang may hawak kay Edwin.

Galing sa mga pulis ang mga putok na iyon. Halatang galing ang mga ito sa rescue operation. Humingi siguro ang mommy niya ng backup para sa kanya!

Dinaluhan niya ang kaibigan. Tinulungang makabangon.

"Si Leo...siya ang matandang yan, bok! Rubber mask lang ang suot niyang yan! Mas nakakatakot namang rubber masks ang suot ng dalawa pa niyang tauhan!" ani Edwin.

Lumapit si don sa bangkay ng matanda at tinanggal ang suot nitong rubber mask. Hindi siya makahuma nang tumambad ang hitsura ni Leo.

"Dalawang beses na niyang iniligtas ang buhay mo, bok. Ngayon at doon kanina sa safe house niya." pagtatapat ni Edwin.

Pinabalik din daw ni Leo ang motorboat nila nang makitang bumalik ang isa niyang tauhang sakay ng ikalawang motorboat. Si Leo raw ang bumaril sa kengkwentro niya gamit ang de-silencer nitong baril. Mabilis ding bumalik ito sa motorboat sa ibaba at muling umalis patungong warehouse.

Kaya pala napaigtad ang kalaban niya kanina at lumuwag ang pagkakasakal sa kanya. Kaya pala may dugong umagos mula sa tagiliran nito.

Basag ang bungo ni Leo. May nakita siyang tattoo ni Donald Duck sa kanang braso ng kababata. Sa ilalim nu'n ay nakasulat ang katagang My brother.

Hindi pala si Leo kundi ang personal driver nila ang sakay ng kotse nang mahulog sa bangin at sumabog. Pinalabas lang na si Leo para tuluyang matakasan ang parusa sa huling kasong kinasasangkutan. Milyon ang ibinayad ng mga magulang ng kababata sa pamilya ng driver para manahimik na lang ang mga ito.

Kinasuhan ng obstruction of justice ang ama ni Leo.

Tinanggalan din ng lisensya ang lalake bilang hukom.

"Wala talaga akong alam na ganoon ang ginawa nila," paliwanag ni Sarah sa anak." Ang sa akin lang ay hinala na buhay pa si Leo dahil tuwing magkakausap kami, hindi ko sila nakikitaan ng lungkot."

"Naniniwala ako sayo mom," matapat na wika ni Don.

Agad siyang tumalikod sa ina at mabilis na pinahid ang mga luhang nahulog sa pisngi.

Kinuha niya sa bulsa ang keyholder at sinipat na mabuti ang maliit na gold plated metal effigy ni Donald Duck na nakakabit kasama ng mga susi. Regalo ito sa kanya ni Leo noong 12th birthday niya.

Donald Duck.

Iyon ang tawag sa kanya ni Leo simulang maliliit pa sila!

Hindi lang dahil ito ang paborito nilang cartoon character, kundi hango iyon sa pangalan niyang Donald Duckinson.

WAKAS