Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


´╗┐SAKIM KA BA?

Matutong tumanaw ng utang na loob sa taong tumulong sa iyo, kung ayaw mong matulad kay Nardo!

NANG magkaroon ng trahedya sa Real, Quezon ay nakasamang namatay ang buong pamilya ni Nardo. Pati ang bukirin na kanilang pinagkukunan ng ikinabubuhay ay natabunan na rin ng mga gumuhong lupa.
Bunga nang labis na kalungkutan at sama ng loob ay pinili ni Nardo na pumunta sa ibang lugar. Dahil walang natira sa kanya maliban sa damit na suot ay nagmistula siyang pulubi.

Nagpakalat-kalat siya sa bayan ng Candelaria at kung walang maawang magbigay ng limos sa kanya ay hindi siya kakain.
Isang araw, isang matanda ang naawa kay Nardo, pinakain siya sa isang karenderya at inalok na tumira sa bahay nito.
"Hindi ho ba kayo nagbibiro, Mang Quintin?" namimilog ang mga mata sa tuwang tanong ni Nardo rito.
"Hindi ako nagbibiro, Nardo, kailangan ko talaga ng makakasama sa bahay," sagot ni Mang Quintin sa kanya.
"Hindi ko ho tatanggihan ang alok n'yo dahil ayoko na hong magpalaboy-laboy sa lansangan."
"Nag-iisa ka na sa buhay at ganoon din naman ako, kaya siguro tayo pinagtagpo ng kapalaran."
"Maraming salamat ho, Mang Quintin."
"Ituturing kita na parang hindi iba sa akin, iyan ay kung mapagtitiisan mo ang aking kahirapan."
"Mas mahirap ho ang walang bubong na masisilungan at saka sanay naman ho akosa hirap."
Isinama siya ni Mang Quintin sa bahay nito.

"Malaki naman ho ang bahay n'yo, ah," sabi ni Nardo habang iginagala ang mga paningin sa kabuuan ng bahay ng matanda na purong tabla.
"Malaki nga, pero luma na," sagot nito.
Binigyan siya ni Mang Quintin ng mga damit na maayos pa naman. Sinimulan ni Nardo ang buhay na kasama nito sa pamamagitan ng pagtulong sa lahat ng mga gawain nito.
Siya na ang nagsisibak ng kahoy na panggatong. tinutulungan din niya ang matanda sa pagtatanim ng mga gulay, saging, kamoteng kahoy, mani at pinya na siya nitong pinagkukunan
ng ikinabubuhay. Maluwang ang lupa ni Mang Quintin kaya naisip niya na masuwerte siya dahil inampon siya nito.
Palagay na palagay ang loob nito sa kanya at ganoon din naman siya rito. Pakiramdam tuloy niya ay nabuhay ang kanyang ama sa pamamagitan nito. Nagkaroon siya ng mga kakilala at kaibigan sa lugar na iyon kaya unti-unti niyang nakalimutan ang trahedyang sinapit ng kanyang pamilya.
Kapag nagbebenta sila ng mga kalakal sa bayan ay binibigyan siya ni Mang Quintin ng pera.Wala namang pinaglalaanan si Nardo ng kanyang nakakaparte kaya nauubos lang iyon sa pagbili ng alak at pulutan kapag nayayaya siya ng mga kaibigan sa inuman..
Nawili na siya sa pagpunta sa mga bahay-aliwan kaya madalas ay gabing-gabi na siya kung makauwi.
"Mukhang nawiwili ka sa pagpunta sa beerhouse, Nardo. Hindi ka dapat magpakalulong sa ganyang bisyo. Ang dapat mong gawin ay paghandaan ang iyong kinabukasan at ang pagkakaroon ng panibagong pamilya," pangaral ni Mang Quintin sa kanya.
"Pasensya na ho kayo kung napapadalas ang pag-uwi ko nang malalim na sa gabi. Ngayon lang kasi ako nakakabawi sa nangyari sa akin noon," hinging-paumanhin niya rito. "Wala namang problema sa akin. Kaya lang hindi na kita itinuturing na ibang tao, kaya ang gusto ko sana ay makaipon ka para mapaghandaan mo ang iyong kinabukasan. Hindi sa habang panahon ay nandito ako para gabayn ka. Alalahanin mo na matanda na ako at bilang ama nais kong makita na nagsusumikap ka," wika pa nito.
Hindi naging maganda ang dating sa kanya ng mga sinabi nito. ang pumasok sa kanyang isipan ay pinakikialaman ang kanyang buhay dahil dito siya umaasa. Bagaman at ganoon ang nasa kanyang isipan ay mas pinili niya na magsawalang-kibo.

NANG mabanggit ni Nardo sa mga kaibigan ang sermon ni Mang Quintin ay inayunan ng mga ito ang kanyang iniisip.
"Hindi masama ang ginagawa mong paglilibang, Nardo. Hirap na hirap ka sa maghapong pagtatrabaho kaya natural lang na makapag-goodtime ka naman," wika ni Jose na isa kanyang mga kainuman.
"Iyon nga rin ang nasa isip ko. Ngayon lang naman ako nakakabawi sa kalungkutang pinagdadaanan ko, saka kung tutuusin naman ay hindi sapat ang ibinibigay na kaparte sa akin ni Mang Quintin," sabi ni Nardo sapagkat trabahong kalabaw siya sa araw-araw.
"Maraming pera si mang Quintin, kuripot nga lang kaya sinosolo niya ang malaking kinikita ng kanyang taniman. Bakit hindi ka magreklamo sa kanya para dagdagan ang ibinibigay sa iyo?" muling wika ni Jose.
"Nakakahiya naman sa kanya kung magrereklamo ako. Pinatira niya ako nang libre sa kanyang bahay at kung hindi dahil sa kanya ay maaaring paboy pa rin ako hanggang ngayon." "Pinagtrabahuhan mo naman ang lahat ng mga ibinibigay niya sa iyo. Kung siya lang ay hindi niya makakayang mag-isa ang lahat ng trabaho sa bukid."
Habang panay ang kuwentuhan nila ni Jose ay panay din naman ang tagay nilang dalawa. Kaya nang lumaon ay narindi na ang kanyang utak at tumanim doon na agrabiyado siya sa partihan nilang dalawa ni Mang Quintin sa kita ng bukirin.
"Noon bang nag-iisan lang si Mang Quintin sa pagtatrabaho sa kanyang bukid ay marami rin siyang inaani?"
"Oo. marami nga rito sa atin ang humahanga sa matandang iyan dahil kahit matanda na ay malakas pa rin. Iyong mga kasing-edad niya ay mga patay na ang karamihan at ang iba naman ay iginupo na ng katandaan."
"Bakit ilang taon na ba si Mang Quintin at kung magsalita ay para na siyang hukluban?" "Ang sabi ng lola ko ay mahigit nobenta na raw si Mang Quintin dahil
matanda pa iyon sa kanya."
"Hindi naman ako maniniwala na mahigit nobenta anyos na si Mang Quintin. Kung kumilos siya ay parang wala pang singkuwenta ang edad."
"Baka may anting-anting kaya nananatiling malakas."
Naging interesado tuloy si Nardo na alamin kung may lihim ngang kapangyarihan si Mang Quintin.

LAHAT halos ng kilos ni Mang Quintin na ng mga sumunod na araw ay minatyagan ni Nardo. Natuklasan niya na may baul si Mang Quintin, ngunit hindi niya alam kung ano ang itinatago nito roon.
Isang araw na umalis ang matanda ay palihim niyang binuksan ang baul na iyon na nasa loob ng kuwarto nito. Bumulaga sa kanyang mga mata ang maraming balumbon ng salapi. Kahit minsan ay hindi pumasok sa kanyang isipan na maraming naipong pera si Mang Quintin. Kasama ng pera ay ilang piraso ng antigong alahas na alam niyang mamahalin. Isang lumang panyo ang napansin niya na nakalagay sa isang plastic. Maingat niyang kinuha ang panyo at nangbulatlatin niya iyo ay nakita niya ang tatlong lalaki na nakalarawan
doon na parang mga hari ang ayos.
Maraming nakasulat sa ibaba ng larawan ngunit hindi niya maunawaan ang kahulugan sapagkat mga salitang latin.
"Ito siguro ang sikreto ni Mang Quintin kaya nananatili siyang malakas sa kabila nang kanyang katandaan," biglang napangising sabi ni Nardo sa sarili.
Nais din niyang maging malakas at gusto rin niyang magpasarap nang husto sa buhay. kung mapapasakanya ang salapi at panyong iyon ay magagawa na niya ang lahat ng kanyang magustuhan.
"Pero siguradong hindi ibibigay sa akin ni Mang Quintin ang mga ito. Baka mayroon siyang pinaglalaanan ng mga ito kaya kahitbna minsan ay wala siyang nababanggit sa akin tungkol sa mga ito," muling sabi niya dahil kung hindi totoo ang kanyang hinala ay hindi itatago ng matanda sa kanya ang mga iyon.
Dama ni nardo na buo ang tiwala sa kanya ng matanda at hindi rin naman siya itinuturing na ibang tao. Ngunit may limitasyon pa rin itong itinatago sa kanya.
Bunga nang malalim na pag-iisip ay hindi niya namalayan na nakabalik na si Mang Quintin.

"NARDO, bakit pinakialaman mo ang mga gamit ko?" galit na tanong ni Mang Quintin sa kanya. "Masyado kayong madamot, Mang Quintin, marami pala kayong pera pero kakarampot lang kung bigyan n'yo ako," sagot ni Nardo sa matanda.
"Ang perang iyan ay matagal ko nang inipon at hindi ako madamot na kagaya nang sinabi mo. Ang ikatlong parte ng pinagbibilhan natin ng mga kalakal ay ibinigay ko sa iyo," wika nito sa kanya.
"Hindi sapat sa hirap ko ang perang ibinibigay n'yo!" nagahaman na sa salaping hawak na sabi niya.
"Kahit saan ay ganoon talaga ang partihan, Nardo, kaya ibigay mo sa akin ang perang iyan. Inilalan ko ito sa aking sarili sakaling may mangyaring hindi maganda saakin," anito bago pilit na kinuha sa kanyang kamay ang amkapal na balumbon ng salapi.
"Matanda ka na, Mang Quintin, kaya hindi mo na kailangan ang perang ito!"
Hindi alam ni Nardo kung ano ang nagtulak sa kanya para patayin si Mang Quintin.
Basta nagdilim ang kanyang isipan nang sapilitan nitong kunin ang maraming perang hawak niya. Ngayon lang siya nakakita at nakahawak ng ganoong karaming salapi kaya hindi siya makakapayag na hindi siya ang makinabang doon.
Nang kumalat ang dilim ay palihim na naghukay si Nardo sa likod bahay.bDoon niya ibinaon ang bangkay ni Mang Quintin upang walang makaalam ng ginawa niya rito. Nang sumunod na mga araw ay ikinalat niya na may pinuntahan si Mang Quintin at matataglan bago bumalik.

SI Nardo na ang nag-asikaso ng lahat ng mga naiwan ni Mang Quintin. Humanap siya ng mga taong mauupahan sa pagtatanim upang hindi na siya mahirapan. Nagbuhay-hari siya at walang ginagawa kung hindi ang uminom at mag-utos. Pati ang kanyang mga damit ay kanyang pinalalabhan, kaya hanga sa kanya ang kanyang kabarkada.
Isang gabing nakainom aybnaisipan ni Nardo na kunin ang panyo. Binasa niya ang nakasulat doon kahit na hindi niya alam kung ano ang kahulugan.
"Deus, deus, aram, ardam, adram, egosum!" malakas na
sabi niya.
Biglang gumuhit ang matatalim na kidlat matapos niyang bigkasin ang mga katagang nakasulat sa panyo. Inakala niya na uulan kaya nagsalimbayan ang mga kidlat.
Mayamaya pa ay may kumatok sa pintuan. Wala siyang inaasahang bisita kaya natatamad siyang bumangon upang buksan ang pinto. Napasigaw si Nardo at nawala ang kanyang kalasingan nang tumambad sa kanyang mga mata si Mang Quintin.
Putikan ang katawan ng matanda na bahagyang nahugasan ng tikatik na patak ng ulan. Gulanit na ang suot nitong damit
at naaagnas na ang katawan. Luwa na ang isang mata at umaalingasaw sa baho ang amoy na nagbubuhat sa nabubulok nitong laman.
"Sakim ka, Nardo, kaya ang dapat sa iyo ay mamatay din!" may diing sabi ni Mang Quintin sa kanya bago nagsimulang pumasok sa loob ng bahay.
"P-patay ka na, p-paano kang nabuhay?" takut n takot na sabi niya habang umaatras palayo rito.
"Ang katagang nakasulat sa panyo ang nagbigay-buhay sa akin," sagot nito bago siya biglang sinakal.
"H-huwag, Mang Quintin, maawa ka sa akin!"
"Maawa, bakit naawa ka ba sa akin? Hindi ba't nagmakaawa rin ako sa iyo noon, pero hindi mo ako pinakinggan. Mamamatay ka rin at isasama kita sa aking hukay," sabi nito bago diniinan ang pagsakal sa kanya.
Sinikap ni Nardo na kumawala sa pagkakasakal nito, ngunit higit na malakas si Mang Quintin kesa sa kanya.
"Hindi ka dapat na pamarisan, Nardo. Tinulungan kita at pinagpala peo kamatayan ang iginanti mo sa lahat ng kabutihan ko sa iyo!"
Unti-unting nahirapan si Narxo sa paghinga at makalipas pa ang ilang
sandali ay nalagutan na siya ng hininga.
Lumuha ang bangkay ni Mang Quintin matapos na maiganti ang kaapihang dinanas sa kamaybng taong tinulungan at inampon.
Kinabukasan ay nakita ng kanilang mga kapitbahay ang malalim na hukay na kinaroroonan ng bangkay ni Nardo. Samantalang ang nabubulok na bangkay ni Mang Quintin ay nasa tabi lang ng hukay at ang amoy noon ang tumawag ng pansin ng mga tao.
Sari-saring haka-haka ang lumabas sa bibig ng marami. Ngunit higit na nakapanaig ang kilabot at takot dahil sa dimaipaliwanag na pangyayari.

Wakas