Pinoy Horror Story

Pinoy Haunted Pocketbooks


´╗┐SINO KA?

TUMUNOG ang telepono.
"Hello, sino ito?" anang malambing na tinig ni Karima nang sumagot.
"Ikaw ba si Karima?" malaki ang boses ng kabilang linya.
Napakunot ang noo ng reporter. "Sino ito?"
"Hindi mo ba ako kilala?"
"Sino ka ba?"
Ngumisi ang nasa kabilang linya. "Ako lang naman ang taong huhukay sa libingan mo."
Pagkatapos noon ay humalakhak ang lalaki. Isa iyong nakakalokong halakhak.
Sanay na si Karima sa gayong mga tawag. Pangkaraniwan na sa kanya na kumakain ng death threat araw-araw. Bilang matapang na reporter ay hindi siya kayang sindakin na kahit ano pang banta sa buhay niya.
Isang mensahero ang naghahanap kay Karima.
"Miss Karima Reyes, may dala ho akong package. Para ho sa inyo," anang delivery man.
Isang kahon ang dala ng mensahero. Naalarma si Karima. Naisip na baka bomba ang laman ng kahon. Pagkahawag dito ay agad siyang nagtatakobo sa labas para ihagis ang kahon.
Walang bombang sumabog.
Ilang sandali pa, matapang niyang nilapitan ang kahon at binuksan. Ang laman ng kahon ay damit na pamburol at kumikislot-kislot pa ang mga ibinuhos na uod. Binasa niya ang sulat na panakot:
Buhay pa, inuuod ka na ... ...
Iniitsa ni Karma ang kahon sa apoy. "Sino ka man na may gawa nito ay masahol ka pa sa diablo," anas niya.
Si Karima Reyes, isang matapang at palaban na reporter ay hindi titigil sa kanyang misyon na na ibulgar ang kasamaan ng mga taong gustong maghari-harian sa lipunan.
"Kaya talaga tayong kainin ng buhay ng mga mandarambong na iyan," pahayag ni Karima sa isang television interview nang tanungin siya tungkol sa scoop na aniya ay isisiwalat.
Wala ngang takot na ibubulgar ni Karima ang modus operandi ng isang grupo na sangkot ang matataas na tao sa lipunan. Para sa kanya, may tungkulin siyang ipaalam sa publiko ang mga kabulukan ng lipunan whatever it takes. Hindi siya natatakot kahit kanino at lalong hindi siya natatakot sa mga pagbabanta sa kanyang buhay.
Nilang matapang na reporter ay walang sinosino si Karma lalo't alam niyang nasa panig siya ng katwiran. Laman ng balita niya sa diyaryo ang pangungurakot at pang-aabuso sa kapangyarihan ng ilang matataas na opisyal sa gobyerno, pagiging garapalang panunuhol ng mayayamang negosyante, at mga sindikatong sumisira sa buhay ng mga inosente.
Muntik na nga rin siyang ipatumba ng isang drug lord na nabuwag niya sa kanyang expose sa diyaryo.
"Karima, hindi ba delikado iyang trabaho mo?" usisa ng kanyang best friend na si Marietta.
Nag-aalala na ang mga dati niyang kaibigan sa pagbangga niya sa malalaking tao at pati na sa malaking sindikato.
"Baka naman isang araw ay bigla ka nalang bumulagta sa daan, baka ikaw na ang takpan ng diyaryo," ang pag-aalala ay hindi maitatago sa mukha ng kanyang best friend.
"Subukan lang nila na ipatumba ako, Marietta. . . .kahit sa hukay, hindi ko sila titigilan," sabi niya ng buong tapang.
Sumumpa sa sarli si Karima na kahit nasa hukay na siya ay muli siyang babangon para lurayin ang mga taong may maiitim na budhi at halang ang kaluluwa.
Muli, isang tawag ang natanggap ni Karima. "Karima, gusto mo bang makasaksi ng kahindak-hindak na pangyayari?" misteryoso ang caller, as usual.
"Sino ka?"
"Hindi na mahalaga kung sino ako. Ang mahalaga, makakuha ka ng isang malaking balita."
Nasukol daw ng mga militar ang mga rebeldeng nagtatangkang maghasik ng kaguluhan sa lungsod.
"Huwag kang lumakad mag-isa," anang baguhang reporter na kasama ni Karima sa kanilang diyaryo.
"Kaya ko ito," hindi siya nagpaawat.
Maging ang kanilang news editor ay nangangamba sa pagsuong ni Karima sa delikadong sitwasyon. "Baka magkabarilan doon. . . mag-iingat ka."
Tumango lang ang dalaga. Handa siya sa anumang panganib.
Kung nasaan ang balita at kaguluhan, nandoon si Karima. Iyon ang buhay niya. Iyon ang mismong nagbibigay ng sigla sa dugo sa kanyang ugat-balat!
Dali-dali siyang nagtungo sa inihimantong na lugar.
"Sir, ano ang nangyayari dito?" agad niyang tanong sa tenyenteng unang nakita pero hindi siya pinansin.
Nasa nagaganap na enkuwentro ang pansin ng alagad ng batas.
Tensiyonado ang lahat nang biglang bumugso ang mga putok na sinagot ng bugso rin ng mga putok.
"Tumabi kayo diyan, baka maipit kayo sa crossfire!" narinig nilang sigaw ng tenyente.
Nagpatuloy nga sa palitan ng putok ang mga rebelde at mga militar. Sunod-sunod, walang patid.
Sanay umilag sa bala si Karima. Napasabak na siya sa maraming giyera sa buhay niya. Pero kakaiba ang labanang ito dahil ang nakita niya na nagbabarilan ay...
Mga rebeldeng bungo laban sa mga kalansay na militar!
Namamalikmata ba siya?
Ang ilang sundalo ay may dalang de sabog at nang pumutok ay nakita niya kung paano magkalasog-lasog ang mga buto ng isang rebeldeng vungo.
Gumanti ng putok ang isang rebelde na nakasuot pa ng salaming de kulay. Hwak naman nito ang isang grenade launcher. Pagbuga ng putok, talsik sa ere ang bungo ng isang tinamaang sundalo.
Masyadong mainit ang labanan ng dalawang panig.
Walang tigil ang pagpapalitan ng putok.
Isang rebeldeng bungo ang nakita niyang nakangisi habang nakatingin sa kanya. Pailing-iling at kumindat pa sa kanya.
At bago pa man siya nakailag ay niratrat na ang katawan niya ng bala.
Parang slow motion ang pagtumba ni Karima. Para siyang hinihigop ng kawalan at sa pag-ikot nang paningin niya ay nakita niya na sinalo pa siya ng isang kalansay.
Sa isang madilim na lugar nagising si Karima. Hindi niya maigalaw ang katawan na pa bang may mga batong nakadagan.
May nararamdaman siyang gumagapang sa kanyang balat. Pakiramdam niya ay laksa-laksang bulate ang nasa tabi niya. Diring-diri siya.
Ibinaon ba siya nang buhay sa lupa? Kung talagang patay na siya, bakit hindi lamang siya binigyan ng isang disenteng libing?
Nagsisigaw si Karima para humingi ng tulong. Paos ang boses niya. Walang makakarinig sa kanya. Nakahiga siya sa ilalim ng lupa. Totoo nga, inilibing siya nang buhay.
Si Karima, hindi naniniwala na wala na siya sa mundo. Umangat ang lupang pinaglibingan kay Karima at mula roon ay lumabas ang isang kamay.
Bumangon si Karima sa hukay.
"Tubig. . . tubig. . . !"
Uhaw na uhaw na si Karima. Ang pakiramdam ng bangkay ay pangkalayu-layo ng kanyang nilakbay.
Pinagpag niya ang putik na halos manuyo na sa kanyang balat. Naamoy niya ang sarili, masangsang at amoy patay.
Umuwi si Karima sa tinutuluyang bahay para alisin ang mga putik na kumapit sa kanyang katawan.
"Mrs. Lee. . . . ." Binati niya ang nasalubong na kasera, pero ni hindi siya pinansin na para bang tagus-tagusan lang siya.
Maging ang guwardiya ng condominium unit na tinutuluyan niya ay hindi man lamang bumati, at para bang walang nakita.
Masyadong kakatwa ang araw na ito. Kakaiba. Para bang hindi siya nakikita ng iba, tagus-tagusan lang ba siya?
Kung multo na siya bakit buo pa ang katawan niya, at hindi siya isang palutang-lutang na ispiritu. May laman pa rin siya, may buto.
Sa kanyang silid ay pumasok ang reporter. Nilinis niya ang sarili, at tulad ng dati ay pinakinggan ang paboritong musika na pampatulog sa kanya.
Nag-aagaw-antok na siya nang tumunog ang telepono. Inabot niya ang telepono mula sa cradle.
"Hello, sino ito?"
Natawa ang nasa kabilang linya.
"Hindi ba inilibing na kita. . . bakit bumangon ka pa?" anang tinig sa kabilang linya.
Nagalit si Karima. "Kung sino ka mang diyablo ka, kahit siyam na beses mo akong itumba, babangon at babangon ako para hantingin kita."
"Talaga?" Nanunuya ang tinig na nasa kabilang linya.
"Paano mo hahantingin ang isang taong katulad mo ay patay na." Muli ang tawa, nakakatulig na tawa.
Bumangon si Karima. Nawala ang antok niya. Buwisit talaga ang taong iyon na gusto laging manakot sa kanya.
Kakaibang gutom ang naramdaman ni Karima. Sa isang steak house sa labas ng tinutuluyan ay nakita pa niya ang isang tusong illegal recruiter na bumiktima sa mga gustong magtrabaho sa ibang bansa. Busog na busog iyon, habang marami ang ginutom na pamilya.
Nakaramdam nang pagkalam ng sikmura si Karima. Pero ang steak na isinubo niya ay parang gusto niyang isuka. Ayaw tanggapin ng tiyan niya.
Nakita niyang tumayo ang manlolokong recruiter, at kung bakit naman sinundan niya iyon hanggang sa restroom.
"Magandang gabi, dayukdok!" Nakangisi si Karima, at sa isang maling galaw niyon ay may dinudukot na siyang bituka.
Nasa isang sulok si Karima habang pinapangos ang bituka ng mandarambong, hindi pala masarap ang bituka na ang laman ay galing sa nakaw, pero naparam ang gutom ni Karima. Kumuha pa siya ng toothpick para alisin ang mga singit-singit na kame sa pagitan ng mga ngipin.
Napaiyak si Karima pagbalik sa tinutuluyan. Ano ba ang nangyayari sa kanya. Bakit nagawa niyang kainin ang lamanloob ng isang tao?
Kinabukasan, inabangan niya sa balita ang isyu kung saan natagpuang walang bituka ang manlolokong recruiter. Ni wala siyang nakitang balita tungkol doon. Nahambalos niya ang diyaryo. Mga duwag ang mga kasama niya, mga walang binatbat.
Bumalik siya sa publikasyon para simulan uli ang pagsisiwalat ng mga kaganapan. Ang tungkol sa bakbakan ng mga bungo. Ang tungkol sa pagdukot niya at pagnguya sa lamang-loob ng isang wanted na tao.
Hindi siy natatakot makulong sa pagsisiwalat nang totoo.
Tahimik sa opisina. Para bang nagluluksa.
"Sayang si Karima. . . isa pa namang siyang magaling at matapang na reporter. . ."
Halos magluksa ang media sa pagkawala ni Karima. Isang bayani ang tingin niya sa reporter na nagbuwis ng buhay alang-alang sa malaya at patas na balita.
"Malaking kawalan si Karima sa atin."
"Maging ng tagapaglathala at may-ari ng publikasyon ng kanilang dyaryo ay labis na nalungkot.
Natawa si Karima. "Mga baliw ba kayo. . . buhay pa ako. . ."
Ni walang pumansin sa tawa ni Karima.
Ang baguhang reporter ang nagsalita. "Pero ako, hindi kumbinsido na wala na nga si Karima. Kasi ni hindi natin nakita kung nasaan na ang kanyang bangkay."
Kung gayon, may dumukot sa kanya noong natumba siya? Naging palaisipan iyon kay Karima.

SABI ng kaibigan niyang si Marietta. "Hindi basta mawawala si Karima sa mundo. Sabi nga niya sa akin, subukan lang nila na ipatumba ako, Marietta. . . kahit sa hukay, hindi ko sila titigilan. "Naalala din ng babae na, "Sumumpa si Karima na kahit nasa hukay na ay muli siyang babangon para lurayin ang mga taong maiitim ang budhi at halang ang kaluluwa."
Parang babagsak ang tuhod ni Karima sa panlalata. Gusto na niyang makumbinsi na patay na siya, at muli lang bumangon para tuparin ang ang kanyang misyon.
Hindi na siya makakabalik sa pasulatan, dahil lahat ay naniniwala sa isa na nga siyang bangkay.
Kaya lang siya patuloy na namamalagi sa mundo ay dahil hindi siya papayag na mamatay. Hindi siya puwedeng mamatay.
Kung para sa kanila ay patay na siya, para sa ganang sarili niya ay buhay na buhay siya.
Siya ang bantay ng bayan.
Gusto niyang burahin ang mga mukha ng mga masasamang tao sa lupa. Gusto niyang lapain ang mga sindikatong sumisira sa kinabukasan ng nga bata. Gusto niyang luray-lurayin ang laman ng mga pasimuno ng mga prostitusyon. Gusto niyang dukutin ang puso ng mga mayayaman na abusado at mapang-api sa kapwa. Gusto niyang tadtarin nag pinung-pino ang mga mapagsamantalang negosyanteng puro kasakiman at katakawan ang alam sa katawan. Gusto niyang ubusin ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan na ginagamit ang kapangyarihan para sa pansariling kapakanan.
Nang gabing iyon ay lumikha ng blog si Karima, at ipinaskel doon ang mga retrato kung paano niya lurayin at kainin ang lamang-loob ng mga masasama at switik na mga tao.
Nakakapanindig balahibo ang mga retrato.
Siya, katabi ng isang bangkay ng padrino ng sindikato habang parang ahas na binabalatan niya nang buhay ang buong katawan nito. Siya at ang bangkay ng mama san ng isang prostitution den habang pinapasakan niya ng karne ng mga manyak ang bunganga nito. Siya at ang bangkay ng masisibang negosyante habang tinatahi niya ang pera sa loob ng mga katawan nila.
Marami pa siyang ipapaskel na kuha sa blog niya.
At sisindakin niya ang buong mundo s mga kahindak-hindak na pangyayari sa buhay ng isang bangkay na muling bumangon.
Tumunog ang telepono.
"Hello, sino ka?"
"Anak ng buhay na bangkay na ito, hanggang ngayon ba hindi mo pa rin ako kilala?"
"Sino ka ba?"
Walang sagot.
Naramdaman na lang ni Karima, may humihila na naman sa kanyang paa papunta sa ilalim ng lupa.
Si Kamatayan!

Wakas